6,055 guests

Ituloy ang ‘tigil-putukan’

  • Written by Mario Fetalino Jr.
  • Published in Opinion
  • Read: 154

The last Mohican

SA unang pagkakataon matapos ang mahabang panahon, nakapagdaos ang mga Pilipino ng Bagong Taon nang ligtas at  mapayapa.

Walang putukan na naganap sa pagpasok ng 2018 at kapansin-pansin na tanggap ito ng ating mga kababayan.

Aba’y bakit hindi? Hindi ba mas makabuluhan ang pagsalubong ng Bagong Taon na kumpleto ang ating mga daliri kesa sa pagamutan tayo magsalu-salo kasama ang mga duguan?

Nakakapanibago pero naintindihan natin ang kahalagahan at sarap ng magharap-harap sa lamesa upang pagpiyestahan ang biyaya ng langit sa halip na manligaw ng panganib dulot ng paputok.

Dahil mapayapa, nagkaroon ang bawat pamilya ng mas mahabang panahon upang magbuklod-buklod at marinig ang tinig ng bawat minamahal sa buhay partikular ang mga maliliit na boses na dati ay natatabunan ng ingay.

Sa halip na sa kalsada, naranasan natin mga Pilipino na muling bumalik sa loob ng tahanan at magisnan ang tunay na ligaya sa piling ng ating mga magulang, asawa, anak at mga kamag-anak habang tinatanggap ang pagdating ng bagong pag-asa sa buhay.

Oo mga kababayan. Kinaya natin baguhin ang isang kaugalian na matagal nating nilabanan dahil na rin sa perwisyo na dulot nito sa ating katawan at kinabukasan.
    
Napagtagumpayan natin ang kampanya laban  sa paputok dahil naniniwala tayo sa ating kakayahan na magbago at sa abilidad ng mga namumuno na ipatupad ang mga reporma sa ating bayan.
    
Ang pagkawala ng paputok sa pagpasok ng 2018 ay magandang senyales na tila ang ibig sabihin ay tuluy-tuloy na kapayapaan sa bansa.
    
Sino ba naman kasi ang may gusto ng ‘putukan’? Natural hindi tayo at hindi ang gobyerno. Malinaw na para sa katahimikan ang mga Pilipino.
    
Suportahan natin ang programa sa ‘tigil putukan’ hindi lamang sa pagsalubong ng Bagong Taon kundi sa pakikitungo natin sa kapwa tao.
    
Mas mainam at ligtas na armas ang katuwiran kesa sa pulbura at bala na walang mabuting nagagawa kundi sakit sa katawan o kamatayan.
    
Mangatuwiran kung nasa tama dahil ito ang isa sa pangunahing biyaya ng demokrasya. Pero please lang, sumang-ayon naman tayo kung nasa tama ang kabila.
    
Sumang-ayon ang sambayanang Pilipino sa pagbabawal ng paputok dahil tama ang paniwala ng pamahalaan na makakabuti ito sa mga Pilipino.
    
Patuloy pa nating pakinggan ang bulong ng pagbabago. Suportahan natin ang mga reporma na isinusulong ng gobyerno.
    
Konti na lang mga kapatid. Malapit na tayo sa kaunlaran. Mabuhay tayong lahat!

* * *
    
For comments, please call or text 09055080126 or email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.