Hudas na pulitiko, kumita ng P200M sa pag-atras

October 24, 2018

ISANG kandidato sa Metro Manila ang nagbenta ng kanyang kaluluwa.

Incumbent ngayon si pulitiko at pumormang kakandidato sa pagiging local executive. Katunayan, matagal nang nabuo ang tandem niya at ng isa pang pulitiko na incumbent din sa isang distrito.

Nagkaroon na ng malakihang plano sa tambalan nilang dalawa. Katunayan, nabuo na rin ang kanilang lineup sa iba’t ibang posisyon.

Iyong kapartner niya, buo na ang pasya kaya pareho na silang nagplano.

Noong araw ng filing ng Certificate of Candidacy, inabangan ang publiko ang pagdating ng kanilang tandem sa Comelec.

Nang matapos ang deadline, hindi dumating si kandidato. Nagulat ang lahat dahil iba ang magkasamang nag-file. Si pulitiko na incumbent, iba ang tinakbuhang posisyon.

Gumuho ang mundo ng kanilang buong lineup. Parang naupos na kandila ang kanilang mga kandidato dahil iyong inaasahan nilang katulong nila para sa pagsasaayos ng lungsod, hindi dumating.

Kaya naman pala, mula’t mula, iba ang plano ni pulitiko. Binilog niya ang kanyang mga ka-team na tatakbo siyang local exec. Pero ang totoo, mayroon na palang back door negotiations.

Ayon sa ating source, isinanla ni pulitiko ang kanyang kaluluwa sa impiyerno. Kaya naman pala hindi na tumuloy sa target na posisyon si pulitiko, ibinenta pala ang puwesto sa kabilang grupo.

Ang dinig natin, nagsimula sa P250 million ang negosasyon. Habang nagtatawaran, walang kaalam-alam ang kanyang ka-tandem na ginawa na palang talipapa ni pulitiko ang kanilang team.

Alam ni pulitiko na malaki ang kanilang laban kung tuloy ang tandem kaya iyon ang ginamit niyang leverage.

Alam iyon ng kabilang grupo kaya nga siya binibili. Ayon sa ating source, natapos ang bargain sa P200 million.

Pumayag si pulitiko na huwag nang kumandidato kapalit ng P200 milyon. Nang magtungo sa Comelec, ibang posisyona ng tinakbo, inabandona ang buong team niya.

Ang ending, biglang dumampot ng ibang katandem ang original niyang kapartner. Nag-iyakan ang buong team, hindi sila makapaniwalang hinudas sila ng pulitiko.

Ginamit lang sila mula’t mula dahil plano pala talagang pagkakitaan ang kanilang team.

Madaling makilala si hudas na pulitiko, isa ito sa angkan ng mga pulitiko sa lungsod na ang kultura talaga ay walanghiyain ang kanilang mga nasasakupan.

Modus talaga ni pulitiko ang pagkakitaan ang eleksiyon. At ito ang kanyang ultimong plano, ang kumita ng P200 milyon nang walang kahirap-hirap.

Ngayon, wala nang pumapansin kay pulitiko, parang tae na lang siyang dinadaan-daanan habang binabangaw!

Ang kapal mo!!!

allanpunglo@gmail.com