Iba’t iba ang hugis at mukha ng kapangyarihan

October 03, 2018

ANG pamantayan ng pagkatao ay hindi ang kanyang narating o naging tagumpay niya saan mang larangan.

Nakagawian na kasi nating dumikit sa mga panalo, sa mga successful na tao kaya humahantong sa pagiging mapag-mataas kapag hindi na nakontrol ang tinatamasang “all praises” sa kanyang paligid.

Itong ginawa ni Congressman John Betiz sa airport security ay isang klasikong halimbawa ng uncontrollable power and madness na pinaghalo. Buwenas lang tayo dahil may lumabas na CCTV kaya nakita nating lahat kung ano ang kayang gawin ng isang makapangyarihan sa isang mahinang nilalang.

Hindi lang ito ngayon nangyari, kahit saan ka tumingin, karaniwan itong nagaganap sa ating paligid. Naisalarawan lang ni Bertiz ang paraan ng “pagsupalpal” ng ID sa mukha ng isang karaniwang empleyado bilang insidente ng “hu u 2 mi?”

Kahit sa mga road rage, nakita na natin yan, madalas, iyong pobreng driver ng pampasaherong jeep ay halos lamunin nang buhay ng isang naka-kotse na kanyang nasagi.

Tanda nyo naman siguro iyong taga-Philip Morris na sumampal sa MMDA constable na nakunan ng video ng taga-TV5 sa Marikina. Nasa harap ng awtoridad pero maangas dahil kita niyang patpatin at kayang apakan ng kanyang yaman ang dukhang enforcer.

May kabaligtaran naman ito, si “5 minutes” girl na powerful fiscal pala versus equally powerful MMDA officer Bong Nebrija. Dito mo naman makikita ang tagisan ng dalawang makapangyarihan pero nagpakita ng mas matinding power si 5 minutes girl. Gamit naman niya ang pagiging fiscal.

Pero hindi rin naman palaging ganito, may mga sobrang hirap sa buhay pero galante sa kahambugan. Ang sandata naman niya ay ang likas na tapang laban sa isang mahina na kanyang nakatapat. Iyon tipong alam mo namang walang sinabi sa buhay pero kung umasta ay sobrang angas at nang-aapak ng mas mahina sa kanya.

Ganoon kasi ang power, iba’t ibang hugis, iba’t ibang mukha. Dito papasok kung paano mo kayang dalhin ang anumang kapangyarihan, katanyagan at kayamanan.

Lahat ng yan ay nakalalasing kapag hindi mo nahawakan nang tama. Ang master and servant relationship sa loob ng tahanan ay bukas na aklat para makita natin kung ano ang ibig kong sabihin.

May isang magandang aral sa Bibliya na puwedeng gamitin nating lahat na pamantayan sa ating mga pananalita at mga ikinikilos sa araw-araw.

Lukas 14:11-- Sapagkat ang nagmamataas ay ibinababa at ang nagpapakababa ay itinataas.

Kailangang simulan sa loob ng inyong tahanan ang pagpapakumbaba at gawin nyo ito araw-araw kahit saan kayo makarating, kahit sino pa ang inyong kaharap.

Ito lang ang magpapatahimik sa ating paligid, ang matuto lang tayong magpakumbaba sa lahat ng oras.

allanpunglo@gmail.com