4,970 guests

Kapalpakan ni PCOO Sec. Andanar, dumarami!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 201

'Uncovered'

VIRAL na naman ang Philippine News Agency (PNA) na nasa ilalim ng pamamahala ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar.

Eksaktong alas-8:56 kamakalawa ng gabi, headline sa PNA ang istorya nila hinggil sa inisyung panuntunan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa sahod ng mga empleyado sa darating na holidays ng taong 2018.

Ang logong ginamit dito ay Dole Food Company na lalong kilala sa sa Dole Pineapple Juice.

Ganap na alas-9:45 Biyernes ng gabi pa bago baguhin ng patnugutan ng PNA ang nasabing logo saka pinalitan ng tunay na seal ng DOLE.

Kaya ang nangyari hanggang kahapon, piyesta ang ating netizens, mula Facebook, Twitter at kahit iba-ibang chat group ng Viber.

Maraming beses nang pumalpak ang PNA ni Andanar.
     
Kamakailan ay ginamit ng PNA (pangunahing ahensiya ng pagbabalita ng pamahalaan) ang Xinhua News Agency na pangunahing  news agency naman ng bansang China.
     
Nakalagay sa nasabing ulat na isang ‘ill founded award’ ang pagkakapanalo ng pamahalaan ng Pilipinas sa Hague international court hinggil sa pinaglalabanang teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
     
Natural marami ang nag-react dito dahil mismong pangunahing ahensiya ng pamahalaan ang gumagamit pa ng ganitong uri ng artikulo.
     
Sino ba ang makalilimot sa ginawa namang pag-post ni PCOO Assistant Secretary Mocha Uson sa larawan ng mga sundalo sa Vietnam nang magbigay sila ng ‘update’ tungkol sa pakikipaglaban ng mga kababayan nating sundalo sa Marawi City?
    
Kaagad itong binawi ng PNA at sinabing dinisiplina na nila ang tauhan sa PNA hinggil sa naturang kapalpakan.
     
Kung mababasa n’yo lang ang komento ng netizens, pati kayo tiyak ay maaaliw.
     
May nagsabi na ang pangalan daw ngayon ng PNA ay Pineapple News Agency (PNA).
     
May nagsabi naman  na hango raw ang nabanggit na artikulo sa pelikulang naimpluwensiya ni Mocha Uson na ‘Patikim ng Pinya.’
     
Mayroon pa ngang nagbago sa lyrics ng sumikat na kantang PPAP ni Daimaou Kosaka na: ‘I have an apple. I have a pen. Pineapple pen.”
     
Sa inisyung ‘erratum’ ng PNA dakong alas-11:18 ng gabi -- halos dalawang oras bago ang kanilang kapalpakan -- muling inamin nila ang kapabayaan ng kanilang PNA editorial staff.
     
“In an effort to ensure that all stories are accompanied by a photo, the staff inadvertently attached the wrong photo rather than the logo of the Department of Labor and Employment. Rest assured appropriate action is being taken in pursuit of the delivery of accurate information to our readers. Our apologies,” sabi pa sa kanilang kalatas.
     
Ang sunud-sunod na kapalpakang ito ng PNA ay sumasalamin kung gaano kahina ang liderato ni PCOO Sec. Martin Andanar.
     
February 19, 2017, naglabas ng pahayag si Andanar na may kumalat daw na tig-$1,000 para sa Senate media nang humarap sa press conference si SPO3 Arthur Lascañas, ang self-proclaimed na Davao Death Squad member.
     
Ang nasabing impormasyon ay mula raw mismo sa kanyang ‘intelligence source.’
     
Na-set up pa nga ang Senate media dahil nang mag-imbita ng isang ‘dinner’ si Senate President Koko Pimentel, hindi naming akalain na darating pala noong gabing iyon si Andanar.
     
Ang nangyari tuloy ay ilan sa amin ang nag-walk out at ang mga naiwan naman ay nagpakita ng pananabang at panlalamig na pakikisalamuha kay Andanar.
     
Nito lamang nakalipas na linggo, pinakakasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) si National Printing Office (NPO) Assistant Director Sherwin Prose Castañeda at iba pang personalidad dahil naman sa anomalya sa P74 million halaga ng printing sa document forms ng Social Security System (SSS).
     
Si Andanar mismo ang humiling kay NBI Director Dante Gierran na paimbestigahan ang nasabing anomalya, Disyembre pa ng nakalipas na taon.
    
Pero ngayong may resulta na ang imbestigasyon, wala pa ring ginagawang aksiyon si Andanar para sibakin si Castañeda. Kahit ang apat na security printers na sangkot dito na Western Visayas Printing Corporation, Best Forms, Tri-Print at Metro Color ay hindi pa ipinapa-blacklist sa kanilang accreditation bilang mga lehitimong security printers ng NPO.
     
Marami pang kapalpakan si Andanar.
     
Sana lang, kung talagang kapit-tuko siya sa kanyang puwesto bilang PCOO secretary, gumawa naman siya ng matinong pamamahala.
     
Balasahin agad sa lalong madaling panahon ang mga taong nakaupo ngayon sa PNA at NPO.
     
Iyan ay kung may natitira pang hiya sa katawan ang dating iginagalang nating mamamahayag.