Huwag nang ibalik sa puwesto ang mga Dilawan

October 16, 2018

“BUHAY pa pala sila. Hindi pala sila nagpasagasa sa tren.”

Ito ang reaksyon ng mga miron sa ‘post’ ni ex-DOTC, ex-DILG secretary at LP losing standard bearer, Mar Roxas sa social media, kung saan muli niyang “iniaalok” ang kanyang sarili bilang “lingkod-bayan.”

Sa totoo lang, isa tayo sa mga nadismaya dito kay Sec. Mar; kahit paano kasi ay nasubaybayan natin ang kanyang ‘political career’ noong siya ay nasa Senado pa.

Subalit, ganap na “nahubaran” ang kanyang pagkatao bilang “pekeng” lingkod-bayan at “lider” sa anim na taon nang walang kakuwenta-kuwentang administrasyon ng kanyang “BFF” na si Noynoy Aquino.

Bagaman “umamin” si Roxas na “mayroon” siyang mga naging “pagkakamali,” hindi naman niya idinetalye ang mga ito -- nakakahiya nga naman kasi. Pansinin natin, mga kabayan:

Bilang DILG secretary, lumabas na naging “kunsintidor” si Mar sa talamak na katiwalian sa mga ahensiyang hawak nito -- BFP, BJMP at higit sa lahat, PNP.

Ipinakita rin niya na mas “labs” niya si Noynoy Aquino at ex-PNP chief Alan Purisima sa kaso ng ‘SAF 44’ kung saan pinilit pa niyang “banlawan” ang responsibilidad ni Noynoy at Purisima sa trahedyang ito.

At siyempre, andyan ang malaking problema natin sa iligal na droga. Dahil sa kanyang kapabayaan at pagiging inutil (incompetent) bilang DILG secretary, nakita natin na kung hindi pa nanalong presidente si PDU30, talagang “lalamunin” na ng sindikato ng iligal na droga ang buong lipunang Pilipino.

Bilang DOTC secretary, ang tanging kapuri-puri sa ginawa ni Mar ay “tuldukan” ang “panggagahasa” ng kumpanyang Sumitomo sa MRT bilang ‘service and maintenance provider’ nito.

‘Yun nga lang, pagdating sa operasyon ng MRT, isang malaking “bangungot” ang naging karanasan ng sambayanang Pilipino.

Hindi rin niya nagawang supilin ang mga korap at tuldukan ang mga katiwalian sa mga line agencies ng DOTC katulad ng LTO, LTFRB at CAAP.

Bilang isang ‘national figure,’ hindi rin natin nakita na tumayo at nanindigan si Sec. Mar upang kondenahin ang talamak na katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan ng administrasyong Aquino, katulad nitong isyu ng DAP, PDAF, rice smuggling, impeachment kay CJ Renato Corona at ang paggamit ng poder bilang ‘political tool’ ng “benggador” na si Noynoy Aquino.

At sino ba ang makalilimot sa naging kapabayaan -- at katangahan -- ng kanilang grupo nang tumama ang Super Typhoon Yolanda noong 2013? Hanggang ngayon, nakikita pa nga natin ang resulta ng kanilang ‘gross mismanagement’ sa trahedyang ito.

Hindi rin natin nakitang tumayo at iginiit ni Mar ang soberenya ng ‘Pinas laban sa pang-aabuso ng mga dayuhan, partikular na ang ‘Tadong Unidos kung saan garapalan ang pagiging “tuta” ng kanilang administrasyon.

Subalit, isang halalan na kasi ang nagdaan (2016) at marahil, iniisip ng Tribong Dilawan na dahil “notoryus” ang mga Pinoy sa pagiging “makalimutin,” puwede na ulit nilang “bolahin” at “utuin” ang mga Pinoy sa darating na halalan.

Katulad na lang nitong isa pang ‘certified’ na “Dilawan” na si ex-PCSO chairman, Irineo ‘Ayong’ Maliksi.

Sa mga balita kahapon, muli palang lalaban bilang gubernador itong si Ayong, kalaban naman si ex-Gov. Jonvic Remulla.

Naniniwala tayong isa sa mga nawalan na ng kredibilidad bilang lingkod-bayan ay itong si Ayong dahil, katulad ni Mar, “anlufet” din ng kanyang ginawang “pagsipsip” dito kay Noynoy Aquino.

Katulad ni Mar, “bulag, pipi at bingi” rin itong si Ayong sa lahat ng mga karumal-dumal na krimen sa bayan at sa lipunan ng nakaraang administrasyon; bilang PCSO administrator, ang tanging alam natin na natulungan nitong si Ayong ay ang kanyang ‘personal driver’ na nagkaroon ng karamdaman.

Kaya nga, ano ang kanyang “K” na muling tumayo sa entablado at sabihin na dapat siyang ibalik sa kapitolyo ng Cavite, aber?

Ngayong eleksyon ang tanging “oportunidad” para sa lahat ng Pilipino na ipakita ang kanilang pagkasuklam sa nakaraang administrasyon, sa Tribong Dilawan at sa marumi, korap at ipokritong estilo ng pulitika na kinakatawan nila.

Sa 2019, mga kabayan, isa lang ang dapat nating tandaan bago tayo bumoto -- Huwag nang ibalik sa puwesto ang mga Dilawan!

Ibasura ang kanilang kandidatura, period!