6,056 guests

‘Fixer’ sa City Hall, kinukunsinti?

  • Written by Paul M. Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 257

BAGO ang lahat, pagbati muna sa mga bagong opisyales ng Bulacan Press Club sa pangunguna ni kasamang
Erick Silverio na nakatakdang isumpa, err, manumpa, hehehe, sa kani-kanilang mga katungkulan ngayong
araw.

Isa ang BPC sa ‘affiliated media organizations’ ng National Press Club (NPC) sa ating mga
lalawigan at “matibay” na taga-suporta ng ‘Press Freedom Party’ sa ating mga programa para sa media.
Kaya naman, sa ganitong mahalagang okasyon, hindi puwedeng hindi natin sila pupuntahan at susuportahan!

Mabuhay kayo, mga “kapatid” at harinawang patuloy na bigkisin ng matibay na pagkakaisa at
pagmamahalan ang inyong hanay. Mabuhay ang NPC, mabuhay ang Bulacan Press Club!

* * *   

Papunta tayo noong Biyernes sa Manila City Hall upang dumalo sa pagpapasinaya (blessing) ng
bagong tanggapan ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) nang makasalubong natin sa “bungad” ng city
hall itong si Goma de Guzman, ang masipag na empleyado na naka-assign sa MPD Press Corps.
    
Halatang “magulo” ang takbo ng utak nitong “bata” natin, MPDPC prexy, Mer Layson, dahil ang
siste pala, may “tinutulungan” siyang isang kapwa kapus-palad na dalawang linggo na ngayong nakakulong
matapos hulihin ng mga “istriktong” operatiba ng MPD Station 9.

Ano ba ang kaso at nagdesisyon ang mga pulis-Maynila d’yan sa Station 9 na “tuluyan” itong
pobreng si Julius Madumba, tanong mo ba, MPD director, Jigs Coronel sir?
    
Kung tama ang bersyon nitong si Goma, ang ‘violation’ pala nitong si Julius ay… ‘driving
without license!’ Yes, DD Coronel, hindi nagnakaw, pumatay o sabit sa iligal na droga itong si Julius.
“Nagmaneho” lang siya ng ‘tricycle’ na wala palang lisensiya.
    
At susmariosep naman pala ngayon sa Maynila, hindi ba, mga kabayan?
    
Mahuli kang nagmamaneho nang walang lisensiya, ikukulong ka?! Ganito na ba “kaistrikto” ngayon
ang batas natin sa trapiko, LTO assistant secretary Edgar Galvante sir?
    
At nasaan sa insidenteng ito, si MTPB chief, Dennis Alcoreza?
    
Posible kaya, kasamang Non Alquitran na “abala” ang utak sa itinatayo niyang bagong diyaryo
para lalo pang makasipsip, err, higit pang maging malapit kay Mayor Erap?
    
Kaya siguro walang panahon ngayon para “sagipin” ang mga mahihirap na residente ng lungsod na
nabibiktima naman ng mga “walang pusong” kasapi ng Manila’s Finest? Ano sa tingin mo, hehehe!
    
Balikan natin ang “hinagpis” ni Goma.
    
In fairness kay Supt. Jackson Tuliao, ang hepe ngayon ng “MASA” (Manila City Hall & Special
Assignment), “tiniyak” niya sa atin na agad reresolbahin ang naging problema nitong si Goma at pamilya
nitong si Julius hinggil dito kay ‘Auring D’ Fixer.’
    
Ayon kasi kay  Goma, “itinakbo” (estafa) nitong si Auring ang P4,000 na dapat ay pampiyansa
nitong si Julius na may 3 anak (pawang maliliit) pa.
    
Isa palang “piyansadora” itong si Auring d’yan sa City Hall bagaman hindi naman umano empleyado
ng ano mang insurance o bonding company subalit palaging ‘fixture’ d’yan sa City Hall ni Mayor Erap.
Kung ganito, eh, ‘fixer’ nga ang aleng ito!
    
Sa katangahan, err, “kalituhan” naman nitong si Goma at pamilya ni Julius, nagkamali silang
ipagkatiwala -- two weeks ago pa -- dito kay Auring ang P4,000 na pampiyansa subalit ang nangyari,
malinaw pa sa sikat ng araw, “nasunog” ang kuwarta!
    
Ang kanya namang palusot, agh, paliwanag? “Ibinalik daw niya ang pera kay Goma, ganern?!
    
In fairness ulit kay Supt. Jackson Tuliao, naniniwala tayong “kabisado” niya ang kanyang
trabaho d’yan sa MASA dahil sa aming pag-uusap, lumalabas na kilala naman pala niya itong si Auring D’
Fixer.
    
At hindi malayong lahat ng ‘fixer’ sa city hall, kilala din niya pero kung bakit hindi niya
hinuhuli eh, siya lang ang puwedeng sumagot n’yan, tama ba, MCHPC prexy, Doris Franche Borja at Mayor
Erap?
    
Eh, “tiniyak” pa nga sa atin ni Col. Jackson na siya na ang “bahala” kaya iniwan ko na sa MASA
si Goma kasama ang asawa nitong si Julius at sabi ko pa nga sa sarili ko, “okay din pala itong si Col.
Jackson, mabuhay ka!”
    
‘All is well that ends well,’ ba ang nangyari, mga kabayan?
    
Hindi, dahil itong si Auring, pulos “OPM” lang din pala! ’Yun bang… ‘Oh, Promise Me!’ dahil
matapos umano silang mag-usap nitong sina Goma sa MASA at “mangako” na siya na ang “bahala,” eto, Mayor
Erap, at dear readers, hindi na umano mahagilap itong si Auring D’ Fixer, huhuhu!
    
Translation? “Nagtatago” na ang ale kaya ang resulta, nakakulong pa rin itong si Julius
hanggang ngayon sa kasong “napakabigat” sa “talaan” ng MPD, mga kabayan -- driving without license.
     
Kay Col. Jackson at Auring D’ Fixer, bukas ang pitak na ito sa inyong paliwanag, hane?
    
Pero mga bosing, baka naman puwedeng magawan ninyo ng paraan na makalabas at makauwi na ng
bahay itong si Julius Madumba? Kailangan siya ng kanyang pamilya.
 
Dangan kasi, habang nakakulong ’yan, aba’y nakakahiya naman kay Mayor Erap at sa reputasyon ng
MPD, sa totoo lang!
    
At panawagan sa CHR, baka gusto ninyong silipin ang insidenteng ito? Just asking.