‘Incompetent’ sa BoC, dapat alisin

October 11, 2018

“ALAM ba ninyo kung ano ang ‘sakit’ ni Noynoy (Aquino)? 

Ito ang tanong ni Senate blue ribbon committee chairman, Sen. Richard ‘You-Know-Me’ Gordon, sa mga opisyales ng Bureau of Customs (BoC) sa naging pagdinig ng Senado noong Miyerkules hinggil sa isyu (pa rin) ng ‘drug smuggling.’

At siyempre, dahil halos lahat ng tinanong (maliban sa inyong lingkod, siyempre pa rin) ay “nganga,” si Sen. Dick na rin ang sumagot:

“Ang sakit ni Noynoy, kahit mga suspendidong opisyal, kinakausap,” ayun, oo nga pala, hehehe!

Ang tinutukoy siyempre ni Sen. Dick ay ang pagkunsinti ni Noynoy Aquino dito sa kanyang ‘Chief PNP,’ Alan La Madrid Purisima,’ na “umepal” pa rin sa operasyon ng PNP SAF noong 2015 upang mahuli ang teroristang si Zulkifli ‘Marwan’ Abdhir, na noon ay “naglulungga” sa Mamasapano, Maguindanao.

Ang resulta, sabihin pa, ay isang malaking trahedya -- ang brutal na pagkamatay ng 44 na kasapi ng PNP SAF.

Binanggit ni Sen. Dick ang naging kapabayaang ito ni Noynoy matapos mapansin na sa insidente ng nahuling 305 kilos ng shabu sa MICP noong Agosto 7 na “ipinasok” nitong ‘Vecaba Trading,’ si Dir. Adzhar Albani ng CIIS, ang “nagtimbre” kay Comm. Sid Lapeña hinggil dito.

Ang impormasyon, ayon pa kay Dir. Albani, ay galing naman kay ex-PDEA deputy director, Ismael Fajardo (na isinasangkot na ngayon sa sindikato ng iligal na droga, kasama si ex-PNP colonel, Jojo Fajardo at customs intel agent, Jimmy Guban).

Ang “problema” lang, nang tawagan ni Dir. Albani si Comm. Sid, kasalukuyan pa siyang suspendido matapos “isabit” ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa isyu ng ‘jewelry smuggling’ sa NAIA.

(Hanggang ngayon naman wala pa ring pormal na kaso si Dir. Albani kaya tila “sinunog” lang siya nitong PACC sa dahilang sila lang ang may alam).

(Ang masakit pa, sa naunang dalawang insidenteng ganito sa NAIA, si Dir. Albani pa nga ang nag-imbestiga at nagrekomenda na sibakin at kasuhan ang mga nasangkot na personalidad).

Para kasi kay Sen. Dick, sa sensitibo at “seryosong” usapin ng ‘drug smuggling,’ dapat lang na masunod ang tamang proseso.

Translation? Kung “suspendido” ang opisyal, aba’y huwag payagang “umepal” o magbigay ng tulong para “hindi mapaghinalaan.”

Bagaman, pinupuri natin si Dir. Albani dahil kahit nga lumalabas na ‘badgering the witness’ na ang ginagawa ni Sen. Dick sa kanya (humingi ng ‘apology’ si Sen. Dick bago natapos ang pagdinig), aba’y ‘very cool’ pa rin ang nasabing opisyal at ‘nag high five’ pa nga sila ni Sen. Dick, hehehe!

At nauunawaan din natin si Sen. Dick kung lumalabas na “tamang hinala” siya sa mga testigo dahil nga bilang beteranong mambabatas at “Chief Investigator’ ng Senado bilang ‘chairman’ ng ‘Blue Ribbon Committee,’ ayaw niyang “malinlang” ng kanyang mga kausap, partikular pa nga na ang isyu ay ang ‘smuggling’ ng iligal na droga.

‘Yun nga lang, marahil dahil na rin sa pagod (bago ang ‘shabu smuggling’ ang raket naman sa ‘road right of way’ ang binusisi ni Sen. Dick), “nawala” sa isip ni Sen. Dick ang ‘language at cultural barrier’ nila ni Dir. Albani na isang Muslim at lumaki sa Mindanao.

Nakikita kasi natin na sinserong gustong magpaliwanag ni Dir. Albani pero “nahihirapan” siya (bukod pa sa sablay ang ‘sound system’ sa loob ng ‘committee room’ na ginanap sa GSIS building) kaya ang resulta, “nahihirapan” din si Sen. Dick na “unawain” ang kanyang paliwanag, hehehe, ayy, huhuhu!

‘Communication barrier’ din ang nakikita nating dahilan kung bakit “tamang hinala” si Sen. Dick sa mga paliwanag nitong sina DCA Gladys Rosales at DCI Dick Quinto (na nagpunta kahit mataas ang lagnat), hinggil sa kanilang pagpayag na kausapin si Dir. Albani hinggil sa ‘shipment’ ng Vecaba kahit nga suspendido pa ito.

Translation ulit? Eh, dapat siguro ‘mag-enroll’ sa kursong ‘effective public speaking’ itong mga opisyales ng Aduana, para hindi “mabokya” sa ‘congressional hearing,’ ano sa tingin mo, Comm. Sid, hehehe!

‘But on the serious side,’ wika nga, matapos ang pagdinig ay nagmiron tayo sa usapan ni Sen. Dick at Comm. Sid kung saan, batay sa kanyang naging “impresyon” sa mga “binitbit” ni Comm. Sid mula sa PDEA patungong BoC, dapat na umano silang “sibakin” lahat ni Comm. Sid, aguy,aguy,aguy!

“Alisin mo na; ipapahamak ka ng mga ‘yan,” ang narinig pa nating “pang-uurot,” ayy, “payo” ni Sen. Dick kay Comm. Sid.

Sa ating “pagkuwenta,” limang kasalukuyang opisyales ng Aduana na inilarawan ni Sen. Dick bilang mga ‘incompetent’ ang dapat nang lumayas, agh, umalis, sa ahensiya, susmariyosep!

At “naglalaway” ba kayong malaman kung sino-sino sila, dear readers? Gusto ba ninyong “ibulong” ko sa inyo?!

Oh sige, sino pa nga ba kundi…

Sino pa nga ba ang dapat magdesisyon sa bagay na ito kundi si Comm. Sid kaya, abangan na lang natin, hehehe!