Ginawang pulutan sina Jinggoy, Bong at JPE

October 22, 2018

PINUPULUTAN na naman ng mga naglalasing-lasingan sina former senators Jinggoy Estrada, Ramon Bong Revilla at Juan Ponce Enrile.

Iyon tipong para kang nanonood sa inuman na walang ibang mapag-usapan kung hindi iyong tatlong ipinakulong ni Noynoy dahil sa pulitika.

Iyong isa, tutungga ng kanyang tagay, iyong isa naman tutusok ng pulutang squid balls at iyong isa naman, magsisilindro ng buto ng adobong kambing, tapos sabay-sabay magtatawanan na parang wala nang bukas.

At ang kanilang pinapapak on the side ay iyong tatlong nahaharap sa kasong plunder.

Ako, personally, kapag nagsimula na ang labu-labong kuwentuhan sa inuman, doon na ako nagba-vanishing act. Szammm, mawawala na lang akong parang “uwihi”, kunwaring iiihi pero deretso nang pauwi.

Ganyan ang nangyayari ngayon, iyong mga nasa social media at iyong mga nagpapanggap na eksperto ay kinukuwestiyon at kinokondena ang pagtakbo nila Jinggoy, Bong at JPE ay parang mga nag-iinuman lang.

Para sa kanila, plunder ang kaso kaya walang karapatang tumakbo. Pahiram nga ng linya ni Atty Gadon: bawal ang bobo!

Si Jalosjos may kasong rape, nakatakbo, si Trillanes may kasong rebelyon at kudeta, nakatakbo, si Ninoy Aquino, noong kumandidato ay may kasong rebelyon at subersiyon.

May ice cream ba sa ulo sina Jalosjos, Trillanes at Ninoy kaya special ang pagtrato sa kanila? Hindi po, ang dahilan, sinasabi ng batas na ang sinumang kinasuhan, kahit pa ito ay capital offense katulad ng kinakaharap nila Jalosjos, Trillanes at Ninoy ay puwede pa ring kumandidato hangga’t walang final conviction.

Kapag sinabing final conviction, lower court ba o Sandiganbayan ang tinutukoy dito? Aba’y hindi po, ang sinasabing final conviction ay ang hatol ng Korte Suprema kaya sila ang tinatawag na final arbiter.

Ibig sabihin, ipagpalagy natin na-convict sina Jalosjos, Trillanes, Ninoy, Jinggoy, Bong at JPE ng korte or ng Sandiganbayan, tapos na ba ang kaso?

Hindi pa rin po dahil una, may motion for reconsideration na puwedeng ihain sa mismong korte na naghatol. Mula sa court of origin, halimbawang sinabing final na ang ruling, puwede kang umakyat sa Court of Appeals.

Hoy mga tanggero, hindi pa rin tapos yan, kapag ibinasura ng appelate court at kinatigan ang desisyon ng “mother court”, puwede ka pang umakyat sa Korte Suprema. At kapag kinatigan ulit ng SC as the highest tribunal at court of last resort ang ruling ng lower court, may another 15 days ka ulit para umapela sa Mataas na Hukuman.

Until maglabas ng final judgment ang SC, doon pa lang magsisimula ang effectivity bilang convicted. Ergo, doon ka na bawal kumandidato or bumoto dahil inaalis lahat ang iyong tinatawag na civil at political rights.

Ngayon balikan natin sina Jinggoy, Bong at JPE, nagkaroon na ba ng pinal na hatol sa kanilang kinakaharap na kaso? Wala pa po.

Ibig sabihin, iyong mga kumokontra sa kanilang kandidatura ay posibleng kulang sa kaalaman sa prosesong legal or may bahid sila ng pulitika o may mantsa ng anumang kulay na walang mabuting nagawa sa bayan.

Puwede rin namang kaya tinatarget ng kanilang hate campaign sina Jinggoy, Bong at JPE ay dahil iyong mga kandidato nila ay wala sa winning circle.

Ngayon, doon naman sa nagmamarunong kung bakit daw ang aplikante sa pagka-janitor ay hinahanapan pa ng NBI clearance samantalang iyong 3 dating senador ay hindi, ang sagot ay nasa harap mo lang tanga!

Iyong aplikante ng janitor ay HR deparment of may ari lang ng kompanya ang magdedesisyon kung tatanggapin siya o hindi at bahagi iyon ng company policy.

Iyong 3 na sinasabi nyong may kaso ay 42 milyon ang employers na magdedesisyon kung tatanggapin ba sila ulit sa inaaplayan nilang pagkasenador. Huwag mong pahirapan ang sarili mo sa pagbibigay ng mga maling katwiran, kung hindi mo sila type, e di huwag mo silang iboto! Huwag ka na lang din magpakalat ng walang sustansiyang opinion dahil nakakahiya sa nakamasid na marunong.

Pero katulad ng kompanya na nakasulat ang policy, ganoon din sa ating republika, walang nakasulat na bawal kumandidato ang may kaso.

So paano? Alam mo na ngayon, ayain mo na ulit iyong mga kainuman mo na matulog para mahimasmasan at pagkagising ay magkaroon ng konting laman ang inyong nabasyong lalagyan ng utak.

Aral-aral din kapag may time.

Alak pa!!!

allanpunglo@gmail.com