Kandidatura ng mag-amang Malapitan, pinag-uusapan

October 23, 2018

NAKAKAALIW ang usapan ngayon ng mga mahilig sumubaybay sa takbo ng pulitika sa Caloocan City dahil mainit na pinag-uusapan ang posibilidad na pagpapalit daw ng tatakbuhing posisyon ng mag-amang Malapitan na sina Mayor Oca at 1st District Congressman Along na puwedeng pahintulutan ng Commission on Elections bago ang mid-term election.

Kung ipapasiya raw kasi ni Mayor Oca na patakbuhin ang kanyang anak na si Along bilang alkalde at siya naman ang tatakbo bilang kinatawan sa Kongreso, walang duda na hindi na mahihirapan ang batang Malapitan na makuha ang pinakamataas na posisyon ng lungsod dahil wala naman siyang magiging kalaban.

Tiyak na mahihirapan daw kasi ang batang Malapitan kung hihintayin pa niya ang pagtatapos ng termino ng kanyang ama sa 2022 kapag tumakbo siya bilang alkalde dahil makakabangga na niya ang malalaking pangalan sa pulitika sa lungsod tulad nina 2nd District Rep. Egay Erice at Vice Mayor Maca Asistio na kapuwa ka-alyado nila sa pulitika.

Batid naman daw ng lahat na sa pulitika, walang permanenteng kaibigan at wala ring permanenteng kaaway kaya’t sila-sila rin tiyak ang magtutungali pagdating ng halalan sa 2022 bilang alkalde ng lungsod lalo na’t tapos na rin ang termino nina Erice at Maca.

Pero kapag nangyari daw ito, baka isang termino lang ang itagal sa posisyon ng batang Malapitan dahil gagamitin ng kanyang magiging kalaban sa pulitika ang kanilang ginawang istratehiya na malinaw na panggugulang sa mga kalaban.

Marami naman ang naniniwala na hindi gagawin ng mag-amang Malapitan ang maruming taktika lalo na’t kilala sa pagiging maginoong katunggali si Mayor Oca. Hindi pa raw tapos ang misyon ng alkalde sa kanyang mga kababayan kahit pa nga isang tambak na ang kanyang mga programa at proyekto kaya’t tiyak na mananatili pa rin siyang ama ng lungsod.
Panibagong parangal

Matapos ang dalawang sunod na parangal, mula sa Seal of Good Education Governance at Galing Pook Award, Outstanding Accounting Offices naman ang natanggap ng lokal na pamahalaan ng Navotas sa ginanap na Convention Seminar ng Association of Government Accountants of the Philippines Inc. sa Iloilo Convention Center noong nakaraang linggo.

Pinuri naman ni Mayor John Rey Tiangco ang city accounting office na pinamumunuan ni Evangeline Pascual at mga staff ng city accounting personnel, pati na ang iba pang department heads dahil sa mahusay na pagganap ng kanilang tungkulin.

Sabi ng alkalde, ang parangal ay hindi lamang nagdadala ng karangalan sa lungsod kundi pinapatunayan din ito ng pagsisikap ng lahat na gawing tapat ang bawa’t transaksiyong pinansiyal.

Napili ang mga pinarangalan batay sa rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa accuracy, consistency, comprehensiveness at timeliness ng pagsusumite ng ulat pinansiyal.

Dugtong pa ni Mayor Tiangco, bahagi ito ng kanilang pangako na bigyan ng pinakamainam na serbisyo ang lahat ng mga Navoteño at tulungan silang maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay.
Umiinit na hidwaan

Hindi malayong uminit lalo ang hidwaan sa pagitan ng ilang opisyal ng Manila City Hall at kabesa ng barangay sa Sta. Cruz na umano’y nagsimula makaraang tumaas ang binabayarang “tara” ng mga sidewalk vendor.

Ito’y makaraang katigan ng Sangguniang Panlungsod ang ipinasang ordinansa ng Barangay 365 Zone 37 sa Blumentritt area na nagbabawal na sa pagkolekta ng anumang uri ng kabayaran, donasyon at multa ng sinumang indibiduwal, grupo o asosasyon sa mga sidewalk vendor at stall holder na sakop ng barangay.

Nagpasa kasi ng resolusyon ang City Council na iniakda ni Majority Floor Leader Roland Valeriano na nagpapatibay sa ipinasang Barangay Ordinance No. 01 Series of 2018 ng Barangay 36 Zone 37 na nagbabawal nga sa pagkolekta ng sinuman sa mga vendor sa naturang barangay.

Hindi naman kaila na ginawang gatasan ng ilang mga indibiduwal ang mga stall holder at vendor sa area ng Blumentritt sa pamamagitan ng pangongolekta ng tong kaya’t tumaas ang presyo ng mga bilihin sa lugar.

Inakusahan ng mga vendor ang ilang opisyal ng Manila City Hall at pulisya na pasimuno umano ng pangongolekta sa kanila ng mataas na bayarin kaya’t idinulog nila ito sa kanilang barangay chairman na gumawa naman ng ordinansa na ngayon ay pinagtibay ng konseho.

Ayon kay District II Councilor Valeriano, lagda na lamang ni Mayor Joseph “Erap” Estrada ang kailangan upang maipatupad ang resolusyon at umaasa sila na hindi ito ibabasura ng alkalde.

Dugtong pa ng konsehal, kapag hindi ito nalagdaan ng alkalde sa takdang panahon at hindi naman aniya na-veto, awtomatiko na itong maipatutupad sa naturang barangay.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644