5,144 guests

Jeepney modernization

  • Written by Ricky Sandoval
  • Published in Opinion
  • Read: 1111

Sandigan, sandalan

Mawawalan ba ng kabuhayan ang mga tsuper ng jeep dahil sa PUV modernization program ng pamahalaan? Hindi po. Kung may nabasa o narinig kayo na mawawalan na ng kabuhayan ang mga jeepney driver dahil aalisin na sila sa lansangan, fake news po iyan.

Sa katotohanan, hindi lang phase-out ng mga lumang jeep ang kasama sa programang ito. May mga benepisyong makukuha ang mga operator, driver, at syempre ang mga pasahero.

Hindi natin maikakaila na hindi na ligtas ang marami sa mga jeep na bumabyahe sa kalsada. May mga hirit nga na pwede nang salbabida ang mga gulong ng ibang jeep dahil sobrang kinis na at tila hindi na kumakapit sa kalsada.

Marami rin sa mga jeep ay pwede nang bumoto -- dahil 18 anyos na ang mga ito o higit pa. Sa prototype ng mga modernized jeep, sa gilid na at hindi sa likuran ang sakayan ng mga pasahero.

Sa disenyong ito, mas magiging madali at ligtas ang pagsakay at pagbaba sa jeep lalo na para sa mga senior citizen, mga PWDs, at mga bata.
    
Eco-friendly rin ang mga modernong jeep kaya tiyak na mababawasan ang polusyon sa kalsada.
    
Meron na rin wifi, GPS, CCTv, at aircon ang disenyo ng mga bagong jeep na paniguradong maghahatid ng seguridad at ginhawa sa ating mga kababayan.
    
Isa pang pagbabago na hatid ng PUV modernization program ng DOTr ay ang rationalization ng mga ruta.
    
Ibig sabihin nito, ang mga LGU na ang magtatakda ng ruta na naaayon sa kanilang mga pangangailangan. Lehitimo ang oposisyon ng ilang grupo ng jeepney operators at drivers dito.
    
Gagastos sila para makabili ng mga modernong jeep.
    
Dahil dito, nakikipag-usap na ang DOTr sa mga government financing institutions para magkaroon ng tulong pinansyal ang mga jeepney operator at driver.
    
Sa oras na may bago nang prangkisa ang mga jeepney operator at driver, aalisin na rin ang boundary system. Gagawin nang regular ang sahod ng mga drivers at sisiguruhing may mga benepisyo sila gaya ng SSS at insurance.
    
Sa pamamagitan nito, maiiwasan na ang karerahan sa kalsada o ang pagmamaneho nang matagal para lang makuha ang boundary.
    
Hindi gagawing biglaan ang PUV modernization. By installment ang programa na inaasahang matapos nang 2020. Narinig ko na suportado ito ng malalaking grupo ng mga jeepney operator at driver gaya ng FEJODAP at Pasang Masda. Batid nila na para ito sa kaligtasan hindi lang ng kanilang mga driver kung hindi lalo na ng mga pasahero.
    
Marami talagang birth pains ang reporma. Pero sana isaalang-alang natin ang mga pangmatagalang ginhawang hatid ng pagbabago.
 
(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like Facebook: @RickySandovalMalabon)