Hiling ni Mayor Oreta, inisnab nga ba?

September 19, 2018

BAKIT kaya matamlay at walang tugon si Malabon police chief Sr. Supt. Harry Espela sa hiling ng kanilang alkaldeng si LenLen Oreta na bigyan ang kanilang tanggapan ng mga nagawa o accomplishments ng kapulisan?

Mismong ang dating kasama naming si Malabon Public Information Office (PIO) Head Bong Padua ang nagpadala ng kahilingan kay Sr. Supt Espela na bigyan ng ulat ang tanggapan ng alkalde sa mga magagandang nagawa ng kapulisan pero wala raw naging tugon ang hepe.

Napapaisip tuloy ang opisyal ng lokal na pamahalaan na baka walang accomplishment si Sr. Supt. Espela lalo’t hindi naman lingid sa kaalaman ng kapulisan at mga namumuno sa lokal na pamahalaan na bagong salta lamang siya sa Malabon nang pamunuan ang puwersa ng pulisya ng lungsod.

Pero hindi naman siguro sapat ito upang hindi na magtrabaho ng mahusay ang opisyal dahil kung tutuusin, dapat pa nga niyang ipakita bilang hamon sa kanyang kakayahan na kahit hindi siya lehitimong taga-Metro Manila ay kaya niyang pamunuan ng mahusay ang kapulisan ng lungsod tulad ng ginagawa nina Valenzuela police chief Sr. Supt. David Nicolas Poklay at Navotas police chief Sr. Supt. Brent Milan Madjaco.

Kabilang pa naman sana ang accomplishments ng kapulisan sa babanggitin ng alkalde sa pagdiriwang ng kanyang ika-47 taong kaarawan na bagama’t tumapat ng araw ng Linggo, Setyembre 16, ay ginanap ang selebrasyon noong Lunes sa Malabon Amphitheater

Bagama’t hindi naman ugali ni Mayor Oreta na ipagyabang ang kanyang mga nagawa sa lungsod, may mga pagkakataon naman na dapat mabatid ng kanyang mga kababayan ang mga kabutihan dulot ng kanyang pamumuno, pati na siyempre ang accomplishments ng lokal na kapulisan.

Kung tutuusin kasi, kahit hindi na pumasok pa sa pulitika ang pangalawa sa apat na anak ng pilantropo at negosyanteng si Antolin Oreta Jr., at dating Senator Tessie Aquino Oreta, naabot na rin naman ni Mayor LenLen ang rurok ng tagumpay bilang opisyal ng mga banyaga at malalaking kompanya sa ibang bansa.

Pero dahil na rin sa kahilingan ng mga mamamayan ng Malabon na umaasang maipagpapatuloy ng kanilang pamilya ang tapat at maayos na paglilingkod, mas pinili pa ng alkalde na pasukin ang larangan ng pulitika kahit batid niyang maaaring dungisan ng kanilang mga kalaban sa pulitika ang kanyang malinis na pangalan.

Balik tayo kay Sr. Supt. Espela, sana raw ay mapagtuunan ng pansin ni Northern Police District (NPD) acting district director Chief Supt. Gregorio Lim ang accomplishments ng kapulisan sa Malabon kung mayroon man. Ito naman ay kung walang ibang “pinagkaka-abalahan” ang NPD director lalo na’t ilang buwan na lamang siyang manunungkulan dahil sa nalalapit na pagreretiro.

Fishnets Mapalad ang may 287 mga rehistradong mangingisdang Navoteño dahil maaga silang nakatanggap ng Pamasko matapos silang regaluhan nina Cong. Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco ng 200-metrong lambat angkop sa wastong pangingisda.

Pinuri ni Mayor Tiangco ang mga rehistradong mangingisda ng lungsod na tumanggap ng lambat na aniya ay responsable at sumusunod sa umiiral na batas para mapanatilling balanse ang ekolohiya ng karagatan

Nauna rito, namigay ang alkalde at kongresista ng isang dosenang 25-foot fiberglass boat sa 24 na mahihirap na mangingisdang Navoteño, pati na mga lambat sa 116 na mag-aalimasag.

Bukod dito, maaari na ring mag-apply ng scholarship para sa isa nilang anak ang hihiranging Top Ten Outstanding Fisherfolk batay na rin sa executive order na bubuo ng Ulirang Pamilyang Mangingisda Scholarship.

Sa panig naman ni Cong. Toby, hinikayat niya ang mga benepisyaryo na himukin ang ibang mga mangingisdang Navoteño na magparehistro para makinabang rin sila sa mga programa ng lungsod lalo na’t katuwang na ng kanyang tanggapan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para magsagawa ng one-stop shop registration ng mga mangingisda.
Text ng readers.

May bayad na po ang dalaw, P200 sa jail ng Sangandaan, Caloocan PNP pati yung stricker sa motor clean rider, text ng isang reader na taga-Caloocan City.

Illegal parking naman sa Oroquieta at Felix Huertas ang reklamo ng isang taga-Sta. Cruz, Manila habang patuloy ang pangongotong daw ng mga tauhan ng MTPB sa kanto ng Jose Abad Santos at Tecson ang puna ng isang motorista.

Ang hindi matapos-tapos na pagkukumpuni naman ng simbahan ng Nuestra Sra. Del Perpetuo Socorro Parish sa Sampaloc ang reklamo ng isang parishioner dahil lagi raw wala ang kanilang kura-parokong si Fr. Jerome Secillano.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.