5,721 guests

Kabataang Pilipino pinahamak

  • Written by Mario Fetalino Jr.
  • Published in Opinion
  • Read: 126

NATAKOT ang buong pamilya ko nang pumutok ang balita na peligroso pala ang bakunang Dengvaxia na
itinurok sa mga batang estudyante kamakailan.

Kargo ko ang pinakamalaking bagahe dahil ako ang pumirma ng waiver para sa pagbakuna ng aking
anak sa paaralan na kanyang pinapasukan.
    
Kailan lang ay ipinatupad sa paaralan ng aking anak ang sinasabing anti-dengue program at
binakunahan ang mga kawawang batang estudyante.
    
Kawawa dahil itinurok sa kanilang mga murang katawan ang isang gamot na imbes na makatulong ay
ikapapahamak pa ng kanilang buhay.
    
Ayon sa pinakahuling report, mas nalalagay sa peligro ang mga batang hindi pa nagkaka-dengue
pero binakunahan ng Dengvaxia. Hindi malinaw kung bakit pero inurong na ng DoH ang vaccination program
at itinigil na rin ng gobyerno ang pagbili ng nasabing gamot mula sa manufacturer nito na Sanofi.
    
Ang mga hakbang na ito ang nagsasabi na lubhang peligroso nga ang  Dengvaxia ngunit naiturok
na ito sa libu-libong batang Pilipino. Ito ang dahilan kung bakit balisa ang aking buong pamilya
kamakailan.
    
Napawi lamang ang aming pag-alala nang ipagtapat ng aking anak na hindi pala siya nagpabakuna
dahil takot siyang masaktan ng karayom.
    
Nadulas ang aking anak nang tanungin ko siya, “Nak, kumusta ’yung injection ng bakuna? Masakit
ba?” Sagot ng aking anak: “Hindi ko po alam Dad.  Hindi po kasi ako nagpa-injection. Natakot ako sa
karayom.”
    
Natanggalan ako ng malaking tinik sa lalamunan nang marinig ko ang ‘good news’ ng aking anak.
Niyakap ko nang mahigpit at sinabi kong, “Galing mo ’nak!”
    
Dahil dito, muli kong hihigpitan ang  pagsubaybay sa aking mga anak partikular sa mga
kaganapan sa kanilang mga paaralan dahil kung minsan naipagkakatiwala ko ang mga bagay na ito sa mga
otoridad kabilang na ang mga opisyal ng eskwelahan at pamahalaan.
    
Ang insidente ng Dengvaxia ay patunay na tayong mga magulang lamang ang responsable sa
kapakanan ng ating mga anak. Kailan man ay hindi natin dapat ipagkatiwala ang ating mga anak kahit
kanino man, ano mang oras at saan man.
    
Kahit pa naligtas ang aking anak sa Dengvaxia, hindi ko palalagpasin ang kapalpakan ng mga
opisyal ng paaralan at pamahalaan sa isyu ng bakunang ito na malamang ay pinagkakitaan na naman ng mga
tiwaling kagawad ng gobyerno at mga negosyante kabilang ang mga may-ari ng pribadong paaralan.
    
Pinahamak n’yo ang kabataang Pilipino at kinabukasan ng bayan. Mga p…. n’yo.  Sisiguraduhin ko
na may magbabayad nang malaki sa kasalanang ito.  

* * *

For comments, pls. call or text 09055080126 or email lastmohican 2004@ yahoo.com.