Gallery of legacy sa Senado!

PAPASINAYAAN ngayon ang ‘Gallery of Legacy’ ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Isa itong ‘exhibit’ ng larawan at biography ng ating mga senador.

Kauna-unahan ito sa kasaysayan ng Senado dahil dati, mga larawan lamang ng senador ang makikita sa ‘hallway’ (tapat ng Locsin room) ng ikalawang palapag ng Senate building.

Pero ngayon, kakaiba ito at elegante ang dating.

“The gallery is a mixed media artistic interpretation of the photo portraits of the 23 current senators and is our way of recognizing the senators’ contributions to the country. We also want to raise awareness of the pivotal role lawmakers play in our history,” ani Raymond Corro, director ng Public Relations and Information Bureau (PRIB).

Kalakip sa magagandang larawan ng mga senador  ang kanilang munting biography, mga major accomplishment at mga naipasang ‘landmark measure’

Bahagi ang nasabing programa sa selebrasyon ng 102nd anniversary ng Senado ngayong buwan ng Oktubre.

Bukod sa gallery, may ‘life size’ na mural ang mga senador na pawang miyembro ng 17th Congress.

Noong nakalipas na Martes, pinasinayaan din ang portrait ni Senate President Tito Sotto sa loob ng Senate Museum na nasa ikaapat na palapag ng gusali ng Senado.

Tradisyunal sa Mataas na Kapulungan ang paglalagay ng portrait sa bawat Senate President sa loob ng museum.

Si Tito Sen ay ika-23 Senate President ng Pilipinas.

Ibang-iba ang Senate leadership ngayon. Paghudyat ng alas-3 ng hapon, umpisa agad ang sesyon sa plenaryo mula Lunes hanggang Miyerkules.

Hindi katulad noon, madalas, inaabot pa ng alas-4 ng hapon bago mag-umpisa ang sesyon.

Bago nagkaroon ng ‘holloween break’ noong nagdaang Miyerkules, naipasa ng Senado ang Universal Health Care Act, itinaas ang pensiyon ng mga beterano at marami pang iba.

Bago nito, humirit pa ang 17th Congress nang magpadala sila ng sulat kay Pangulong Duterte upang ipagpaliban ang implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law (TRAIN) -- hindi lamang sa taong 2019 kundi hanggang taong 2020.

Ang kabuuang 1,674 na empleyado ng Senado ay masayang -masaya rin ngayon.

Nang maging SP kasi si Tito Sen, dalawang beses tinaasan ang kanilang mga allowance sa grocery at transportasyon.

Nangyari iyan sa loob lamang ng limang buwan dahil May 21 lamang naging SP si Tito Sen.

Ang PRIB na dating lalamya-lamya ay aktibo na ngayon. Lumabas ang sipag, galing ni Mr. Corro bilang director.

Salamat din siyempre sa bagong komposisyon ng PRIB na pinangunahan ng mga dating mediamen at kasamahan natin sa Senate media.

Sila ay walang iba kundi sina Mike Caber ng Manila Standard; Angie Rosales ng The Daily Tribune; Jeff Antiporda ng The Manila Times at JP Lopez ng Malaya na hindi matawaran ang kanilang galing at kakayahan.

Siyempre, bigyan na rin natin ng komendasyon ang kasipagan ni Director Norie Mercado.

Sa sobrang ‘workaholic’ ng mama, kukulangin ang espasyo natin sa pagbigkas ng kanyang mga accomplishment sa Senado.