Gusto nyong pumalit kay Pres. Duterte? Neknek nyo!

October 29, 2018

HINDI pa rin nila mahatak pababa si Pangulong Duterte.

Lahat ng isyu, lahat ng panlalait, pati na kitchen sink ay ibinato na nila kay Digong pero bigo pa rin silang madurog ito.

Katunayan, iyong ibang taga-UP na walang magawa sa buhay at inilagay pa ang picture ng Pangulo sa mga urinal para lang lapastanganin ang liderato at pagkatao nito.

Kunsabagay, marami naman talaga ang salaula at kilos mal-educado dyan. Ginamit na lang nilang palusot ang pagdikit ng mukha ni Duterte sa mga urinal para ma-justify ang kanilang pagiging baboy.

Sa laki ng UP campus sa Diliman, Quezon City, buwenas ka nang makatagpo ng malinis na banyo dahil nga marami sa kanila ay mga matatalinong walang modo sa paggamit ng toilet.

Kaya nga nandidiri ako sa ibang taga-UP na sumisigaw sa kalsada ng pagbabago at paglilinis ng bansa gayong ang kubeta nila ay parang nakalutang na poso negro.

Hoy, pag-aralan nyo munang maglinis ng inyong mga banyo bago kayo pumormang tagapagligtas ng bayan!

Bukod sa mukha ni Digong sa ihian, ginawa na ring bangaw ng mga militanteng grupo si Duterte at sinusunog ang mga effigy sa tuwing magra-rally. Sila rin iyong mga sumisigaw ng pagbabago at paglilinis ng bayan pero sundan mo sila sa kanilang mga activity area, makikita mong mas baboy pa sila sa bangaw sa karumihan.

At huwag nating kalilimutan, silang mga militanteng grupo rin ang nagsusulat sa mga malilinis na pader at poste gamit ang mga spray paints. Hindi pa sila nasiyahan sa mga plakard at bandera na dala nila kaya kailangang lahat ng kanilang daanan ay pinturahan.

Yan ba ang mga taong gustong pabagsakin si Duterte para sila ang mamuno?

Punta naman tayo sa mga taga-oposisyon, lalo na si VP Leni na hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw kung siya nga ang totoong nanalo. Sabihin nyo nga kung tama ang dadayo ka pa sa ibang bansa para siraan ang sariling bansa?

Naglunsad na sila ng “kasiraan caravan” para lang wasakin si Duterte at huwag magtagumpay sa kanyang mga gustong mangyari sa bayan pero sa bandang huli, bigo pa rin sila.

Sa pinakahuling survey, +62% pa  rin ang trust rating ng Pangulo. Ibig sabihin, dumadagundong na tiwala ang ibinibigay ng publiko sa kanyang liderato. Majority rin ng mga kababayan natin ang nagsasabing nasa tamang direksiyon ang bansa sa ilalim ng Duterte administration sa kabila ng matinding propaganda ng “iskolar ng bayan”, ng militanteng grupo at ng Leni Robredo gang.

Alam ko ang iniisip ng mga taong patuloy na nagbibigay ng kompiyansa at nagtitiwala sa Pangulong Duterte. Sabi nila, kung kayo din lang ang mamumuno sa amin, neknek nyo!

Nang magsabog ng kapabayaan at pagkainutil sa mundo, nasapo nyong lahat kaya manahimik nga kayo dyan.
 allanpunglo@gmail.com