Kayang tapusin problema sa droga ng 3 taon

September 16, 2018

SA July 1, 2019,  tatlong taon na ang gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Simula ngayon, September 16, 2018  hanggang katapusan ng kanyang termino sa June 30, 2022 ay tatlo taon, siyam na buwan at 15 araw na lang ang natitira sa kanyang termino.

Sa kabila ng balitang debilisasyon sa kanyang administrasyon, sinabi ni Duterte na ‘di sya nagsisisi sa pagiging Pangulo.

Aniya, ang mahalaga ay matupad ang kanyang pangakong buwagin at tapusin ang problema ng droga sa bansa sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2022.

“Maniwala kayo sa akin talagang tatapusin ko ang problemang ito,” ang sabi ng Pangulo.

Kasabay ng pangakong ito, sinabi nya na ang natitirang mahigit tatlong taon sa kanyang termino ay napakaikling panahon para lutasin ang problema.

Para sa inyong lingkod ang natitira sa termino ng Pangulo ay supisiyente para lutasin ang problema ng droga sa bansa.

Malaki na ang natamo ng pamahalaang Duterte sa kampanya kontra droga. Sa opisyal na datos ng Philippine National Police, 4,251 na ang napatay sa kampanya nito laban sa droga, simula umupong Pangulo si Duterte noong July 1, 2016 hanggang April 30, 2018.

Kinontra ito ng human rights groups. Ayon sa kanila mahigit 12,000 na ang napapatay, na tinutulan naman ng otoridad dahil kasama raw rito ang vigilante killings at patayan ng mga sindikato sa droga.

Sa laki ng bilang ng mga namatay, nakasuhan si Duterte sa International Court of Justice, na hindi ikinabahala ng Malacañang at nagpahayag pa na tuloy ang  kampanya ng Pangulo kontra droga.

Hindi maipagkakaila na sa isang dako, tagumpay ang kampanya ng Pangulo laban sa droga dahil bumaba ang krimen sa bansa. Kahit sinong taxi driver ay nagsasabing wala ng holdapan ngayon dahil ubos na ang mga adik na holdaper. Nabawasan rin ang mga drug adik sa lansangan, lalo sa gabi, kayat nawala ang takot ng mga magulang sa pag-uwi  ng kanilang anak sa gabi.

Para matupad ang hangad ng Pangulo na tuluyang mawala ang droga sa pagtapos ng kanyang ternino, mungkahi kong ilahok nya ang ating mga mamamayan sa  kampanya.

Malaking tulong ang magagawa kung pupulungin ng mga sangay ng gobyerno, na may kinalaman sa pagsugpo sa droga, halimbawa, ng Department of Justice, ang Parents Teachers Association (PTA) sa mga paaralan, sapagkat matuturuan sila sa pagsugpo sa droga sa pamilya, bilang una at ikalawang magulang ng mga mag-aaral.

Malaking tulong rin kung ilalahok ng pamahalaan ang student organizations at ang fraternities na solidong samahan ng estudyante sa buong bansa.

Ang fraternities ay may chapters sa lahat ng paaralan at barangay sa bansa, kayat madaling maibaba ang kampanya ng gobyerno sa milyung-milyong miyembro nito sa buong Pilipinas.

Ayaw ng fraternities na sinisira ang kanilang hanay, kayat kung may mga miyembro silang nagtutulak ng droga sa mga kapatid ay hindi nila ito pahihintulutan at isusuko upang mabago ang naligaw na kasapi.

Kung ilalahok ng pamahalaan ang mga PTA,  fraternities at iba pa sa kampanya nito kontra droga, natitiyak akong sapat ang tatlong taong natitira sa termino ng Pangulo para tuparin ang kanyang pangakong masugpo ang salot na droga sa bansa.