6,001

Global warning at traffic worsening

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 251

'Uncovered'

ALAM na nating lahat kung ano ang global warming. Ito ang paglala at pabagu-bagong klima ng panahon na likha ng hindi maiwasang polusyon sa buong mundo.

Dati nga, wala pang naniniwala sa global warming. Ang tingin ng ilang kritiko ay likha lang daw ito ng maruruming pag-iisip ng mga enviromentalist.

Pero iba na po ngayon, ramdam na ng karamihan ang patuloy na pag-iiba ng klima ng panahon.

Kahit ang mayayamang bansa ay hindi ligtas sa ‘global warming.’ Napapansin din nila ngayon ang mga kakaibang klima na hindi nararanasan ng kanilang bayan.

Dito sa atin sa ‘Pinas, alam na natin kung ano ang La Nina at El Nino phenomenon. Sa inisyal na pagtaya, kung anong tindi ng init ang ating nararanasan tuwing panahon ng tag-init ay ganoong lakas ng ulan naman ang nararanasan tuwing tag-ulan.

Mas malala pa dahil kahit ang mga nararanasang lakas ng bagyo na sumasalanta sa ating bansa ay palakas din nang palakas. Halimbawa na rito ang bagyong Ondoy at Yolanda.

Salamat at mayroon nang social media at makabagong kagamitan ang PAG-ASA para maipaliwanag sa atin ang pang-araw-araw na taya ng panahon.

Salamat din at bukas na rin ang kamalayan at kaisipan ng ating mga kababayan kung ano ibig sabihin ng habagat, kung saan tatama ang bagyo at kung papaano tayo dapat maghanda sa tuwing may susuunging kalamidad.

Tulad ng global warming, ramdam din nating lahat ang ‘traffic worsening’ o labis na paglala ng daloy ng trapiko sa ating mga pangunahing lansangan.

May bagyo, habagat man o wala, peste na kung ituring ang problema ng trapiko sa bansa.

Isa sa itinuturong sanhi ay ang labis na pagdami ng mga sasakyan sa kalsada. Ang mabigat, habang dumarami ang ‘volume’ ng mga sasakyan, naging mahina naman ang ‘urban planning’ ng mga nakalipas na administrasyon.

Hindi na-anticipate ng mga dating namamahala sa pamahalaan na kailangan habang may inobasyon sa teknolohiya at pag-unlad ng bansa, pinalaki na rin sana noon pa ang ating mga pangunahing lansangan.

Mas pinagkakaabalahan kasi ng mga buwaya sa pamahalaan kung paano kumita sa ilan pang proyekto sa gobyerno.

Idagdag pa rito ang ‘poor traffic management’ at kawalan ng ‘political will’ upang maipatupad ng tama ang ating mga batas trapiko. Labas pa riyan ang matinding korapsiyon mula sa ‘lagayan’ sa terminal at kolorum na bus, UV Express at kahit mga illegal terminal na sinasabayan pa ng illegal vendors.

Isama rin natin ang illegal parking sa ating mga side street na ang mismong kumukunsinti rito ay mga opisyales ng barangay.

Pabor tayo sa panukalang kung walang garahe, hindi na dapat pa silang payagan na makabili ng bago o segunda manong sasakyan. Ipatupad na rin agad ang pag-phase out sa mga lumang sasakyan.

Tulad ng global warming, maraming dapat silipin sa traffic worsening. Una na rito ang disiplina sa ating mga sarili. Ikalawa ay kawalan ng pangil para parusahan ang mga barangay official na nagpapalala sa trapiko sa kanilang lugar -- at baha sa ating mga barangay.

Kaakibat dapat ng responsibilidad ng bawat barangay officials ang kakaharaping parusa sakaling magpabaya sa pangangalaga na mula sa kanila. Mula paglilinis sa estero, maayos na pagtatapon ng basura, tamang paradahan ng sasakyan at pag-alis sa mga nakahambalang sa kanilang kalsada, partikular na ang mga basketball court, pagtatayo ng tents, at pagbara sa ating mga bangketa.

Hindi ko rin malaman kung bakit hanggang ngayon magtatatlong taon na ay hindi pa rin naibibigay ang ‘emergency powers’ sa Malakanyang para sugpuin ang malalang daloy ng trapiko.

Salamat at positibo tayo sa magiging resulta ng ‘Build, Build, Build projects’ ng Duterte administration. Pero sana pag-ibayuhin din ang ating mass transport system at kamay na bakal sa mga sumusuway sa batas para lamang masugpo ang problema sa basura, polusyon at kahit trapiko.

Naniniwala kasi tayong habang lumalaon, lalo lamang lumalala ang problema sa global warming, gayundin ang pagiging malahalimaw na ‘traffic worsening’ at ito ay nangangailangan ng isang pangmatagalang solusyon sa lalong madaling panahon.