Ilipat ang mga pamayanan na laging dinedelubyo

September 18, 2018

Malupit na naman ang sinapit ng maraming Pilipino sa dahas ng bagyong Ompong. Hindi pa nakababangon ang maraming barangay at bayan sa nakaraang lupit ng habagat nitong nakaraang buwan lamang.

May ilang barangay pa ang lubog  sa baha  kasama ang kanilang mga bahay bago pa humagupit ang bagyong Ompong. Lalong nadagdagan ang  paghihirap ng mga taong sinalanta ng mga delubyo.

Matagal nang hindi kalamidad lang ang tawag ko sa mga nangyayari sa ating bansa dahil sa patuloy na pag-init ng mundo (global warming) at paiba-ibang klima ng mundo )climate change).

Sa dami ng mgha Pilipinong namamatay at nawawalan ng bahay at ari-arian tuwing humahagupit ang mga bagyo at habagat, nagsimula ko nang tawagin itong delubyo.

Nakakatakot ang delubyo. Kahit ako’y kinakabahan. Talagang nakatatakot dahil 10 oras akong naipit noon sa Edsa Monumento dahil sa bagsik ng bagyong Ondoy. Isang minamahal na kamag-anak ko ang namatay sa 12 oras na pagkakababad sa tubig –baha na pumasok  sa kanyang isang palapag na bahay.

Katulad ng maraming Pilipino, hindi inaasahang ganoon karaming tubig-ulan ang ibabagsak ng bagyong Ondoy nang araw na ‘yon. Kasama na ang aking kamag-anak na nagtiwalang sandali lamang ang bagyo. Katatapos pa lamang na gawin ang kanilang kalye upang hindi daw ito magbaha.

Lagi namang lumulubog sa baha ang Barangay Banaba San Mateo Rizal. Taon-taon na itong nangyayari. Ganoon din ang Barangay Bagong Silangan sa tabi ng Payatas Lunsod Quezon. Gano’n din ang Araneta Avenue Lunsod Quezon. Gano’n din ang ilang lugar sa Las Piñas City at Marikina City na sa tuwing may habagat  at matinding bagyo ay lagi na lamang sinusukat ang ilog sa ibaba ng tulay ng Marikina kung ito ay lumalagpas na sa normal na level. Evacuation na ang kasunod kung lalagpas na sa normal level.

Nalulungkot ako sa tuwing maraming nasasalantang Pilipino kung bumabagyo. “Kakambal” lagi ng bagyo ang matataas na pagbaha, pagguho ng mga lupa, pagtigil ng mga trabaho at pag-aaral. Kung minsan ay naaapektuhan pa ang ekonomiya ng bansa dahil tumataas ang presyo ng mga bilihin sa tuwing may delubyo.

Tunay na malubha na ang global warming at climate change. Ngunit marami pa ring pasaway ang patuloy na lumalabag sa mga batas ng Inang Kalikasan at batas kalikasan ng tao. Patuloy pa rin ang quarrying, pagbasag sa mga bundok upang kunin ang likas na yaman, pagputol ng mga puno sa kagubatan at land conversion ng mga agricultural land.

Sa ngayon, sinabayan pa ng bagyong Ompong ang pagtaas ng lahat ng presyo ng bilihin sa pangunguna ng halos linggo-linggong pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel, at kerosene. Hirap ang mga mahihirap na Pilipino  sa paghahanap ng murang bigas. Lumalawak ang kagutuman.

Kahit ang mga artista at mga celebrities ay dumaing na sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at inilalahad nila ito maging  sa mga programang pantelebisyon. Matindi ‘umano ang ginagawa nilang pagbabadyet nang kaunti nilang kinikita. Apektado ng “inflation” ang lahat ng uri ng mga Pilipino sa ating bayan.

Pagkaraan ng bagyong Ompong ay mananatili pa rin ang hinahatak nitong habagat na magpapaulan sa bansa na kung minsan ay higit pang “deadly” kaysa isang bagyo.

Malaki ang gastos ng pamahalaan noon pa man pagkatapos ng isang malupit na bagyo. Naidagdag pa nga rito ang daang libong pisong gastos sa paghahakot ng basura sa may “baywalk” sa Roxas Boulevard.  Umaahon na ang tubig sa Manila Bay patungong lansangan ng Roxas Blvd. Kasama ng tubig baha ang basura. Dinadaanan ito ng mga sasakyang dumaraan dito. Sa tingin ko’y may panganib ang basurang nasa kalyeng ito lalo na kung may matatalim, matutulis na bagay na nakapaloob sa basura. Puwedeng ma-flat ang gulong ng mga sasakyan at lalong magpapabigat ito sa daloy ng trapiko.

Natalakay ko na sa kolum ko noon na makakabuting ilipat na ang mga kababayan natin na nasa  hazardous area na flood at landslide prone.  Sa tuwing may bagyo ay o habagat ay nanganganib ang kanilang buhay. Dapat na itong iwasan. Inililikas lang sila kung nandyan na ang panganib.

Bakit hindi sila ilikas nang permanente? Sa gayon ay mababawasan pa ang nasasawing buhay at milyon-milyong piso na ginagastos ng pamahalaan sa rescue, relief operations at kung anu-ano pang disaster preparations. Gastusin ang mga perang ito sa pagbubuo muli ng isang pamayanan na ligtas  sa delubyo. Sa gayon ay magiging kumprehensibo ang plano sa pagsalubong sa mga delubyo o “disaster response, preparedness “at kung anu-ano pang nauso na ngayong mga katawagan.

Ngunit ang pinakapanguhing dapat ayusin ay pagpapatigil sa patuloy na pagwasak sa ating Inang Kalikasan. Kung hindi matitigil ang patuloy na pagsira sa ating likas na yaman at kapaligiran, kahit saan tayo magpunta ay hahabulin tayo ng delubyo, na nawa’y huwag namang ipahintulot ng Makapangyarihan sa lahat.        (bangonkalikasan@yahoo.com)