5,795 guests

Hangad ni Imee ang tigil-putukan sa Pasko

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 190

HILING ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa pamahalaan na magkaroon ng tigil-putukan sa bansa sa
darating na  Disyembre 24 at 25 kahit ibinasura na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-uusap sa
pagitan ng pamahalaan at ng komunistang sekta ni Jose Ma. Sison para magkaroon ng pangmatagalang
pangkapayapaan sa bansa.

Maganda, napapanahon, at makabuluhan ang kahilingan ni Imee lalo pa’t ang layunin ng future
senator  ay huwag maipit ang mga ordinaryong tao sa pakikipaglaban ng Armed Forces of the Philippines
at Philippine National Police sa New People’s Army, ang armadong yunit ng Communist Party of the
Philippines habang ipinagdiriwang ang Pasko sa iba’t ibang panig ng bansa.
    
Magandang magdeklara ang ating gobyerno ng paghinto sa paghahabol sa kalat-kalat na puwersa ng
NPA, sapagkat pagbibigay galang ito ng pamahalaan sa   pagdiriwang ng mga Pilipino sa kapanganakan ni
HesuKristo.
    
Bilang bansang Katolika, tayo ay lubos na kumikilala sa mga aral ng Katolisismo, kabilang ang
Disyembre 25 bilang araw ng kapanganakan ni HesuKristo.
    
Kaya, kinakatigan natin ang panawagan ng kaibigan nating gobernadora at lider ng mga Ilokano
dahil talagang  nararapat lang na magdeklara ang administrasyong Duterte ng tigil-putukan sa bisperas
ng Pasko at mismong Pasko tulad ng hangad ni Imee Marcos.
    
Huwag nang intindihin ng administrasyong Duterte kung hindi magdedeklara ang pamunuan ng CPP
ng sarili nitong tigil-putukan para hindi na muna  maglunsad ng mga pag-atake sa mga armadong puwersa
ng pamahalaan ang NPA sa loob ng dalawang araw.
    
Basta, ang malinaw sa ating lahat ay nagbigay-daan at nagbigay-galang ang administrasyong
Duterte sa katahimikang hangad ng mamamayang Filipino habang ipinagdiriwang ang kapanganakan ni
HesuKristo.
    
Ang boss ng armadong rebelde na lamang ang bahalang mag-explain sa mamamayang Filipino kung
bakit ayaw nitong huminto sa paghahabol sa mga sundalo at pulis, kahit dalawang araw man lamang bilang
paggalang sa  sagradong kahulugan ng kapanganakan ng ating Panginoon.
    
Ang mahalaga ay ang pagbibigay-galang ng pangulo sa kagustuhan ng mga Filipino na ipagdiwang
ang Pasko nang masaya, maluwalhati, at walang nagaganap na barilan sa kapwa Filipino.
    
Kaya, napakahusay at napakamakatao ang panawagan ni Imee Marcos sa Pangulo, sapagkat ang nasa
isip ni Imee, ang pinuno ng mga Ilokano ay ang mga Filipino na naghahangad ng masaya at matiwasay na
pagdiriwang ng kapanganakan ni HesuKristo.     
    
Mas mainam kung susugan ng iba pang opisyal ng mga pamahalaang lokal itong panawagan ni Imee
sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte upang lalong lumakas ang panawagang bumalik muna ang
sundalo at pulis sa kani-kanilang kampo at dalawang araw na huwag makipagsagupaan sa mga armadong
komunista na simula pa noong 1969 inumpisahan ang armadoong pakikibaka para itayo ang gobyernong
sosyalista.  
    
ATTY. JAY C. DE CASTRO Founder, Magkaisa Para sa Bayan, Inc. (MPB) Email:
This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. Website: magkaisaparasabayan.com Facebook: fb.com/magkaisaparasabayan
Contact No.: 0915-7799-777.
    
Please visit our website magkaisaparasabayan.com and like our Facebook page Magkaisa Para sa
Bayan, Inc. and ask your family and friends to do the same.