4,913 guests

Hubaran ng maskara ang NHA contractors!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 204

Hala bira!

MAS gusto kong marinig na magtakda ng deadline sina House Committee on Housing Chair Congressman Albee Benitez at Senator JV Ejercito para mahubaran ng maskara ang mga builder/contractor ng mga pabahay ng National Housing Authority.

Ang warning ng NHA para sa  AFP at PNP beneficiaries na okupahin ang 55,124 housing units hanggang June 2017 ay isang too little too late action para masagot ang mga tanong kung bakit umabot sa puntong nakatiwangwang ang mga ito nang mahabang panahon.

At ang matagal na pagpapabaya sa mga housing project na ito ang nagamit na dahilan para umatake ang agaw-bahay gang sa mga proyekto na ginastusan ng gobyerno ng daan-daang milyong piso.

Natumbok ni Benitez ang magandang tanong habang isinasagawa ang joint hearing ng Senado sa insidente ng illegal na pang-ookupa ng kadamay sa mga pabahay: bakit patuloy pa rin ang pagtatayo ng mga housing unit kahit dapat ay red flag na ang kawalan ng mga taker sa mga ito?

Hindi natin ipupukol ang tanong na ito sa kasalukuyang pamunuan ng NHA sa pangunguna ni General Manager Marcelino Escalada pero dapat ay panagutin ang sinumang opisyal na holdover capacity mula sa dating administrasyon.

Magandang puntusan ang sinabi ni NHA Architect Susan Nonato na kinonsulta nila ang AFP at PNP bago itinayo ang mga pabahay pero pinabulaanan na ito ng mga pulis at sundalo sa hearing.
   
Una, kung nagmamalasakit tayo sa ating mga pulis at sundalo na tumitiyak ng ating seguridad, bakit natin sila patitirahin sa 22 square-meters na bahay? Alam ba ng NHA na mas malaki lang sa bahay ng kalapati ang ganitong sukat?
   
Nagbigay sila ng deadline hanggang June 15, 2017 gayong magmula pa 2013 ay unoccupied na ang mga pabahay pero wala silang ginawang aksiyon. Hindi ba’t malaking kalokohan ito, Congressman Albee at Senador JV?
   
Kung hihimayin lamang natin ang tanong ni Congressman Benitez, punung-puno ito ng malisya na may malaking pakinabang sa bayan! Ang tingin ko sa mensahe ng disimuladong tanong ni Benitez ay ganito: sino bang mga gago at mga buwitre ang kumikita sa mga housing project na ito at bakit tayo lang kayo nang tayo ng bahay kahit walang gustong kumuha ng mga unit?
   
Ang lalim ng sense ’di ba?
   
Sino nga ba ang mga kontraktor ng mga pabahay na ito hindi lamang sa Bulacan bagkus ay sa buong bansa dahil sa tingin natin, iyon ang dapat busisiin ng Senado at Kongreso?
   
Importanteng malaman baka paikut-ikot lang ang mga kontraktor ng NHA kaya sige lang ang pagtatayo ng bahay kahit nilulumot na ang mga ito sa pagkakatiwangwang.
   
Paano ka namang hindi magdududa, 10% lang ang occupancy ng mahigit 60,000 housing pero parang tubig na umaagos ang dami ng pagawain ng NHA?
   
Gusto nating mabuklat sa publiko sa susunod na hearing ang pangalan ng mga kompanyang paborito ng NHA at sinu-sino ang mga incorporator ng mga ito.
   
Panahon na para maitama ang mga masamang sistemang pinairal ng mga nakaraang administrasyon sa NHA dahil nagsasayang tayo ng buwis ng bayan kung magiging white elephant ang mga proyekto na nabibiktima pa ng agaw-bahay gang!
   
At sana lang, maging permanente na sa lahat ng mga future housing project ng gobyerno ang kautusan ng Pangulong Duterte na at least 40 to 80 square-meters ang mga bahay na itatayo para hindi naman nagmumukhang miserable ang buhay ng mga mahihirap nating kababayang maililipat doon.

Kung gusto nating sagipin ang mga poorest of the poor, huwag naman natin silang itratong mga daga na isasalya na lang sa 22 square-meters na posibleng kasinlaki lang ng banyo ng bahay ng mga NHA official!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.