Ilagay sa COMELEC control

October 21, 2018

MABUTI na lang at nandiyan si Pangulong Duterte at social media.

Ito ang komento ng ilang taga-masid pagkatapos ng paghahain ng Certificate of Candidacy (CoC) para sa 2019 election.

Dati kasi ay  may mga bayan na walang maglakas loob kumandidato dahil takot sa mga political warlord.

Ngayon, tumapang na sila dahil alam nilang hindi sasantuhin ni PRRD  ang  goons ng mga politiko.

Nandiyan din ang social media na malaki ang maitutulong para magkaroon ng payapa at malinis na eleksyon.

At sana, ilagay sa ilalim ng COMELEC control ang mga bayan na kontrolado ng mga makapangyarihang politiko.

Makatutulong rin kung isang buwan bago ang araw ng eleksyon ay ilipat ang lahat ng mga pulis sa isang bayan o syudad.

Lalong magiging kredibol ang halalan kapag nangyari ito.

Puwede ba, Pangulong Duterte, PNP Chief Oscar Albayalde at Chairman Sheriff Abas?

* * *

Lalong tumitindi ang planong patalsikin sa puwesto si Customs Commissioner Isidro S. Lapeña.

Pero hanggang ngayon ay may tiwala pa si Pangulong Rodrigo Duterte kay Lapeña.

Alam ni Duterte kung paano magtrabaho si Lapeña, isang retiradong heneral na taga-Urdaneta City, Pangasinan.

Matagal na naging hepe ng Davao City Police si Lapeña.
Kaklase niya si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Philippine Military Academy (PMA).

Mga miyembro ng PMA Class 1973, sina Lorenzana at Lapeña.

Tama si Lapeña. Kagaya ng iba pang opisyal, sila’y nagsisilbi sa bayan “at the pleasure”  ng pangulo.

Ang ibig sabihin nito ay si Pangulong Duterte lamang ang makapagsasabing umalis na sila sa gobyerno.

Ayon kay Lapeña na lalo niyang paiigtingin ang kampanya laban sa korapsyon at katiwalian.

Ito ay pagsunod sa utos ni Duterte na palakihin pa ang revenue collection ng BoC.

Kailangan ng gobyerno ng sapat na pera para tustusan ang mga proyekto sa ilalim ng “build, build, build” program ng gobyerno.

Inaasahang hindi lang maaabot kundi malalampasan pa ng BoC ang taunang collection target nito.

Dito asar ang mga kritiko ni Lapeña, dahil naipapakita niya na kaya ng BoC na palakihin ang tax collection nito.

Ang laging  hinaing ng mga nagdaang BoC commissioner ay imposibleng makamit ang  target dahil “unrealistic” daw ito.

Talagang tinataasan ng gobyerno ang target para sa mga revenue-generating agency.

Pero iba ang mga kaganapan ngayon sa Customs. Pag-upo ni Lapeña sa puwesto,  sinabi niyang kayang lampasan ng BoC ang kanilang target.

At nagagawa nga nila ito.

Alam ito ng Malakanyang na hindi natutulog sa pansitan si Lapeña.

Kung hindi ay matagal na sanang wala sa puwesto si Lapeña sa dami ng naglalaway sa puwesto niya.

Nandiyan pa ang maraming nasasagasaan sa ginagawa niyang paglilinis sa Aduana.

Kaya naman ang payo natin kay Comm. Sid, ingat lang sa mga nakapaligid sa kanya. Baka sila ang maglubog sa kanya sa kumunoy.

* * *

Noong Martes, Oktubre 16, ay muling sinira ng Bureau of Customs o BoC ang mga kumpiskadong pekeng produkto.

Ang mga counterfeit na produkto ay nagkakahalaga ng mahigit na P25 milyon.

Inimbitahan ang mga taga-media para ipakita sa publiko na talagang sinisira ang mga kumpiskadong kontrabando.

Ito ay pagtalima sa utos ni Pangulong Duterte.

Pati nga mamahaling sasakyan, kasama ang mga motorsiklo, ay kailangang wasakin ng mga pison para hindi na mapakinabangan ng mga ismagler.

Ang pagsira, na ginanap sa San Pedro, Laguna, ay sinaksihan ng mga mamamahayag.

Kabilang sa mga sinirang produkto ay kinumpiska ng mga taga-ESS sa isang bodega sa Quezon City noon pang 2017.

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)