9,090

Ikulong ang mga ‘economic saboteur’

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 248

DAPAT mahuli at mabulok sa kulungan ang mga taong sangkot sa artificial rice shortage sa bansa.  

Ang mga rice hoarder at profiteer ay wala ring ipinagkaiba sa mga drug dealer.

Tatlo hanggang apat na milyong kababayan natin ang biktima ng mga drug pusher.
    
Ito ang mga adik na walang ginawa kundi  bumatak ng shabu na unti-unting sumisira sa
kanilang utak.
    
Ang mga hoarder at profiteer naman, binibiktima ang mahigit na isang daang milyong Pinoy.
    
Halos lahat tayo ay apektado at huwag naman sanang umabot na may mga mamatay sa gutom dahil
sa kawalan ng maisasaing na bigas.
    
Mukhang hindi takot kay Pangulong Duterte ang mga mapagsamantalang negosyante.
    
Siguradong papalakpakan ng sambayanang Pilipino ang mga pulis at sundalong makakahuli ng mga
hoarder at profiteer.
    
Hindi titigil ang mga “economic saboteur” hangga’t walang nakikitang kauri nilang naghihirap
sa kulungan.
    
Tama ba kami, Pangulong Duterte at Agriculture Secretary Manny Piñol?

* * *   

Hindi na tayo magtataka kung may mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC) na hindi na
nakakatulog ng mahimbing.
    
Alam nila na close monitoring ang ginagawa ni BoC Chief Isidro Lapeña sa kanilang trabaho.
    
Sa tingin kasi ni Lapeña ay kaya ng BoC na ma-meet ang kanilang collection target sa taong
ito.
    
Kaya hindi papayag si Comm. Lapeña na patulug-tulog ang kanyang mga tauhan, lalung-lalo na
ang mga district collector.
    
Sa pagkakaalam natin, si Lapeña ang kauna-unahang hepe ng BoC na nagsabing kayang abutin ng
ahensya ang kanilang collection target.
    
Kung minsan nga ay binababaan ng gobyerno ang assigned tax take ng BoC.
    
Ang madalas na reklamo ng mga nagdaang BoC chief ay “unrealistic” ang iniaatang na
collection target ng ahensya.
    
At naniniwala tayo na may basehan si Lapeña sa kanyang sinabi na hindi imposibleng misyon
ang abutin ang 2018 target ng BoC.
    
Kaya nga maraming nagkamot ng ulo nang sinabi ni Lapeña na kaya nilang maabot ang target
collection sa taong ito.
    
Ang kailangan lang ay matigil na ang ismagling at iba pang pandaraya sa Aduana.
    
Kaya ng mga taga-BoC. Kailangang magpakitang gilas ang mga district collector kung gusto
nilang manatili sa puwesto.
    
Kung puwede lang ay araw-araw niyong i-monitor ang  tax collection sa inyong distrito.

* * *   

Naiintindihan natin kung bakit galit na galit si PNP Chief Director-General Ronald “Bato” M.
dela Rosa sa mga pulis na gumagawa pa rin ng katarantaduhan.
    
Nadoble na nga naman ang suweldo ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), kaya
wala ng dahilan para masangkot pa sila sa mga kalokohan.
    
Kaya nga itinaas ni Pangulong Digong ang sahod nila para mawala na ang mga bugok na pulis.
    
Sa totoo lang, naiinggit ang ibang lingkod-bayan sa mga pulis, sundalo, bumbero at jail
guard.
    
Hindi natin sila masisisi kung bakit may tampo ang ibang empleyado ng gobyerno.
    
Tama naman si Pangulong Duterte na unahing doblehin ang sahod ng mga pulis.
    
Itinataya ng mga pulis at sundalo ang kanilang buhay para lang pagsilbihan ang taumbayan.
    
Ang problema lang, may mga pulis na wala yatang kabusugan.
    
Ito ang mga pulis na bilang na ang kanilang mga araw sa serbisyo. Namumuro na kayo kay
Pangulong Duterte at Heneral Bato.
    
Kung ’di kayo titigil sa mga kalokohan, siguradong sibak kayo bago magretiro si Bato sa
Abril.

* * *   

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:
This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)