‘Kanal’ ang ‘Oust Lapeña Plot’

September 27, 2018

BAGO ang lahat, masaya nating ibinabalita ang panibagong “tagumpay” ng National Press Club (NPC) sa ilalim ng ating Press Freedom Party (PFP) at liderato ni Pang. Rolly ‘Lakay’ Gonzalo.

Kahapon kasi, hindi ‘adversarial’ bagkus, “usapang magkakaibigan” ang nangyari sa panig ng NPC at mga “bosing” sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pangunguna naman nina Undersecretary Engr. Robert Bernardo at Engr. Virgilio Castillo, director for Road Management (Cluster 1).

Ang masayang diskusyon ay patungkol sa “napabalita” na “kasama” sa “gigibain” para sa gagawing bagong tulay (na pinondohan ng China) ang gusali ng NPC d’yan sa lugar ng Intramuros.

Kumbaga, ‘fake news’ at “kuryente” ang “balita” dahil wala itong katotohanan, mga “kapatid,” hane?

Aber, natutuwa pa nga sina Usec Bernardo at Dir. Castillo na ang nakausap nila ay mga “lehitimong kasapi” ng media -- at hindi ‘yung mga ‘haos-shiao’ na palaging “istambay” sa mga ‘media forum’ at palaging “umiikot” sa kanilang mga opisina.

Ang siste, humingi pa nga ng “pahintulot” ang DPWH na pansamantalang magamit ang dulong bahagi ng ‘NPC property’ para sa ‘detour’ ng mga sasakyan mula sa Port Area at Binondo dahil nga ang kalsada sa likod ng NPC at Bureau of Immigration ay hindi muna magagamit dahil sa pagsisimula ng proyekto.

At sino naman ba ang NPC para tanggihan ang “pakisuyo” na ito ng ating gobyerno para na rin naman sa kapakanan ng publiko at sa tagumpay ng mga proyekto ng administrasyon, hindi ba, DPWH Secretary Mark Villar?

At kung “naglambing” sa atin ang DPWH, aba’y may “kontra-lambing” din siyempre, ang NPC, hehehe!

Ilang araw mula ngayon ay pormal na lalagdaan ng NPC at DPWH ang isang MOU (Memorandum of Understanding) kung saan nakalagay ang “TOR” (Terms of Reference) ng kooperasyong ito ng dalawang panig. Ang natitiyak natin, “ikatutuwa” ulit ito ng ating mga miyembro, kaya…abangan!

* * *

‘Make no mistake about it,’ dear readers.

May kinalaman sa kampanyang ‘Oust Customs Commissioner Isidro Lapeña’ ang insidente ng ‘drug smuggling’ gamit ang ating mga pantalan na iniimbestigahan ngayon ng Kongreso at Senado.

Sa partikular, ang mga insidenteng ito ay ang “nadiskubre” na 355 kilos na shabu sa MICP noong Agosto 7 at ang mga “naitakas” na shabu (hinihinalang isang tonelada) na ang mga “pinaglagyan” na mga ‘magnetic scrap lifters’ ay nakita naman sa isang ‘warehouse’ sa GMA, Cavite, noong Agosto 9.

Sa kuwento sa atin ng ilang kaibigan, “binuo” ang planong pagpapatalsik kay Comm. Sid noon pang buwan ng Marso kung saan binalak ng isang grupo ng mga smuggler at mga kasabwat nila sa isang kilalang ahensiya ng gobyerno na gamitin ang isyu ng ‘drug smuggling’ para may “matibay” na dahilan si Pang. Digong na “sipain” si Comm. Sid palabas ng Aduana.

Dangan nga kasi, sa “ganda” ng kanyang ‘performance’ -- mataas na koleksyon, ‘no tara policy’ at ‘no sacred cow’ sa hanay ng mga smuggler, among others, wika nga -- hindi kayang kumbinsihin si Pang. Digong at DoF Secretary Carlos Dominguez na sibakin si Comm. Sid sa isyu ng korapsyon.

Kung matatandaan, pinalitan ni Comm. Sid si Comm. Nicanor ‘Mang Kanor’ Faeldon noong isang taon partikular na sa isyu ng talamak na drug smuggling sa ilalim ng kanyang termino sa Aduana.

At kung sa isyung ito “natsugi” si Comm. Nick, eh, “sigurado,” sa isyu rin ng drug smuggling “masisibak” si Comm. Sid. ‘Simple arithmetic,’ hindi ba, mga kabayan? 

Subalit, may dalawang bagay na pumapabor kay Comm. Sid kaya “nakanal” ang planong ito, dear readers. Una na rito ang kasabihan na ang “gumagawa ng mabuti” ay hindi puwedeng “makarma” at hindi puwedeng “mabutasan” ng kanyang mga “kalaban.”

Dito kay Comm. Sid, dahil nga “mabuti” at “maayos” ang paggampan niya sa kanyang trabaho, napapansin natin na mga mambabatas pa mismo ang “sumosopla” sa mga gustong “siraan” si Comm. Sid kapag may pagdinig.

Kumbaga, “ayaw kumapit” kay Comm. Sid ng mga pagpuna at batikos dahil nga “bilib” ang ating mga mambabatas sa kanyang ‘performance.’

Ang ‘second, most important factor’ na hindi “naisama sa kuwenta” ng mga gustong gumiba kay Comm. Sid ay, tararan…! Si Senate Blue Ribbon Committee chairman, Sen. Richard ‘Dick’ Gordon.

Uulitin natin na kung “engot” at “bopols” na senador itong “boss” ni kapatid na Ely Maraon at Lee Ann Patugalan, aba’y ‘blasted into a million pieces’ na itong si Comm. Sid.

At malamang na sa unang pagdinig pa lang ng Senado hinggil sa nasabing isyu, “pinupulutan” na ng media ang mga inihandang intriga laban sa kanya ng nasabing grupo -- dahil malaki ang posibilidad na “napaniwala” nila si Sen. Dick.

Pero dahil nga “nag-aaral” si Sen. Dick bago ang ano mang pagdinig, ‘he can smell a liar and a crook sitting right across him during any hearing of his committee.’

Ang resulta? Hindi na tayo magtataka na ‘behind bars’ ang puntahan nitong grupong nagtangka na patalsikin si Comm. Sid, dear readers.

Malaking posibilidad kasi na pagsasampa ng mga kasong kriminal -- drug smuggling -- ang irekomenda laban sa kanila ni Sen. Dick. Aguy, aguy, aguy!