5,320 guests

Kailangan sumunod sa kumpas ni Lapeña

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 300

KAGAYA ng orkestra, ang isang ahensiya ng gobyerno ay nangangailangan ng konduktor.

Lalo na sa Bureau of Customs (BoC), isa sa tinatawag na graft-prone agencies.  
    
Napakahalaga ang papel ng konduktor na ginagampanan ng BoC commissioner.
    
Kailangang sumunod sa kumpas ni Commissioner Sid S. Lapeña ang kanyang mga tauhan.
    
Kung hindi ay baka kantiyaw lang ang abutin ng ahensiya sa taumbayan.
    
Kaya nga tama lang ang ginagawang pagbalasa ni Lapeña sa kanyang mga kawani.
    
Kalusin ang mga hindi sumusunod sa kanyang kumpas at iniuutos. Hindi natin siya masisisi kung
binabalasa niya ang mga opisyal at kawani ng BoC.
    
Siya ang sisisihin ng publiko kapag pumalpak ang kanyang administrasyon.
    
Sa katunayan, pag-upo niya bilang hepe ng BoC, maliwanag ang kanyang pakiusap sa kanyang mga
tauhan.
    
Tumulong sila sa kampanya laban sa korapsyon at katiwalian gaya ng gusto ni Pangulong Rodrigo
Duterte.
    
Sa totoo lang, binigyan niya ng pagkakataon ang kanyang mga tauhan para ipakita ang kanilang
mga kakayahan.
    
Bilang dating heneral at produkto ng Philippine Military Academy, alam ni Lapeña na mahalaga
ang disiplina at integridad para magtagumpay ang isang ahensiya.
    
Sana nga lang ay tama ang mga impormasyon na ipinararating kay Commissioner Lapeña.
    
Alam naman natin na sa aduana, naglipana ang mga makamandag na ahas na handang tumuklaw sa mga
taong sagabal sa kanilang mga masamang gawain.

* * *
    
Nangangatog siguro sa nerbiyos at takot ang mga illegal recruiter. Dapat lang! Galit si
Pangulong Digong sa kanila.
    
Inutusan na ni Pangulong Duterte ang NBI at PNP na arestuhin ang lahat ng mga illegal
recruiter.
    
Sa totoo lang, hindi biro ang perhuwisyong dulot ng mga illegal recruiter.
    
Maraming nasira ang buhay dahil nabiktima sila ng mga demonyong ito.
    
May nagbebenta at nagsasanla ng mga ari-arian at kagamitan para lang may pambayad sa mga
recruiter, iyon pala’y lolokohin lang sila ng illegal recruiter.
    
Ang iba naman ay napupunta sa mga walang pusong amo na nagbayad ng malaki sa mga illegal
recruiter.
    
Ang ibang kababayan natin ay ginagamit bilang courier ng shabu at iba pang ipinagbabawal na
gamot.
    
Kaya nga meron tayong mga kababayan na nakakulong ngayon sa ibang bansa.
    
Ang ilan sa kanila ay mga biktima ng mga illegal recruiter. Sana tuluyan nang matuldukan ang
kawalanghiyaan ng mga ito.

* * *
    
Mabuti naman at natapos na ang giyera sa Marawi City. Sabi nga ng marami, walang nananalo sa
giyera.
    
Lahat ay talo.
    
Bagama’t natapos na ang giyera, hindi pa rin dapat magsaya dahil sa pinsalang dulot ng halos
limang buwang bakbakan sa Marawi City.
    
Wasak na wasak ang syudad. Hindi natin alam kung saan kukuha ang gobyerno ng perang gagamitin
sa rehabilitasyon ng syudad.
    
Sana hindi na maulit itong trahedyang ito.  
    
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-
4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)