6,188

Examiner sa NAIA, sabit sa ismagling ng alahas

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 189

WALANG sinisino si Customs Commissioner Isidro S. Lapeña pagdating sa ismagling at iba pang kalokohan.

Ito ang dahilan kung bakit isa-isa nang nawawala sa eksena ang mga “rotten egg” sa Bureau of Customs (BoC).

Alam ni Sir Sid na mahirap mawala sa gobyerno ang mga salot sa lipunan.

Kailangan dumaan sa due process ang mga naliligaw ng landas.

Nandiyan pa ang security of tenure.

Pero determinado si Lapeña na linisin ang hanay ng mga opisyal at kawani ng ahensya.

Ngayon nga ay baka matanggal pa sa serbisyo ang isang customs examiner dahil umano sa pakikipagsabwatan sa dalawang pasahero galing ng Dubai.

Sinabi ni Lapeña na ang couple na sina Abraham at Bang-sa Mimbalawag ay nagtangkang magpasok sa bansa ng mga alahas na nagkakahalaga ng P3 milyon.

Ayon kay Lapeña, ang dalawang pasahero ay dumating sa NAIA Terminal 3 noong Mayo 5.

Sinabi pa ni Lapeña na isa pang examiner ang nakakita kay Macabando na inabutan ng isang itim na bag ng isa sa dalawang pasahero bago sila makarating sa customs area.

Dali-dali daw umalis sa lugar si Macabando.

Sa tulong ng mga security guard at pulis ay natunton at nakumbinsing bumalik sa lugar si Macabando kasama ang dalawang pasahero.

Inamin ng dalawang pasahero na sa kanila ang bag.

Nang buksan ang bag ay nakitang naglalaman ito ng mga alahas.

Kabilang sa mga alahas ay 24 na singsing, 1,029 na hikaw at 155 pendants.

Kinabukasan ay dinala ang tatlo sa Pasay City Prosecutor’s Office for inquest proceedings.

Kaagad namang nakapaghain ng piyansa ang tatlo. Inaasahang tuluy-tuloy ang internal cleansing sa Aduana. Mahalagang mawala sa Aduana ang mga “bugok na itlog” alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Marami ang umaasa na kayang-kaya ni Lapeña na linisin ang Aduana.

* * *

Kagaya ng obserbasyon ng marami, hindi dapat masakripisyo ang mga programa ng gobyerno dahil lang sa pulitika.

Marami ang nangangamba na baka walang gawin ang mga halal na opisyal ng gobyerno kundi mangampanya na lang.

Ngayon pa lang kasi ay abala na ang marami sa pagbuo ng kani-kanilang tiket para sa 2019 eleksyon.

Sa Oktubre na magsisimula ang paghahain ng Certificate of Candidacy (CoC) ng mga kakandidato sa Mayo 2019.

Ayon na rin sa naglabasang mga balita, nito ngang nakaraang Barangay at SK elections ay maraming politiko at lokal na opisyal ang lihim na tumulong sa mga kandidato.

Pero hindi dapat madiskaril ang mga proyekto ng gobyerno dahil lang sa darating na halalan.

Sa mga nakaupo ngayong halal na opisyal, obligado kayong magsilbi sa bayan hanggang June 30, 2019.

Mabuti pang mag-resign na lang kayo kung puro pulitika rin na lang ang gagawin niyo.

Binabayaran kayo ni Juan dela Cruz para magsilbi sa taumbayan.

Tama ba kami, Pangulong Duterte?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. lang ang buong pangalan at tirahan.)