4,477 guests

Kolorum na Sucat-Lawton UV Express pagaari ng pulis?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 740

ISA sa pinakabusy na ruta ng UV Express ang Sucat-Lawton.

Ito kasi ang kombinyenteng sasakyan ng mga commuter na mula Parañaque patungong Maynila o vice-versa.

Sigurado ako, lahat halos ng madadaan sa Roxas Boulevard ay nakikita ang paglipana (o nakasakay na) ng mga UV Express na may rutang Sucat-Lawton via SM Mall of Asia.
   
Kung tama ang ating pagtantya, abot na siguro sa mahigit 500 ang pumapasadang UV Express na Sucat-Lawton.
   
Sa tantyadong bilang nating ito ay mahigit sa kalati sa kanila ang mga kolorum, peke at walang anumang prangkisa.
   
Isang simpleng halimbawa rito ay ang pagkakaroon ng UV Express sticker ng mga bagong AUV na wala pang ‘plate number’ o ‘conduction sticker’ man lang.
   
Ang catch, nakalagay pa rito ang umano’y mga ‘case number’ sa pag-award sa kanila ng prangkisa gayung kahit i-double check ang mga ito sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ay hindi ito rehistrado.
   
Karamihan sa pasimuno ng daang bilang na kolorum na sasakyan sa Sucat-Lawton UV Express ay mga pulis. Iyong iba ay mga opisyal at may ranggo pa  at siyempre mayroon ding militar.
   
Dahil peke, dyapeyks, orocan, talahib at kolorum ang ipinapasadang UV Express, nakalagay sa kani-kanilang dashboard ang sombrero ng Philippine National Police.
   
Ang iba’y may nakasabit pang identification cards at tsapa ng PNP. Ang pinakamatindi pa, ang ibang kolorum na UV Express ay may nakasabit pang uniporme ng pulis.
   
Palibhasa’y pulis ang operator o iyong iba ay mismong mga parak pa ang nagmu-moonlight na maging tsuper, ipinagmamalaki ng mga ito na hindi sila puwedeng hulihin ninuman, lalo na ng mga elemento ng LTFRB o Land Transportation Office (LTO) law enforcers mismo.
   
Pinalilitaw na dahil may tsapa, ID, sombrero at uniporme sila ng pulis, pasaporte na ito upang hindi na sila hulihin kahit lantad ang katotohanan na wala silang anumang prangkisa mula sa LTFRB.
   
Kahit nga sa pila,  ang mga kolorum na ito ang siga dahil lagi silang una at regular ang pagsingit mula sa mga lehitimong driver ng UV Express na walang magawa kundi kumamot na lang ng ulo.
   
Sino nga naman silang mga driver kung ang sisingit sa kanila ay mga pulis o bata ng pulis!
   
Kahit i-tsek natin ang ‘accomplishment report’ ng LTFRB, madalang pa sa patak ng ulan kung sila’y gumawa ng operasyon kontra kolorum sa kahabaan ng Roxas Boulevard.
   
Kasi, bibihira lang din magsaya ang mga lehitimong driver sa tuwing may anti-kolorum operation ang mga tauhan ni LTFRB Chairman Martin Delgra.
   
Aminin man o hindi ng LTO at LTFRB -- pati na rin ang local government unit -- lumuluwag kahit papaano ang daloy ng trapiko sa tuwing may ginagawa silang panghuhuli sa mga kolorum na sasakyan dahil nababawasang pumasada ang mga kolorum na sasakyan.
   
Hindi na kailangang magkaroon ng siyentipiko o akademikong pag-aaral.
   
Lipulin lamang ang mga kolorum na sasakyan sa ating mga kalsada, makatutulong ito para lumuwag ang daloy ng trapiko.
   
Kung tutuusin, saludo tayo sa pamunuan ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT), lalo na kina Metro Manila Development Authority (MMDA) Tim Orbos, Highway Patrol Group (HPG) commander Chief Supt. Antonio Gardiola, Jr., dahil kahit papaano gumagawa sila ng paraan para maibsan ang trapik sa EDSA.
   
