4,380 guests

Ginagasgas si Pasay City Mayor Calixto!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 242

'Uncovered'

NAGSAGAWA ng sidewalk clearing operations ang grupo ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim sa may Edsa-Tramo-Roxas Boulevard.

Malinaw at paulit-ulit ang mensahe ng opisyal. Matagal nang bawal ang  sidewalk vendors dahil ilan sila sa sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.

Harinawa’y hindi ito maging ningas kugon sa pamunuan ng MMDA chair dahil nasisiguro kong sa mga susunod na araw ay balik na naman ang mga vendor sa bangketa.

Simple lang sana ang ganitong uri ng problema kung mismong local government ay pursigido ring linisin ang kanilang mga bangketa.

Kung may political will lamang ang isang alkalde, kayang-kaya nilang kumpasan ang bawat barangay officials na nakasasakop sa mga masisikip na kalsada -- hindi lang sa mga vendor sa bangketa kundi pati na rin ang mga illegal terminal ng jeep, bus, pedicab at marami pang iba.

Ang pinasadahan ng MMDA operation kahapon ay sakop po ni Pasay City Mayor Tony Calixto.

Sana lang, magkaroon ng inisyatiba ang mabuting alkalde para patunayang anumang oras, kahit kailan, kahit saan at kahit ano pang pamamaraan, nakahanda silang makipagtulungan sa Duterte administration upang malasap nang tuluyan ang inaasahan ng taumbayan na ‘change is coming!’

* * *
    
Speaking of Pasay.
    
Napatay kamakailan si Councilor Borbie Rivera na makailang ulit ding pinagtangkaan ang buhay.
    
Alam sa buong Pasay at Makati City na ‘droga’ ang isa sa tinitignang dahilan kung bakit pinatay ang pangulo ng Association of Barangay Council.
    
Pangit man sabihin at alam kong magdaramdam ang mga nagmamahal sa namayapang Borbie, marami ang naniniwala na ang konsehal ang itinuturing na ‘big time drug lord’ sa lungsod.
    
Kahit papaano ay nabawasan na raw ang droga sa Pasay simula nang mapatay si Borbie, gayundin ang kaibigan nitong si Chief Insp. Irwin Eco, na pinaslang din ng riding-in-tandem.
    
Pero ngayong wala na si Borbie, isang nagngangalang Christian naman ang naghaharing uri ngayon sa lungsod. Hindi lang sa illegal na droga, kundi pati raw sa illegal gambling.
    
Si Christian, para sa kaalaman ng kaibigan nating si NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, Chief Supt. Tomas Apolinario ng Southern Police District (SPD) at Sr. Supt. Diony Bartolome na hepe ng Pasay City Police Station, ang may hawak daw ngayon ng bookies ng lotteng, EZ2 at bookies ng karera ng kabayo.
    
Dating tao ng nasirang Borbie si Christian na siyang naghahasik ng lagim ngayon sa lungsod.
    
Para maniwala kayong talamak ang illegal gambling sa Pasay City, narito po ang puwesto ng lotteng at EZ2 ni Christian, gayundin ang kanyang mga kabo:
    
1. Roger -- Palengke, Motorpool.
    
2. Ruben -- Harrison, katabi ng Salud Street.
    
3. Aling Che -- sa likod ng Motorpool.
    
4. Romy -- Facundo Street.
    
5. Cesar -- Sto. Niño, Taft.
    
6. Ronald -- Tramo, Post Office.
    
7. Dennis -- Villamor Airbase.
    
8. Joan -- Merville.
    
9. Jing -- Maricaban.
    
10. Steve -- Cartimar.
    
11. Rollie, Ely at Totoy -- Pildera.
    
Sa bookies ng karera ng kabayo naman ay kakutsaba ng kumag na si Christian si Nestor at ang kanilang puwesto ay ang sumusunod:
    
1. Maginhawa Street.
    
2. Tengco Street.
    
3. P. Dandan Street.
    
4. Sun Valley.
    
5. Leveriza, malapit sa Gil Puyat.
    
6. Villareal Street.
    
7. Maricaban Street.
    
8. Cuenca Street.
    
9. Inocencio Street.
    
10. Silva Street.
    
11. M. dela Cruz.
    
12. Alvarez Street.
    
Bukod kay Nestor, tao ni Christian si Monmon at Buboy. Alam ito ng mga pulis na si Tony T. at Bebet Pogi.
    
Eto ang catch, Mayor Tony Calixto.
    
Ipinagmamalaki po ni Christian na hindi raw puwedeng galawin ng NCRPO, SPD, Pasay City police at maging ng inyong City Hall Detachment ang pasugalan ng loku-lokong ito dahil regular daw ang ibinibigay niyang P100,000 sa inyo bilang weekly tara o P.4 million daw po kada-buwan.
    
Alam kong hindi totoo ang pagyayabang na ito ni Christian.
    
Kaya sana, bago pa magasgas nang tuluyan ang inyong pangalan, kayo na po mismo ang magpaaresto kay Christian na ang balita ko ay kamag-anak daw ng isang city councilor na posible pang magamit bilang black propaganda sa inyong pamilya sa susunod na halalan.
    
Pati nga si Pasay City Vice-Mayor Boyet del Rosario at dating Pasay City commander Sr. Supt. Lawrence Coop ay ginagamit din sa kayabangan ni Christian. Dahil laos na raw si Col. Coop sa Pasay, kay Col. Bartolome na raw siya ngayon nakadikit.
    
Kumag ’di ba, mga kuya?
    
Mayor Calixto, sir. Hindi na po pinagtatagal ang ganitong uri ng detalye. Dapat ipahuli si Christian at ipasara nang tuluyan ang kanyang illegal na hanapbuhay.