5,817

Ibalik ang basura sa Canada

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 384

APAT na taon na ang nakalipas simula nang bumulaga sa ating pantalan ang 50 containers mula sa
Canada na naglalaman ng sandamakmak na basura. 

Nitong nagdaang ASEAN Summit, naitanong na ito kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau
kung may pag-asa bang maibalik ang tone-toneladang basura sa kanilang bansa.     
    
“Even though it originally came from Canada, we had legal barriers and restrictions that
prevented us from being able to take it back. Those regulations and those impediments have now been
addressed, so it is now theoretically possible to get it back,” sabi ni Tradeau sa press conference
noon sa  World Trade Center sa Pasay City.
    
Maraming pinahanga si Trudeau dahil sa lakas ng PR (public relations) nito. Nariyang bumuhat
ng batang Pinoy at kumain sa isang sikat na fastfood chain.
    
Kahit tayo ay napabilib sa ipinakitang kabaitan ni Trudeau. Pero nang maglabas na sila ng
pahayag na hindi nila pagbibilhan ng 16 na helicopter ang pamahalaan ng Pilipinas kung gagamitin ito
sa operasyon laban sa mga rebeldeng komunista, parang sumosobra naman yata ang ‘kayabangan’ na ng
Canadian leader.
    
Alam ng lahat ng pinuno ng iba’t ibang bansa na isa nang ‘global problem’  ang terorismo.
Katunayan, isa iyan sa naging paksa sa nakalipas na ASEAN Summit.
    
Pero kung makikinig si Trudeau sa sulsol ng ilan tungkol sa isyu ng karapatang pantao, hindi
naman siguro dapat pangunahan pa niya ang Pangulong Duterte sa dapat gawin para sa ating kababayan.
    
Mabuti’t mabait ang ginawang pahayag ni Duterte kamakailan na nagsabing pinapakansela na
niya ang pagbili ng mga chopper sa Canada. Hahanap na lang daw tayo ng ibang bansa na puwedeng
magbenta sa atin ng mga helicopter nang walang ipinalalabas na ‘kondisyunes’ na hindi naman dapat.
    
Dahil kung ibang pinuno lamang ito, baka nakarinig pa ng kabi-kabilang mura si Trudeau kay
Duterte na alam nating kayang gawin ni Digong.
    
Sumasang-ayon tayo sa desisyon ni Duterte na kanselahin ang kontrata, pero dapat ipursigi na
ng pamahalaan ang pagsoli sa mga basurang ipinarating nila sa Pilipinas.
    
Ang problema kasi sa Canadian government, masyado silang nagmamalinis, eh sila itong
saksakan ng dumi!