8,842 guests

Kay sakit, kuya Eddie

  • Written by Ike C. Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 169

Postmortem

EWAN, kung kanino o saan ko unang narinig ang katagang ito.

Kahapon bigla na lang akong kinuwentuhan ng aking apong babae sa isang Korean telenovela na napanuod niya sa TV. Ang pangwakas niya ay: Kay sakit, Kuya Eddie. Nagkamot na lang ako ng ulo habang siya kumaripas ng takbo.

’Di rin nalaunan, isa kong kasambahay ang paulit-ulit na binabanggit sa pakikipagusap niya sa cellphone ang kataga. ’Di na ako nakatiis magtanong. Ano bang ibig sabihin -- at sino ang pinatutungkulan -- ng katagang “Kay sakit, Kuya Eddie.”

Ngumiti siya. Tungkol po ang kataga sa liham ng isang bumalik na OFW sa radio program ni dating Senador Eddie Ilarde. Napakalungkot po ang kwento. Napa-ehem ako at sinabing magpatuloy siya.

Matapos mangutang sa mga kamaganak at kaibigan si Ponso, isang karpentero, ay tumulak sa Saudi para sa dalawang taon na kontratang trabaho. Nais niyang dulutan ng magandang buhay at kinabukasan ang kanyang maybahay at isang anak. Sila ay naninirahan sa Romblon.

Sa madaling salita, nagsumikap si Ponso sa Saudi, araw-araw, nag-o-obertym para madagdagan ang sustento sa pamilya. Sa loob ng isang taon, malimit silang magugnayan ng kanyang maybahay. Ngunit nu’ng pangalawang taon, nabahala si Ponso na ’di na niya makontak ang asawa. Napilitan siyang umuwi. At halos ikamatay niya ang natuklasan. Iniwan -- at sumama sa ibang lalaki -- ang  kanyang maybahay. At lahat ng pinadadala niya ay winaldas. Tapos niya sa liham: Kay sakit, Kuya Eddie.
    
Magkahalong reaksyon ang aking naramdaman. ’Di ko malaman kung ako’y magagalit o maiinis. At naalala ko na sa isang paligid ng paboritong dyip sinakyan ko patungo Divisoria may ganyang katagang nakasulat. ’Yon lang ’di ko pinansin.
    
Maraming nangyayari araw-araw na ampat bigkasin ang kataga. Kagaya ngayon, katatanggap ko lang ng monthly bills sa ilaw at tubig. Dahan-dahan kong binuksan. Pinagpawisan ako sa laki ng babayaran.  Talagang kay sakit, Kuya Eddie.

* * *

SAMUT-SAMOT
    
Hanggang ngayon masakit pa rin sa tenga ang binitawang salita ni Pangulong Digong kay PNoy. “Subukan mong pumasok sa drugs at pupugutan kita ng ulo.” Reaksyon ito ni Duterte sa patutsada ni PNoy na walang nangyayari sa drug war.
    
Par for the course.  Buti nga kay PNoy. Nu’ng kanyang administrasyon ’di niya inatupag ang drug problem. Ngayon, nakikialam. At least, si Pangulong Digong gumawa ng hakbang. ’Yon lang, may karahasan.

* * *
    
Puro simula. ’Di pinagpapatuloy.  Ito ang isa sa mga dahilan ng congested trapik sa Metro Manila. Isang halimbawa ay ang illegal parking.  Habang nasa media at pinaguusapan, pursigido ipatupad. Hanggang duon lang.
    
Isa pa ay ang motorcycle lane. Daan ’ata ang bumabiyaheng motorsiklo araw-araw. Nakakagulo sa lansangan at nagbibigay panganib sa  commuters at car owners. Ngunit isang buwan ’ata lang pinatupad. Ngayon karambola na naman. Ay Gen. Lim, pakiasikaso naman!

* * *
    
Ayon sa survey, humina ang circulation ng isang dating palaban na broadsheet. Ibinenta na ito sa isang negosyante. Dati rati’y top fiscalizer at maraming expose. Ngayon isa nang maamong tupa.
    
Malakas ang circulation ng ilang tabloid -- pinangungunahan ng People’s Tonight. Bukod sa mura, madaling basahin. ’Yon lang ’pag minsan ang lalaswa ng balita.  Kaya nga tabloid, eh.

* * *
    
Paulit-ulit ang atake sa akin ng kabag. Tila ipu-ipong hangin na gumagalaw sa tiyan at nagbibigay ng kakaibang hapdi at sakit. Just live with it, payo ng doctor. Dahil wala ka nang gallbladder at ikaw ay diabetic.

* * *
    
Naniniwala ba kayo sa tawas? Isang kaibigan ang tinubuan ng kung anu-anong galis sa katawan. Kung sinu-sino nang dekalidad na dermatologists ang kinonsulta at ginagamot. Ngunit lalong lumala. Ayaw na siyang patulugin. At halos ’di na makakain.
    
May nagpayo na magtungo siya sa isang herbolaryo at patawas. Pagkatapos ng matagal na pilitan pumayag din. Ang nakita sa tawas ay isang malaking punong mangga na pinaputol niya sa likuran ng kanyang bahay. Sabi ng herbolaryo nagalit di-umano ang mga naninirahang espiritu duon kaya siya ay ginantihan. Magpausok daw at maghandog ng alay.
    
Ginawa niya. At parang himala nawala ang kanyang galis. Believe it or Not!

* * *
    
Dapat mamutawi lagi sa ating dila ang araw-araw na pasasalamat sa Panginoon. Pasasalamat sa bagong umaga, malusog at mapayapang maghapon. Pagpikit natin ng mata pagtulog ’di natin alam kung tayo’y magigising pa. To God be the glory! Kahit anong paghihirap at hamon ng buhay, pasalamatan natin SIYA. Kumapit tayo sa Kanya.