‘It takes time’

October 28, 2018

MARAMING nabigla sa pagkakasibak kay Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapeña at ang kanyang mga matataas na opisyal.

Pati nga si Commissioner Lapeña ay nagulat din sa kanyang pagkakalipat sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sa katunayan, umaga ng pagkakasibak niya sa Aduana, sinabi pa ni Lapeña na hindi siya magbibitiw bilang hepe ng BoC.

Pero bilang isang “good soldier,” tinanggap niya ng buong-loob ang kanyang pagkalipat sa TESDA.

Marami ang nanghinayang dahil maganda ang tax collection performance ng BoC mula nang maupo sa puwesto si Lapeña.

Sa katunayan ay mula Pebrero hanggang Setyembre ay buwan-buwang nalampasan ng BoC ang kanilang collection target.

Inaasahan ngang sa unang pagkakataon sa loob ng maraming taon ay malalampasan ng ahensya ang assigned tax take sa taong ito.

Ang mahirap lang kasi, ipinagpilitan ni Sir Sid na walang laman ang mga nakuhang “magnetic lifter” sa Cavite, samantalang maliwanag sa itsura at kondisyon nang matagpuan ito na may mga laman ngang nakuha sa nasabing kontrabando.

Ito ang pinaniniwalaang naging dahilan ng kanyang pagkakalipat. Hindi dahil sa kasabwat siya ng mga sindikatong nagparating nito, kundi dahil sa “command responsibility.”

Ang mahirap ngayon, kinakabahan na ang mga taga-BoC na baka masira ang momentum ng magandang tax collection effort ng ahensiya.

“We are not saying that incoming Customs Chief Rey Leonardo Guerrero is not capable of equaling or even surpassing Lapeña’s achievements,” ayon sa isang customs old-timer.

Ang problema lang eh “it takes time” bago malaman ang “ins and outs” sa Aduana.

Alam naman ng lahat kung gaano kadami at kabigat ang mga problena sa tinaguring “snake-infested waterfront.”

At huwag nating kalimutan na may dalawang buwan na lang (Nobyembre at Disyembre) ang BoC para maabot ang  2018 target collection.

Huwag natin kalimutan na pati mga commissioner at department head ay kasamang sinibak ni Pangulong Duterte.

Hindi mapaparalisa  ang BoC pero maaapektuhan ang trabaho dahil sa pagkakaalis ng mga opisyal na ito.

Ganun pa man, naniniwala tayo na kaya ni Guerrero ang trabaho.

Kagaya ni Lapeña, “Guerrero is not a retired  general for nothing.”

Si Lapeña ay retiradong 3-star police general samantalang si Guerrero ay retired 4-star military general.

Sa katunayan ay naging chief of staff ng Armed Forces of the Philippines si Guerrero.

Sa pagkakalipat ni Lapeña sa TESDA, siguradong nagbubunyi ang mga ismagler at iba pang mandurugas sa Aduana.

Napataas ni Lapeña ang koleksyon ng BoC dahil epektibo ang kampanya laban sa ismagling at graft and corruption.

Kaya maganda siguro kung ituloy ni Guerrero ang ilang magagandang programa ni Lapeña.

Tama ba, Secretary Carlos Dominguez?

* * *

Ibang sigla at saya na naman ang nararamdaman ng mga tao sa mga barangay.

Madalas na naman ang dalaw sa kanila ng mga kakandidato sa darating na May 13, 2019 election.

Hindi daw sila nangangampanya kundi nagpapakilala lang sa mga botante.

Paano mo iboboto ang mga taong ito eh, sa simula pa lang mukhang niloloko ka na.

Anong nagpapakilalang sinasabi niyo? Maliwanag na nangangampanya na kayo.

Huwag niyo ng bilugin ang ulo ng mga botante.

Aminin niyo na nangangampanya na kayo para hindi mainis ang taumbayan.

Ginagawa niyo lang tanga ang mga botante.

At kung namimigay kayo ng pang-kape, huwag lang sa mga opisyal at kagawad ng barangay.

Huwag niyong kalimutan na iilan lang ang mga opisyal na ‘yan kumpara sa dami ng mga nakatira sa barangay.

Kayo rin, baka ang bumoto sa inyo eh, mga kawani lang ng barangay.

Ibang-iba na ang politika sa bansa.

Mautak na ang mga botante!

Ano sa tingin niyo?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)