It’s the ‘Gordon Factor,’ stupid

October 15, 2018

“BAKIT nagkaganon, ang sagot sa tanong ko,

“Bakit kayo nag-away, bakit kayo, nagkagulo…

Ito ang mga “linya,” mga kabayan, ng sikat na awiting, ‘Cotabato’ ng grupong ‘Asin,’ na biglang pumasok sa ating isipan habang “tinitipa” natin ang kolum na ito kahapon.

At ang mga linyang ito, DoF Secretary Sonny Dominguez, ay ipinatungkol natin sa nangyayaring ‘Silent War’ sa pagitan ng mga opisyales ng Aduana.

Sa isang panig ay si Customs Collector V, Atty. Lourdes ‘Dess’ Mangaoang at sa kabilang panig ay ang kanyang mga kasamahang ‘customs collector’ sa ahensiya.

Ayaw na sana nating “ibisto,” mga kabayan, na may ganitong “sakit ng ulo” si Customs commissioner, Sid Lapeña (happy and safe trip, Comm. Sid, sa pagbiyahe mo papuntang ‘Tadong Unidos ngayong araw).

‘Yun nga lang, “tumitindi” na kasi ang kanilang “bangayan” na kung hindi aaksyunan ni Comm. Sid ay posibleng “manganak” pa ng mas malaking “sakit ng ulo” para sa kanya at sa kanyang administrasyon sa mga darating na araw.

Sa ating pagmimiron sa pantalan, may kinalaman, Sen. Dick Gordon, sa ginagawa mong imbestigasyon sa isyu ng ‘drug smuggling’ ang bangayan sa pantalan.

Ang siste kasi, lumalabas, dear readers, na “may tama” -- ”malaki ang tama” --  ni Atty. Dess sa kanyang ginawang sariling imbestigasyon -- at “konklusyon” -- na “may laman” ang mga nakitang ‘abandoned magnetic scrap lifter’ noong Agosto 10, sa isang warehouse sa GMA, Cavite.

Kung shabu nga ito (katulad ng sinasabi ng PDEA) o “iba pang bagay,” walang makapagsasabi.

Ang “malinaw” lang “may laman” nga ito, taliwas sa opisyal na posisyon ng Aduana.

Kung “babalansehin,” mga kabayan, hindi dapat magtaka kung bakit “nagagalit” kay Atty. Dess ang kanyang mga kasamahan -- “nanganganib” kasi ang kanilang mga kasalukuyang posisyon kung “aamin” sila na “nagkamali” sila ng “pagbasa” sa resulta ng ‘X-Ray scanning’ sa mga nasabing magnetic lifter (“No Suspect”) kaya pinayagang makalabas ng bakuran ng MICP noong Hulyo 14.

At siyempre pa, ayaw din nilang “mapahiya” at matawag na mga “ogags,” hehehe!

Kung ang mga bagay na ito naman ang kanilang personal na katwiran kaya patuloy nilang “ginigiba” si Atty. Dess (gamit naman ngayon ang Presidential Anti-Corruption Commission) eh, kuwidaw sila, dear readers.

Sa isang pagdinig kasi, binigyan na sila ng pagkakataon ni Sen. Dick, na “aminin” ang kanilang pagkakamali pero, “nagmatigas” pa rin kaya napansin natin na “napailing” na lang ang ‘Chief Investigator’ ng Senado.

Translation? Huwag kayong magtaka, mga bosing, kung sa paglabas ng report ng Senate Blue Ribbon Committee, biglang makasama ang inyong mga pangalan bilang mga ‘accessory’ sa kasong drug smuggling o kaya naman ay tuluyan nang irekomenda ni Sen. Dick na sibakin kayo sa puwesto at tanggalin sa Aduana dahil sa ‘incompetence,’ aray ko po!

Sa panig ni Atty. Dess, maniniwala ka ba, Comm. Sid, na ang iyong interes at ang interes lang ng Aduana ang tanging “habol” niya nang sabihin niya na “may laman” ang mga nasabing magnetic lifters?

‘Yun nga lang, tila hindi “nakumbinsi” si Comm. Sid sa kanyang paliwanag kaya ang “kinampihan” ay mga customs collector na nagsabing “walang laman” ang mga ito.

At dahil “nag-aaway” ang opisyal na posisyon ng Aduana at PDEA sa insidenteng ito (na nagsabing “meron” nga), nagresulta ito sa ginagawa ngayong imbestigasyon ng Senado.

Translation? Kung umaksyon si Comm. Sid batay sa ‘warning’ ni Atty. Dess, wala sigurong mangyayaring ‘Senate investigation,’ hindi ba, mga kabayan? Ano kasing “iimbestigahan” ng Senado kung pareho ng posisyon ang Aduana at PDEA sa isyung ito, aber?

Sa panig ni Atty. Dess, hindi na rin tayo magtataka kung sa dakong huli, she will have ‘the last laugh,’ hehehe! Abangan!

****

Masasabing ‘providential’ o “may basbas ng Langit” kaya nauwi sa imbestigasyon ng Senado ang insidenteng binabanggit natin, dear readers.
Sa aking nakaraang kolum, binaggit natin na “bahagi” ng isang ‘Oust Lapeña Plot’ ng ilang grupo sa loob at labas ng Aduana ang pagkabisto ng 365 kilos ng shabu sa MICP at ang umano’y “nakalusot” na higit isang tonelada ng shabu sa GMA, Cavite.

Alam kasi ng mga hindoropot na nagsabwatan para patalsikin si Comm. Sid na sa isyu ng ‘drug smuggling’ “nakasalalay” ang termino ni Comm. Sid bilang customs commissioner.
At kung may “emisaryo” naman ang mga “anghel” na “nagbabantay” kay Comm. Sid upang tiyakin na hindi siya “makakanal” ng kanyang mga kalaban, partikular sa hanay ng PDEA at PNP, ito ay walang iba kundi itong “boss” ni kapatid na Lee Ann Patugalan, sino pa ba, hehehe!
Naniniwala kasi tayo na sa kanilang ‘grand plan’ para “patumbahin” si Comm. Sid gamit ang SBRC, hindi nila ‘na-factor’ ang husay at galing ni Sen. Dick bilang mambabatas at “imbestigador”—na walang pinapanigan kundi ang katotohanan.

Matapos manalo si US Pres. Bill Clinton sa kanyang ikalawang termino kahit “bugbog” siya sa eskandalo katulad nitong ‘Le Affaire Monica Lewinsky,’ ang ‘sticker’ na ‘It’s the economy, stupid’ ang ikinalat ng kanyang kampo.

Masigla kasi ang takbo ng ekonomiya ng ‘Tadong Unidos kahit pulos eskandalo ang kanyang administrasyon.
Kung “nagdadalamhati” naman ang mga miyembro ng sindikato ng iligal na droga na gustong pabagsakin si Comm. Sid at iba pang mga insosenteng tao dahil “nawasak” ang kanilang plano at “nahubaran” pa sila, isa lang din ang tamang sagot:

“It’s the Dick Gordon Factor, stupid!’