Ipamigay lahat ng puwedeng pakinabangan

September 20, 2018

PANAHON na para gumawa ng mga malalaking evacuation center sa bansa.

Tama na ang paggamit ng mga pampublikong paaralan bilang evacuation centers.

Nasasakrepisyo tuloy ang pag-aaral ng mga bata kapag ginagamit ang mga silid-aralan ng mga evacuee.

Isa pa, may mga gamit sa paaralan na nasisira at nawawala kapag ginagamit ang mga public school ng publiko pag may kalamidad.

Kailangang may mga sapat na lutuan, paliguan, palikuran at higaan.

Mahalaga rin na may sapat na supply ng pagkain at gamot. Kung minsan kasi ay nagtatagal ang pagtira ng mga biktima ng kalamidad sa mga evacuation center.

Nakakaawa ang kalagayan ng mga evacuee  sa mga pampublikong paaralan.

Walang matulugan dahil sa dami nila sa lugar.

Kapag nagkaroon ng sakit o epidemiya ay mabilis na nahahawa ang marami.

Tama lang na i-prioritize ang paggawa ng mga maluluwang at fully-equipped na evacuation center.

* * * 

Maraming natuwa sa desisyon ng gobyerno na ibigay sa mga sinalanta ng bagyo ang mga nakumpiskang puslit na pagkain. 

Mas mabuti ngang pakinabangan ng taumbayan ang mga ipinuslit ng mga ismagler. 

Hindi lang dapat mga pagkain ang ipamigay sa mga biktima ng kalamidad.Lahat ng pwedeng pakinabangan ay isama na rin sa ipamamahagi sa mga sinalantang lugar.

Pati mga gamit sa bahay.

Sa totoo lang, kung hindi inanod ng tubig-baha ay nalubog sa tubig ang gamit, pati mga cellphone at laptop.

Sa maraming lugar, umabot ng hanggang baywang ang tubig sa loob ng bahay.

Pero sana alamin ang halaga ng mga ipamimigay na pagkain at gamit.

In fairness sa Bureau of Customs, ibilang na koleksiyon  din ang halaga ng donasyon.

Ang proceeds kasi ng public auction ay isinasama sa tax collection ng ahensiya.

Gumagastos din naman ang BoC sa pagtunton at pagkumpiska ng mga kontrabando.

Hindi naman pinababayaran ng BoC ang mga ido-donate na pagkain at gamit.

Tama lang na i-consider na parte ng koleksiyon ang halaga ng mga ipamimigay na kontrabando.

Tama ba kami, Finance Secretary Carlos Dominguez?

* * *

Hindi sapat na meron ng bigas at asukal sa merkado.

Kailangang alamin ng gobyerno kung bakit tumaas ang presyo ng mga bilihin sa merkado.

Sabi ng gobyerno ay walang shortage ng bigas sa bansa.

Pero sa kabila nito ay biglang nagtaasan ang presyo ng bigas at iba pang bilihin.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na may mga kumita ng malaki sa biglang pagkawala ng bigas sa merkado.

Niloloko ang mga namimili, lalo na ang mga mahihirap.

Hirap na ang taumbayan, lalo pa silang pinahirapan ng mga walang pusong negosyante.

Dapat sa mga mapagsamantalang negosyante ay makulong.

Pagbayaran nila ang mga kasalanan sa taumbayan.

Hindi ba, Pangulong Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Tagged Under