5,724

Housing project sa mahihirap, napunta raw sa may kaya?

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 362

On the beat

NANG itayo ang proyektong pabahay sa ilalim ng High Density Housing program ng Social Housing Finance Corporation sa Zamora Street, Barangay 99 sa Pasay City, nakakita ng liwanag ang informal settlers na naninirahan sa danger areas ng Tripa De Galina na pawang mga miyembro ng Corrinai Housing Cooperative.

Mismong sina Pasay City Mayor Antonino Calixto at Congresswoman Emy Calixto Rubiano pa nga ang nanguna sa groundbreaking ceremony noong taong 2014 para sa pagtatayo ng apat na palapag na housing project na may 122 units na ilalaan sa 109 informal settler families (ISFs) na naninirahan sa gilid ng Tripa de Galina river na pawang miyembro ng kooperatiba.

Pero lumalabas ngayon na tila marami ang nagrereklamong mahihirap na residente sa lugar dahil mula daw sa P40,000 na dating presyo ng kada unit, ibinebenta umano ito ngayon sa halagang P300,000 na tanging ang mga may kaya lang sa buhay ang puwedeng makabili kaya nawalan na ng saysay ang programa na nakalaan dapat daw sa mahihirap.

Sa reklamong natanggap ng On The Beat ng isang nakapagbayad na ng downpayment para sa kanyang titirahang unit, puwersahan daw silang pinaalis dahil hindi sila qualified pero natuklasan nila na ibinenta raw pala ng mas mahal ang unit.

Ganito rin daw ang karanasan ng ilan pang nakapagbayad ng downpayment na pinaalis din pero hindi na naibalik ang ibinigay nilang paunang bayad. Wala raw silang kalaban-laban dahil hindi naman nagbigay ng resibo  sa ibinayad nilang salapi, pati na ang mga siningil sa kanila na iba pang bayarin tulad ng kuryente at tubig at iba pang bayarin.
     
Dapat daw sigurong ipaliwanag nang mabuti ito ng coordinator na si Ponciano Belicario na isang dating pulis, pati na ang isang nagpapakilala umanong bodyguard ni Rep. Calixto-Rubiano na isang alyas Richard na nagmamatapang umano sa naturang lugar.
     
Hinihiling ngayon ng mga nadehadong ISFs na manghimasok na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil nasa ilalim naman nila ang programang pabahay para magkaalaman na kung talagang mga mahihirap na naninirahan sa danger zone ang umookupa sa mga unit o sa mga may kakayahan lang na magbayad ng malaki ito napunta.
     
Bukod dito, mawawalan daw ng saysay ang pangako nina Mayor Calixto at ang kapatid na si Rep. Rubiano na maiaalis na sa danger zone ang mga ISFs kung pati sila ay magsasawalang-kibo o hindi kikilos sa nangyayari ngayong sitwasyon sa housing project na ipinagmalaki pa naman noon ng pamahalaang lungsod.
 
REKLAMO PA SA POLICE CLEARANCE
    
Hindi lang pala sa maraming lungsod sa Metro Manila ginagawang gatasan ang mga kumukuha  ng police clearance dahil sa kaisa-isang bayan ng Pateros, ito rin ang inirereklamo ng mamamayan.
     
Sa ipinadalang reklamo sa pamamagitan ng email ng isang Maryrose, pilit daw ipinalalagay ang kanilang kinita sa pagkuha ng cedula dahil ibabatay daw dito kung magkano ang kanilang babayaran. Kahit daw ipaliwanag niya na maghahanap pa lang siya ng trabaho kaya kumukuha ng police clearance, ipinalalagay pilit kung magkano kita sa dating trabaho gayung ngayon pa lang siya maghahanap.
     
Mukhang hindi pa sapat ang kita ng mga service provider sa raket na ID card kaya pati puwersahang pagbili ng cedula ay ginawa nilang requirement para magkaroon ng bahagi sa kita ang lokal na pamahalaan.
    
Sana raw ay makarating na sa kaalaman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinaing ng mga naghahanap ng trabaho dahil hindi pa man sila kumikita ay ginagatasan na sila sa pagkuha pa lang ng police clearance.
     
FISHER FOLKS AWARD
     
Hindi dapat maliitin ang trabaho ng mga mangingisda dahil tulad ng mga magsasaka, sila ang dahilan kaya’t may nailalatag na ulam ang mamamayan sa hapag-kainan.
     
Dito nga sa Navotas City, 10 mangingisda ang tumanggap ng pagkilala sa lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Mayor John Rey Tiangco, Vice Mayor Clint Geronimo, mga konsehal at pinuno ng mga kagawaran kaugnay ng pagdiriwang ng ika-112th founding anniversary ng lungsod.
     
Kabilang sa mga tumanggap ng parangal sina Enrique Santiago, Gerardo Lopez, Vincent Beriño, Marlito Mongolina Eugenio Garranado, Israel Santing, Raymond Sabino,Leopoldo Ubarde, Nerissa Sabino at Alberto Sano na pawang mamamayan ng Navotas City.
     
Ayon kay Mayor Tiangco, naging batayan sa pagkakaloob ng parangal at tig-P5,000 ang hindi nila paglabag sa umiiral na batas kaugnay sa pangingisda, rehistrado bilang residente ng lungsod at napagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pangingisda.
     
Nakadagdag sa pagpapakulay ng okasyon ang karera ng bangka kung saan sumakay pa sina Mayor Tiangco at Vice Mayor Geronimo pati na ang paligsahan sa paghuli ng isda ng mga kababaihan gamit ang panansing.
     
Pinasalamatan naman ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng alkalde ang mga mangingisda na nagbibigay buhay at nagtataas ng antas ng kabuhayan sa lungsod.
 
Sa puna at reklamo, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0919-2425644