Harry Roque, tagapagtanggol ng mga api

October 07, 2018

NAPUNTA kay Presidential Spokesperson Harry Roque ang atensyon ng buong bayan, nitong mga araw na ito.

Alam na ng karamihan na nais ni Atty. Roque na kumandidato para sa Senado sa darating na 2019 elections. Subalit, may mga biglang dumating na tila hadlang sa kanyang mga plano.

Batid ng mga malalapit kay Atty. Roque na hangarin niya na maging senador upang maisulong at maipasabatas ang kanyang inakdang Universal Health Care Bill noong siya ay nasa Kongreso pa. Ang bill na ito ang magbibigay ng libreng medical assistance sa lahat ng mamamayan.

Mula konsultasyon, hanggang pagbili ng gamot at pagbayad sa ospital, lahat ay libre na kapag naipasa na ang health care bill ni Atty. Roque.

Sabi nga ni Atty. Roque,  Malaking bagay lalo na para sa mga mahirap na kababayan natin ang libreng medical consultation, gamot at pang-ospital. At para  sa isang developing country tulad ng ating bansa, mahalaga ang kalusugan, lalo na sa ating mga kababayang kapos palad.

Dyan kasi nanggagaling ang ating work force, ang mga trabahador natin. Kahit pa ang pinakamahirap na Pilipino, kapag ito ay walang problema sa kalusugan, makakagalaw ito at makapagtatrabaho para kumita. Makatutulong sa pamilya nila at makaaambag sa income ng bansa.

Ngunit tila may mga pangyayaring sumasagabal sa mga plano ni Atty. Roque. Una na rito ang sariling plano ng Presidente. Balitang may planong itatalaga si Atty. Roque bilang pinuno o Secretary ng sariling departamento.

Balita kasing bubuwagin na ang Presidential Communications Office at sa halip nito, ibabalik ang Office of the Press Secretary, na ibibigay kay Atty. Roque.

Ani Roque, “Wala pa kaming napag-usapan ng Presidente tungkol diyan.

“Sa ngayon, tuloy ang plano kong mag-file ng aking kandidatura. Marami akong gustong isulong na batas na makakapag-angat sa kabuhayan ng mga kababayan natin. Maagang minulat ng aking mga magulang ang aking isipan sa kalagayan ng mga mahihirap na kababayan natin.

“Bilin nila, na balang araw, pag may pagkakataon, gawin ko ang makakaya ko para sa mga kapus-palad sa atin.

“Pinalaki ako ng aking mga magulang na may buong paniwala  na ‘ I can make a difference,’ kaya maaga akong nagkaraon ng mga adhikain sa  buhay.”

Bata pa ako, naging  idealistic na ako. Nangarap na akong  marami akong matulungan sa atin, lalo na ang mga aping Pilipino.”

Kaya pala ganyan na lang ang naging takbo ng buhay ng abugadong si Harry Roque.

Naging matulungin sa mahihirap àt libre pang ibinigay ang kanyang serbisyo. Sumikat pa nga ang ilan sa mga kasong hinawakan niya.

Ipinaglaban niya ang mga tinaguriang comfort women ng bansa para makakuha ng tamang kompensasyon sa gobyerno ng Japan. Tinutukan niya ang pag-prosecute sa mgà Ampatuan, na suspect sa pag-massacre ng maraming tao kasama na ang mga taga Media (Libreng serbisyo din ito).

Ipinakulong din niya ang isang banyagang pumatay kay Jennifer Laude, sa Olongapo City.
Kung kaya naman si Atty. Harry Roque ay nabansagang “Human Rights defender” ng mahihirap na Pilipino. Ilang ulit na niyang pinatunayan ito.

At dahil sa reputasyong ito, sa unang sabak pa lang ni Atty. Harry sa politika bilang party-list candidate, nanalo agad ito kahit kapos sa campaign funds.

Sabi ni Atty. Harry Roque, “Marami pa akong gustong isulong para sa ating mga kababayan. Pangako ko ‘yan sa aking mga magulang - ang tulungan ang mga kapus-palad sa atin.
Sa Senado, magagawa ko ‘yan.

Ngunit kailangang makapulong ko  muna ang Presidente.

Kung ano man ang plano  niya para sa akin, kailangan pag-ukulan ko rin ng masusing pag-aaral.”
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawagbo mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)