Kahalagahan ng Undas

November 03, 2018

PARA sa akin, hindi na mahalaga pang usisain kung  ano ang batayan ng simbahang Katoliko para ideklara ang araw ng mga santo  ang Nob. 1 at ng mga kaluluwa ang Nob. 2 upang magpamisa at mag-alay ng bulaklak at magsindi ng kandila o insenso sa puntod ng pumanaw.

Ang mas importante ay ang pagtalima ng tao sa sinasabi sa Ecclessiates 7:2-4 na mas mainam dumalaw sa tahanang nagluluksa kaysa sa nagsasaya sapagkat ito ang nagpapaalala sa tao na siya rin ay mamamatay at dapat niyang paghandaan ito. Dahil dito, magkakaroon ang isang tao ng karunungan. Kung may langit at impiyerno, saan mo gustong mapunta sa pagtawid mo sa kabilang buhay? Batay na rin sa Juan 3:16 at Juan 14:6, kamatayan ang kabayaran ng kasalanan at ang pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo na namatay sa Krus at muling nabuhay ang magbibigay ng buhay na walang hanggan.

Ang tao ay kakaiba sa hayop pagdating sa pag-aayos ng kanilang patay.  May mga seremonya ang tao at kanya-kanyang paraan ng paglilibing. May ipinapasok sa yungib, sa loob ng ataul o di kaya ay banga o tapayan, may sinusunog, at may nililibing sa ilalim ng lupa. Makikita rin na kung sobra ng sama ng isang tao nang siya ay nabubuhay pa, talagang wala ng maililibing pang bangkay bilang parusa sa kanya ng Panginoon tulad ng nangyari kay Reyna Jezebel na nilapa ng mga aso at ang labi ay nagmistulang basura sa kalsada
(2 Kings 9:30-37).

Kahit sa kamatayan, mayroon din diskriminasyon ang mahirap sa mayaman at ng kaaway ng simbahang Katoliko.  Iba ang misa para sa mga Don at Doña na pinapangasiwaan pa ng Obispo at mga kaparian samantalang basbas na lang ng isang Lay Leader ang tatanggapin ng isang mahirap. Ang laki ng museleo ng mayaman, may aircon at CR pa, at kung minsan may kids pool pa. Ang pang mahirap ay apartment type lang at pagkaraan ng 5 taon, ang mga buto ay aalisin dito, isasako at itatambak sa isang tabi kung hindi mababayaran ng pamilya ang upa ng apartment sa susunod na 5 taon.

Nung araw, kung hindi Katoliko ang namatay, hindi ito maaaring ilibing sa Catholic Cemetery. Hindi natin malilimutan ang ginawang paglapastangan kay Don Rafael Ibarra, ang ama ni Crisostomo Ibarra,  nang hindi pinayagang ipalibing ng mga pari ang labi ni Don Rafael at sapilitang ipinalibing sa sementeryo ng mga Intsik  sa bayan ng San Diego. Hindi nakontento ang mga buwisit na pari, pinanakaw pa ang bangkay ni Don Rafael at ito ay inanod ng malakas na agos ng ilog na malaki ang tubig dahil sa buhos ng ulan. Nakakagalit at talagang makakapatay ka ng tao.

Ang nangyaring paglapastangan sa patay sa Noli Me Tangere ay nangyari din sa tunay na buhay.  Kahit si Dr Jose Rizal, pagkaraan patayin sa Bagumbayan ay lihim na ipinalibing ng mga Kastila sa Paco Cemetery. Pinagbawal ang paglalagay ng kanyang tunay na pangalan sa palatandaang Krus. Pinasulat lang dito ang initials ni Dr. Rizal ng pabaligtad ang pagkakasunud-sunod. Anong hapdi at sakit nito para sa Ama, Ina at mga kapatid ni Dr Rizal.

Masaklap din ang nangyari sa mga bangkay ng magkapatid na Andres at Procopio Bonifacio sa Cavite. Walang tiyak na lugar kung saan inilibing ang mga ito sa Maragondon, Cavite. Sa kabila ng apela at pakiusap ng Lakambini ng KKK, hindi naiuwi ni Gregoria de Jesus ang labi ng kanyang asawa at bayaw. Balita nga pinagsamantalahan pa ito ng mga opisyales na sundalo ng bagong halal na Presidente ng Pilipinas.

Hindi nagtatapos sa  pagkamatay ng ating Panginoong Hesu Kristo sa Krus ng Kalbaryo ang drama. Ang suspense ng kanyang paglilibing sa libingang pag-aari ni  Joseph ng Arimathea, ang paglalagay ng bato para takpan ang pasukan nito, ang pagbabantay ng mga sundalong Romano na sinuhulan para sabihing ninakaw ng mga tagasunod ni Kristo ang bangkay, at ang muling pagkabuhay ni Kristo kaya’t walang laman ang kanyang libingan ang dapat namnamin at pag-isipan maigi ng lahat ng tao na pupunta sa burol, makikipaglamay, makikipaglibing at dadalaw sa puntod ng yumao para mapaghandaan niya kung saan niya gustong manatili sa kabilang buhay. Ito ang tunay na mahalaga.