Pero hindi na lang po sa EDSA may trapik ngayon kundi kahit saang kalsada  ay halimaw na ang problema sa trapik.
   
Totoong malaking bagay ang emergency power ng Pangulong Duterte para maibsan ang trapik.
   
Pero kung may political will lang tayo at kung wala lang ang mga corrupt sa LTO, LTFRB, MMDA at HPG na mga protector ng kolorum na UV Express at pati na rin kolorum na bus at taxi, sigurado tayong magtatagumpay ang ‘change is coming’ na ipinangako ng Pangulong Duterte.
   
’Wag sanang kalimutan ni Mr. Delgra na mainit sa LTFRB ang mata ng Pangulong Duterte at kung sa simpleng problema lang ng kolorum na UV Express sa Sucat-Lawton na ruta, tiyak may paglalagyan siya sa kanyang puwesto.
   
Alam kong mabuti at magaling ang pamamahala ni Bgy. Chairwoman Ligaya Santos sa terminal sa Lawton, pero sigurado akong malaking bagay din ang magaling na kapitana para ikanta nito kung sinu-sino ang nakikinabang sa pagbibigay pahintulot sa mga nagkalat na kolorum na UV Express.
   
Kahit nga mga dispatcher sa terminal, alam nila kung gaano kalawak at kinikita ng mga sindikatong ito.
   
Ayon sa ating impormante, P750 weekly ang lagay ng bawat kolorum sa ilang taga-LTFRB at LTO. Sa HPG naman ay may P10,000 monthly -- hindi lang sa kolorum ng UV Express, kundi pati na rin sa mga kolorum na taxi.
   
Paano pa kaya ang lagayan sa kolorum na bus.
   
Kung simpleng mathematics lang ang gagawin natin para sa tongpats sa ruta ng Sucat-Lawton, P750 i-multiply natin ang  200 kolorum kada linggo, P150,000 na po ito o P600,000 monthly.
   
Rutang Sucat-Lawton pa lang ang pinag-uusapan natin dito. Paano pa ang mga biyahe sa ibang lugar, tulad ng patungong Cavite, Laguna, Bulacan, Fairview, Quiapo at kung anu-anong lugar pa na may UV Express?
   
Palaging lugi ang mga lehitimong driver at operator ng UV Express dahil  lumalaban sila ng parehas. Samantalang itong mga kolorum na ’to, mga siga na nga sa kalsada at pila, hindi pa marunong sumunod sa anumang itinatadhana ng batas.
   
Naturingang mga pulis na dapat magpatupad ng batas, sila pa ang numero unong lumalabag sa batas.
   
Ang matindi rito, hindi lamang mga lehitimong tsuper ang nasasagasaan ng mga kolorum na ito. Nalalagay din sa peligro ang ating mga pasahero at iba pang motorista.
   
Ang mabigat pa, multi-milyong piso rin ang nawawala sa kabang-yaman sa bayan dahil kung magbabayad lamang ng tamang buwis para sa prangkisa ang mga kolorum na sasakyan, malaking income din ito sa bansa.
   
Siyangapala, pansinin n’yong mabuti, iyong mga kolorum na UV Express ay may sticker ng Tiger at Smiley. Iyong Smiley icon na nasa sticker ay parang buwan na nakangiti.
   
Pasaporte ito ng mga hinayupak na kolorum sa kalsada at dahil sindikato, take note Transportation Sec. Art Tugade, ‘organized syndicate’ ang may hawak ng kolorum na UV Express, may kanya-kanya pa raw silang spotter sa kalsada para malaman kung naka-timbre o nagbibigay ba sa kanila ang ilang kolorum na walang sticker.
   
At para sa kaalaman ni LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante, dahil wala pa ring sticker o plate number na inilalabas ang LTO ngayon,  lalo lamang nagpipiyesta ang mga kolorum ngayon dahil kahit ‘green plate’ ay puwede nang pumasada na pampubliko.
   
Tama ba ako LTO Law Enforcement director Francis Almora?
   
Antabayanan lang natin sa susunod dahil iisa-isahin nating pangalanan ang mga taong nasa likod ng sindikatong ito.
   
Pramis!