4,676 guests

High speed internet sa 2019!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 366

On the beat

MAY dahilan para kabahan ngayon ang mga internet provider sa bansa. Ngunit may dahilan din para magsaya ang taumbayan, ngayon pa lang!

Pinasinayaan kamakailan ng Department of Information and Communications Technology (DICT), Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Faceboook ang paggawa ng Luzon Bypass Corridor na magkakaroon ng dalawang cable landing stations na magpapalakas at magpapabilis sa internet sa ating bansa.

Gagastusan ito ng pamahalaan sa halagang P900 million  mula sa 2018 national budget ng DICT.

Mangunguna rito ang nasabing ahensiya sa pakikipagtulungan mismo ng Facebook at siyempre ang metikulosong konstruksyon at instolasyon na gagawin ng BCDA.

Ayon kay BCDA President Vince Dizon, asahan ang pagbilis ng internet sa bansa sa darating na taong 2019 na mapakikinabangan, hindi lamang ng milyong Pinoy netizens, kundi pati na rin ng mga tanggapan ng gobyerno, pribadong sektor at kahit maliliit na barangay.
    
Ayon kay Dizon, aabot sa two terabytes per second o two million kilobytes per second ang magiging bilis ng internet sa Pilipinas sakaling matapos ang naturang proyekto.
    
Sa kasalukuyan, kulelat ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalakas na internet sa buong mundo. Kahit sa buong Asya, kung saan katatapos lamang gawin sa atin ang 31st Asean Summit, pang-anim ang Pilipinas sa may pinakamabilis na internet.
    
Nangunguna sa may mabilis na internet sa Asean region ang bansang Singapore na may 46.64 mbps, pangalawa ang Malaysia 14.17 mbps. Cambodia, 12.15 mbps; Thailand, 9.40 mbps; at Indonesia, 9.02 mbps.
    
Wala pa rito ang record ng Hong Kong na may 54.1 mbps. South Korea na may 48.8 mbps, gayundin ang Japan na may 42.2 mbps.
    
Ang Pilipinas ay mayroon lamang 8.24 mbps ngayon.
    
Ani Dizon, sakaling matapos ang proyekto, mararamdaman ang malaking pagbabago sa susunod na dalawang taon dahil magiging kasingbilis na ng internet sa buong Pilipinas ang dinaranas na ‘high speed internet’ ngayon sa Singapore, Japan at South Korea.
    
Sa pamamagitan ng BCDA, balak ng Facebook na maglagay ng submarine cable system na magduruktong sa mga landing stations sa Pilipinas sa iba pang internet hub sa east at west coast.
    
Sinabi ni Nico Reirich, Facebook Network Investment sourcing manager, nais nilang magkaroon ng isang global network infrastructure.
    
Tatawagin ang proyektong ito na Strategic Engagement and Collaboration to Undertake a Reliable and Efficient Government Internet (SECURE GovNet).
    
Ang nasabing proyekto ay pagtalima ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pangako sa taumbayan na pabibilisin ang internet sa buong bansa bilang bahagi ng tinatawag na ‘change is coming’.
    
Ang maganda rito, hindi lamang mararamdaman ang bilis ng internet kundi wala rin masyadong  singilin sa paggamit nito dahil ang iba ay libre pa basta nasa tanggapan ng pamahalaan.
    
Nilagdaan ng Pangulong Duterte ang RA 10920 kamakailan  na magbibigay ng libreng internet access sa national at local government offices, eskuwelahan, pampublikong hospital, lahat ng health centers; mga pampublikong pasyalan, paliparan, daungan sa pantalan at maging sa mga bus terminal.
    
“These projects, as well as other connectivity projects of DICT and other line agencies of the government and LGUs will flourish in the long term now that we have access to the international gateway at low costs,” ani DICT Officer in Charge Undersecretary Eliseo Rio.
    
Ngayon pa lang ay excited na ang ating mga kababayan sa gagawing ito ng grupo nina Rio at Dizon.
    
Ngayon pa lang, ipinaabot na natin ang pagbati at pagpupugay sa dalawang magaling na mama, gayundin sa pamunuan ng Facebook!
    
Sana 2019 na para tingnan natin ngayon ang yabang ng PLDT, Smart, Sun at Globe telecoms!