6,252 guests

Goodluck Foreign Affairs Sec. Cayetano

  • Written by Mario Fetalino Jr.
  • Published in Opinion
  • Read: 264

WALA pang limang minuto ay inaprubahan agad ng Commission on Appointments (CA) si Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Foreign Affairs secretary ng bansa.

Si Alan na yata ang nakapagtala sa kasaysayan ng CA hearing na hindi man lang uminit ang puwet sa ‘hot seat’ ng makapangyarihang komite.
    
Tradisyon sa CA ang pagbibigay kortesiya sa sinumang kapwa miyembro ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso na ma-appoint sa Executive Branch.
    
Kaya kahit karapatan ni DSWD Sec. Judy Taguiwalo na maghimutok kamakalawa dahil hindi siya naisalang sa CA, wala itong karapatang kuwestiyunin kung anumang kortesiya ang ibinigay kay Cayetano.
    
Bilang ‘nominee’ sa CA, obligado siyang sundin ang anumang panuntunan at batayan ng komite at hindi dapat siya mag-iinarte dahil kahit sa budget hearing, nangyayari ang pag-postpone sa pagdinig.
 
Balik tayo kay Alan.
 
Magkahalo ang emosyon sa Senado nitong Miyerkules.
    
Iyong ibang empleyado ay nalulungkot dahil hindi na nila makakasama si Cayetano.
    
Ngunit mas marami ang natutuwa sa panibagong yugto ng karera ni Cayetano bilang public servant ng bansa.
    
Matagal na kami magkakilala ni Cayetano.  Bago pa man natin siya makober sa unang pagtakbo sa Senado noong taong 2007 ay nagkasalubong na ang aming landas noong batang konsehal siya sa Taguig na nakitaan natin ng angking talino, galing at tapang.
    
Dala na rin siguro sa halos magkaka-edad kami kaya madali kaming magkapalagayan ng loob.
    
Normal din sa bawat magkaibigan ang tampuhan kaya kahit minsan ay nagkakaroon kami nito. Pero labas dito ang aming trabaho -- siya bilang isang mambabatas, at ako bilang isang hamak na mamamahayag lamang.
    
Nang marinig natin ang ‘appointment’ ni Cayetano, isa ako sa natuwa kasi sa wakas ay tinupad din ng Pangulong Duterte ang naunang plano sa kanya para maging Foreign Affairs secretary.
    
Alam kong kayang-kayang gawin ni Alan ang tungkulin bilang ‘alter ego’ ng Pangulo sa ugnayang panlabas ng bansa.
    
Sa gitna ng problema ngayon hinggil sa patuloy na pag-angkin ng bansang Tsina sa Spratly Islands at South China Sea, alam nating magdedesisyon nang tama at naaayon sa kapakanan ng bansa ang gagawing pakikipagrelasyon nito sa gobyerno ng China.
    
Nandiyan din ang problema ng ating kababayang Overseas Filipino Workers (OFWs) na kahit tungkulin at trabaho ito ng DOLE at OWWA, hindi maaaring hindi magkaroon ng papel ang tanggapan ng DFA.
    
At siyempre, ’wag nating kalimutan ang kahalagahan ng papel ng isang DFA secretary para maipakita sa iba’t ibang bansa kung gaano katatag ang ating ekonomiya at pulitika ngayon na elemento para makahikayat ng dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas.
    
Kung dati, si Cayetano ang unang lumaban sa ZTE-Scandal at ‘lagayan’ sa loob ng Palasyo ng Malakanyang, si Alan naman ngayon ang lalaban sa kapakanan ng ating kababayan -- ugnayang panlabas man ito ng bansa o hindi.
    
Kunsabagay, noon pa man ay madiplomasyang tao na si Cayetano.
 
Kaya nga kahit binangga nito noon ang dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, ang asawang si dating First Gentleman Mike Arroyo; dating Senate President Juan Ponce Enrile; Vice-President Jejomar Binay at pati si Senator Antonio Trillanes, hindi ito namersonal kundi idinaan niya sa tamang perspektibo ang kanyang ipinaglalaban na sa tingin niya ay tama.
    
Panibagong hamon ito sa buhay ngayon ni Cayetano.
    
At nasisiguro kong  kayang-kaya niyang gawin ito dahil sa lahat yata ng mga mambabatas na nakilala ko, si Cayetano ang bago pa man mag-umpisa ang gagawin sa bawat araw ay nagdarasal ito sa Panginoon. Saksi ako rito dahil kahit ako, nadadamay nang wala sa oras sa tuwing magdasal ito bago magtrabaho.
    
Mula sa aking pamilya, Goodluck sa ’yong bagong trabaho, Mr. Sec. Alan Peter Cayetano!