6,094

Hindi pa final ang dismissal ng drug case vs Espinosa, Co at Lim

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 355

HINDI pa final ang dismissal ng drug charges laban kina self-confessed drug-dealer Kerwin Espinosa,
convicted drug lord Peter Co at Cebu-based businessman Peter Lim. 

Ang kaso ng tatlo at iba pa, na violation on Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ay
ibinasura ng Department of Justice dahil di-umano sa kakulangan ng ebidensya.

Marami  ang nabigla sa pagbasura sa kaso, lalo na’t si Erwin ay umamin sa mga hearing sa
Senado na siya’y drug distributor at nagbigay ng milyun-milyong piso kay dating DoJ Secretary Leila
De Lima para sa kandidatura nito sa Senado.
    
Si Sen. De Lima ay nakakulong ngayon sa Camp Crame dahil sa testimonya ni Kerwin sa Senado
laban sa kanya. Ayon sa kanyang mga kapartido, dapat nang palayain si De Lima dahil nadismis na ang
kaso laban kay Erwin na nag-akusa sa kanya.     
    
Ayon sa mga dilawang kapartido ni De Lima, kung binasura ng DoJ ang bintang laban kay
Kerwin ay dapat na ring ibasura ang kaso laban kay De Lima.
    
Mali at hindi ayon sa proseso ng ating batas ang nasabing pananaw ng mga kaalyado ni De
Lima.  
    
Ang pagdismis ng kaso laban kay Espinosa, Co at Lim at mga kapwa nila respondent sa
nasabing kaso ay resulta ng Preliminary Investigation na ginawa ng DoJ.
    
Sa procedure ng DoJ, ano mang resulta ng preliminary investigation ay maaaring kwestiyunin
ng sinumang partido o panig na natalo o hindi napaboran ng resolusyon ng prosecutor na nag-
imbestiga nito.
    
Ang natalong panig, ang CIDG na nagsampa ng kaso o sina Espinosa, Co at Lim, kung ang
resolusyon ay laban sa kanila ay maaaring mag-file ng Motion for Reconsideration sa loob ng 15 araw
mula matanggap nila ang resolusyon upang ito’y mabago at mabaligtad pabor sa kanila.
    
Maaari ring mabago at mabaliktad ang nasabing resolusyon dahil si DoJ Sec. Vitaliano
Aguirre II ay maaaring magbuo ng bagong panel upang pag-aralan at tingnan upang ito’y pagtibayin o
mabago.
    
Ano mang resolusyon ng bagong panel ay maaari rin pagtibayin o baguhin ni Sec. Aguirre sa
pamamagitan ng kanyang power ng “automatic review.”
    
Ano man ang maging desisyon ni Sec. Aguirre sa nasabing kaso ay maaaring baguhin ni
Pangulong Duterte sapagka’t  siya ay may “power of supervision and control over all cabinet
secretaries” at maaari niyang i-review ang dismissal ng kaso.
    
Samakatuwid, hindi pa maaaring magsaya ang mga nabanggit na drug lord. Maaari pa ring
isampa ang kanilang nadismis na kaso at sila’y  makukulong, tulad ni Sen. De Lima, sapagkat ito’y
walang pyansa at ang parusa’y habambuhay na pagkabilanggo.

* * *
    
Sa kaso naman ni Sen. De Lima, ipagpalagay na ang nasabing kaso nina Erwin ay madismis,
hindi ito maaaring gamitin upang hingin sa Regional Trial Court ng Muntinlupa na dumidinig sa kaso,
na idismis ang kaso ng senadora.
    
Ang husgado ay separate branch ng government at hindi sakop ng Pangulo. Ito’y nasa ilalim
ng Korte Suprema.
    
Ano mang order o desisyon ng husgado tungkol sa kaso ay maaari lamang i-apela sa hukuman na
mas mataas rito, ang Court of Appeals o Korte Suprema.
    
At dahil sinabi na ng husgado na may “probable cause” o batayan ang kasong isinampa laban
kay Sen. De Lima, tanging ang husgado lamang ang makapagsasabi kung may sapat na ebidensya o wala
ang pamahalaan, upang ang senadora ay manatili o mapalaya sa kulungan.
    
At samantalang dinidinig ang kaso, dahil ito’y walang piyansa, ay dapat siyang manatili sa
kulungan at ang magde-desisyon rito ay tanging ang husgado lamang at wala ng iba.