Kamay na bakal sa mga mapagsamantala

September 17, 2018

MABUTI naman at umaksiyon agad ang gobyerno upang tulungan ang mga biktima ni Typhoon Ompong.

Inutusan ni Pangulong Duterte ang Bureau of Customs (BoC) na tulungan ang mga sinalanta ng bagyo.

Sa pamamagitan ni Finance Sec. Carlos Dominguez, iniutos ni Duterte sa BoC na ibigay sa DSWD ang mga puslit na bigas at iba pang pagkain.

Tamang-tama ang utos ni Duterte dahil maraming puslit na bigas at asukal ang nasa custody ngayon ni BoC Chief Isidro S.  Lapeña.

Ang problema lang ay baka hindi pa puwedeng i-dispose ang mga ito dahil hindi pa tapos ang forfeiture proceedings.

Malungkot ang Pasko ng mga sinalanta ni Typhoon Ompong, lalo na ang mga kababayan natin sa Isabela, Tuguegarao, Ilocos Norte at Baguio kung saan sumentro ang bagyo.

Hindi na nga kumakain ng tatlong beses sa isang araw ang karamihan dahil sa  kamahalan ng mga bilihin, eh dumating pa si Ompong.

Matatagalan bago tuluyang makabangon ang mga biktima ng super bagyo, lalo na ang mga nawalan ng bahay at nasira ang mga pananim.

Kailangang-kailangan ng mga biktima ang ayuda ng gobyerno.

Bantayan at huwag payagang makapagsamantala ang mga walanghiyang negosyante.

Isumbong kaagad sa mga otoridad ang mga nagtatago ng bigas at iba pang essential goods.

Ang hiling ng ating mga kababayan ay gumamit ng kamay na bakal ang gobyerno para mapigilan ang pagsasamantala ng mga tusong negosyante.

Hindi dapat pinapatawad ang mga hoarder at profiteer.

Kailangang mabulok sila sa kulungan.

* * *

Muling sinabi ni Customs Commissioner Lapeña na walang lamang shabu ang mga magnetic lifter na natagpuan sa Cavite.

Sa isang pagdinig ng Senate blue ribbon committee, sinabi ni Lapeña na ang mga lifter ay nagdaan ng laboratory tests.

Ang mga chemist ng PNP at PDEA ang  sumuri sa mga lifter.

Ang kargamento ay nagdaan sa X-Ray machine.

“Since the image appeared to be that of what was declared, it was cleared for release,” ayon kay Lapeña.

Nauna nito ay sinabi ni PDEA Director-General Aaron Aquino na may lamang shabu ang mga magnetic lifter.

Ayon kay Aquino, inupuan ng kanilang K-9 sniffer ang nasabing kargamento.

Ang ibig sabihin daw nito ay may lamang shabu ang mga lifter.

At sinabi pa ni Aquino na “people can lie, but dogs don’t lie.” 

Sa ganang atin, bahala na ang publiko kung sino ang paniniwalaan.

Ang mahalaga ay tuloy ang trabaho ng mga taga-BoC at PDEA.

Tama ba kami, Finance Secretary  Dominguez?

* * *

Nakakulong ngayon sa Senado ang isang Intelligence agent ng Bureau of Customs (BoC).

Si Jimmy Guban ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ay ikinulong dahil sa pagsisinungaling.

Pinagalitan ni Senador Richard Gordon sa tangkang pag-pin down sa isang inosenteng tao.

Ginawa ni Guban ito para “i-shield  umano sa “responsibility” si SMYD Trading owner Marina Dela Cruz Signapan.

Sinabi ni Joel Maritana  na si Guban ang nag-udyok sa kanya para pirmahan ang isang affidavit na nagsasabing siya ang final consignee ng isang shipment na naglalaman ng magnetic lifter na pinaniniwalaang naglalaman ng shabu.

“So, what happened here is that you (Guban) picked up this poor guy (Maritana) to become a fall guy so you could protect Signapan,” sinabi ni Gordon.

Dagdag pa ni Gordon: “I am shocked. I want this man (Guban) thrown in jail and dismissed from the service.”

Mananatili si Guban sa Senado habang hinihintay ang order para ilipat siya sa Pasay City Jail.

Ayon sa record, si Guban ay inilagay sa “floating status” noon pang nakaraang buwan dahil daw sa pagkakasangkot sa drug smuggling.

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com.Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Tagged Under