5,535 guests

Faeldon, magpapasko sa Senado?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 312

NAKAKULONG pa rin hanggang ngayon sa ‘detention room’ ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso si dating
Bureau of Customs (BoC) Commissioner Nick Faeldon.

Katabing kuwarto nito sa ground floor ng Senate building si Arvin Balag ng Aegis Juris
Fraternity dahil kapwa sila ipina-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee ni Senador Dick Gordon at
Committee on Public Order and Dangerous Drugs ni Senador Panfilo Lacson.
    
Si Faeldon ay kusang nagpakulong sa Senado noong Setyembre 11 nang tumangging magsalita
hinggil sa P6.4 billion shabu na nakapasok sa bansa sa gitna ng giyera ng Duterte administration laban
sa ipinagbabawal na gamot.
    
Si Balag naman ay ipinakulong dahil sa hindi nito pagsasabi ng totoo patungkol sa Horacion
‘Atio’ Castillo III fraternity hazing noong Setyembre 17.
    
Humingi na ng paumanhin sa Senado si Balag, ngunit umapila pa sa korte ang abogado nito kaya
sa halip na pakawalan ng komite ni Lacson, tuloy ang pagkaka-detain nito sa Senado.
    
Kung susumahin, 92 araw nang nakakulong si Faeldon ngayon.
    
Sakaling sumapit ang Araw ng Pasko, pang 116-araw na niyang pagkakakulong iyon sa Senado.

Mayabang si Faeldon. Siguro dahil sanay itong makulong.
    
Alam naman nating lahat na nakulong na rin ito dati at nakatakas pa bunsod sa bigong kudeta
nila ng dating BFF sa Magdalo Group na si Senator Sonny Trillanes.
    
Minsan natatawa na lang tayo sa tuwing pinipintasan ni President Duterte si Trillanes na
pinag-aral ng pamahalaan, pero lumalaban sa lipunan, gayung pareho naman sila nang naging sitwasyon
noon ni Faeldon.
    
Ayaw kong pangunahan ang desisyon ng ating mga senador kung anuman ang kasasapitan nina
Faeldon at Santos ngayong araw ng Pasko.

Baka kasi dumating ang araw ay bigla na lang silang magdesisyon na pakawalan ito alang-alang
na rin sa dakilang okasyon.
    
Sana lang, sa ilang araw nilang pamamalagi sa detention cell ng Senado ay nakapagmuni-muni
sila nang husto kung paano ba talaga maging isang mabuting mamamayan.

* * *
    
Napag-usapan na rin lang natin si Faeldon. Gusto ko na rin bigyang-daan itong report na
dumating sa inyong lingkod.
    
May mga intriga kasing umiikot ngayon sa bagong pamunuan ni BoC Commissioner Sid Lapeña dahil
sa umano’y patuloy na korapsiyon sa pantalan.
    
Bago tayo pag-isipan na may malisya ang ating artikulo, gusto kong linawin na sa anumang oras
at araw ay puwedeng magbigay ng kanilang panig ang mga taong mababanggit natin ngayon.
    
Gusto lang naman talaga natin malaman kung bakit ‘Fairy Godmother’ ang tawag ngayon kay Deputy
Commissioner Gladys Rosales?
    
Dapat ay magpaliwanag din ang tinaguriang Big 3 ngayon sa BoC na sina Atty. Jacqueline de
Guzman, Melvin Estoque at Noel Prudente.
    
Si Atty. Jacqueline ang OIC-director ngayon ng Administration Division. Diumano, ito rin ang
nagpapatanggal sa mga taong sagabal sa kanilang operasyon.
    
Itong si Estoque naman na OIC ng Accreditation Monitoring Office (AMO) ang nagdedesisyon umano
kung anu-anong kargamento ang iipitin o papalabasin agad.
    
Ayon sa sumbong, sa tamang halaga, kayang palabasin ni Estoque ang isang kargamento sa loob
lamang ng isa hanggang tatlong oras, samantalang ang hindi umano maglalagay ay ‘uupuan’ lamang  ang
mga ito o isasalang sa ‘regular processing.’
    
Ang troubleshooter at umano’y bagman naman ay si Manny Bobadilla at isang alyas Atty. Meng.
    
Samantalang si Prudente ay ‘kilang-kilala’ na ng lahat na gumagawa rin umano ng pera sa
pamamagitan ng tara.
    
At bago tayo mademanda ng libel, muli, binibigyang-diin po natin na anumang oras at araw ay
nakahanda tayong pakinggan at ilabas ang kanilang panig.
    
Sana lang, hindi totoo ang bintang sa kanila dahil kung totoo ang mga nasabing akusasyon,
sobra namang kapal ng kanilang mga mukha!