Ipatupad ang No Bio, No Vote!

November 10, 2018

HINDI matitigil ang pamamayagpag ng mga flying voters at mga tiwaling opisyales ng COMELEC kung hindi ipapatupad ang RA 10367 o Mandatory biometrics registration of voters na pinag-utos ng Kongreso nuon pang 2013 subalit isinantabi ng COMELEC sa 2016 national at local elections at nitong 2018 bgy. elections.

Sapagkat ang ipinagamit ng COMELEC na book of voters sa mga Board of Election Inspector o BEI ay walang mga larawan at biometrics ng botante, walang puknat ang pasok ng mga flying voters sa presinto para iboto ang kandidato na nagbayad sa kanila para iboto siya. Kahit sandamakmak ang mga poll watchers ng ibang kandidato, hindi ito mapigil. Paano naman kasi ang mga watchers ay mas interesado sa tsismis at kung kailan sila babayaran ng buo sa kanilang trabaho.

Dahil may litrato at mga fingerprints ang bawat botante, hindi na makakaboto ng dalawang beses ang isang botante sapagkat masasala na ng Voters Registration System o VRS ang magkakapareho ng fingerprint at maaaring kasuhan ang mga nagparehistro ng dalawang beses sa magkaibang lugar gamit ang magkaibang pangalan.  Ang database ng COMELEC ang siya mismong sinisisi ng ahensiyang ito dahil pagkaraan maipatupad ang “No Bio, No Boto” nuong 2013, naglaho sa listahan ang halos 2 milyon botante na tinuring na de-activated kahit nakaboto naman ang mga ito sa nakaraang dalawang sunod na halalan. May 1,900  botante naman ang tuluyan nang naglaho ang record at kahit anong gawin ay hindi na maibalik ang records nila. Puede naman gawan ng paraan ng mga IT experts para masolusyonan ang “glitch” sa system. Kaya lang iba talaga ang utak ng COMELEC, mas kailangan daw ang PCOS kaya ang P742 milyon pondo para sa VRS ay napunta na lang sa PCOS Project. (Celis, Nov 2015)

Ang Pangulo ng Pilipinas ay may ginintuang oportunidad para maiwasto ang pagkakamaling ito ng COMELEC.  Sa pamamagitan ng pitak na ito at ng marami pang nakakaintindi ng problema sa halalan, nawa ay lumakas ang sama-samang tinig para kumilos ang ating mahal na Pangulong Rodrigo Roa Duterte at hamunin ang COMELEC na gamitin muli ang VRS sa May 13, 2019 halalan para maipagmalaki ng mga DDS na tunay ngang dama ang pagbabago sa pagpili ng mga pinunong ihahalal sa eleksyon.