Kamuntik nang kinalawit ni Kamatayan

October 15, 2018

TUNGKOL lang ito sa isang batang musmos.

Oktubre 15, 1967, sa Mariano Ponce, Bagong Barrio, Caloocan City; mag-aalas-sais ng umaga, isinilang siya na malaki ang ulo, maraming nunal sa magkabilang sintido.

Sa edad na dalawang taon, tinubuan ng mistulang malaking pigsa sa leeg. Patawirin ang buhay, parang hindi na sisikatan ng araw.

Noong July 16, 1969, paakyat ang spaceship na Apollo 11 sa buwan. Kauna-uhahang tao na nakaapak sa buwan sina Neil Armstrong at Buzz Aldrin na parehong Amerikano.

Hindi alam kung bakit may nag-suggest na tiyuhin na palitan ang pangalan ng bata, wala namang binyagan pero tinawag siyang Apolonio. Dalawang magandang pangalan ang puwedeng pagpilian, Neil or Buzz or kaya naman Armstrong, akalain ba namang nagwagi ang Apolonio.

Luwa ang mata, buto’t balat, parang isang bulate na lang ang hindi pa pumipirma, bibigay na! Bagay na bagay magbida sa pelikulang “hinukay ko na ang libingan mo!” Or mas okey sana ang pangalang Boy Bangkay kaysa Apolonio?

Iyong batang halos kalawitin na ni Kamatayan, biglang lumakas, nagkaroon ng pag-asang mabuhay. Buti na lang, pagkatapos makita ang paggaling sa karamdaman, ibinalik uli sa original niyang pangalan -- Allan, ako pala iyong batang “putok sa buwan” at hindi sa buho.

Siguro nga, dahil mas malapit ang buwan sa langit, mas mabilis makarating sa Diyos ang aking mga dalangin.

Palagi kong ipinagmamalaki, isa ako sa mga taong malakas sa Diyos dahil magmula pa lang sa patawiring sanggol umabot naman ako sa edad ko ngayon and still counting. At 51, masasabi rin namang narating ko na ang tingin ko’y sapat para sa akin.

Kaya nga wala na akong mahihiling pa, nasa akin ang lahat ng biyaya kaya madalas, ang dasal ko ay para na sa aking pamilya, sa aking mga kamag-anak, sa mga kaibigan; dasal para sa kapayapaan at kaunlaran ng bayan at dalangin para sa palaging kaligtasan ni Pangulong Duterte.

Mula pagkabata, marami na akong biyaya bagama’t hindi naman kami nagmula sa marangyang pamilya. Mababaw lang naman kasi ang kaligayahan ko kaya iyong sinasabi kong biyaya, maliit lang sa iba iyon pero sa akin, bigtime na iyon.

Hindi ito iyong fairy tale na pagkagising ko ay nasa kamay ko na ang mundo. Mahabang proseso ito, masunurin sa magulang, masipag sa mga gawaing bahay, marunong makipagkapwa tao, marunong mangamuhan at higit sa lahat, disiplinado sa lahat ng aspeto ng buhay.

Masasabi kong hindi naman ako kasama ng mga matatalino kong kaklase pero ang sigurado, masipag akong mag-aral. Kung karaniwan kang milenyal, mabuburyong ka sa buhay-estudyante ko. Bahay at paaralan lang ang karaniwan kong destinasyon. Walang ibang pinupuntahan, hindi nakibarkada na parang adik sa samahan. Walang bulakbol, boring ’di ba?

Marami rin akong kaibigan pero may limitasyon sa lahat ng bagay. Marami akong kaklase at kaibigan na kahit bata pa ay nagdodroga na pero kahit minsan ay hindi ko sinubukan. Kaya hindi ako naniniwala sa udyok ng barkada, kapag ayaw mo, walang magagawa kahit isang libong demonyo.

Pati pagyoyosi, wala akong insidenteng tumikim o sumubok dahil nainggit sa mga kaklase. Pati pag-inom ng alak o beer, wala sa bokabularyo ng aking estudyante days.

Nagkaroon ako ng sariling covenant na iinom lang ako ng alak matapos ang aking college graduation. Hayun, sa gabi ng aking pagtatapos sa Lyceum, Manila, lumagok ako ng isang bote ng beer na pagkapait-pait pala!

Dito sa susunod na kuwento, baka hindi kayo maniwala, ikinasal akong virgin sa edad na 23 anyos. Seven years kaming mag-on ng aking nobya na si Marita pero pareho kaming virgin nang ikasal.

Ang aral talaga rito, kailangan mong maging disiplinado kung talagang gusto mong maabot ang buwan na naapakan ni Neil Armstrong. Mahirap itong gawin kung hindi mo sisimulan sa iyong pagkabata.

Happy birthday sa akin, salamat po Panginoon sa regalo ng buhay na binalot ng inyong pagkalinga at pagpapala.
allanpunglo@gmail.com