Eksperto na dapat tayo sa bagyo

September 19, 2018

HANGGA’T marami tayong mga kababayan ang matigas ang ulo, mahirap makamit ang zero casualties sa tuwing may kalamidad.

Sino ba namang opisyal ang mag-aasam na magkaroon ng biktima ang mga unos na dumaraan sa ating bansa? Si Father Noel Gatchalian lang naman ang taong naghahangad na magkasakit at mamatay ang kanyang kapwa!

Itong katatapos na Ompong ang isa sa mga bagyong dumating sa ating bansa na parang superstar. Buong isang linggo ay si Ompong ang laman ng mga balita, maya’t-maya ay ipinapaliwanag ng mga awtoridad ang peligro kapag siya’y nag-landfall.

Parang Mr. Universe na ipinarada ng mga weather specialist sa local man o international news ang peligrong dala ni Ompong kaya imposibleng hindi ito makarating sa lahat ng sulok ng ating bansa.

Mas mataas pa ang paghahahanda ng gobyerno sa Ompong kung ikukumpara sa Yolanda at Ondoy. Sa tindi ng mga nangyaring trahedya dahil sa Ondoy at Yolanda, hindi mo iisiping may mangangahas pa ring magmatigas na ayaw lumikas.

Binabanggit ng mga awtoridad sa Itogon, Benguet na inabisuhan ang lahat na umalis sa mga danger zone, nagtangka pa rin sila na magkaroon ng force evacuation pero may mga residente pa raw ang nanlalaban at talagang ayaw umalis sa kanilang mga tahanan. Pati iyong mga nasa barracks ng mga minahan ay ayaw ding umalis dahil ang katwiran nila, kongkreto naman daw iyon.

Alam nating hindi na dapat magkaroon ng sisihan dahil sa trahedya pero kailangan nating talakayin ito para sa  future calamities na darating pa sa ating bansa. Tayo ay may average 19 hanggang 21 typhoon sa loob ng isang taon kaya dapat sanay na tayo kung paano ito harapin.

Sa bilang na yan, hindi bumababa sa tatlo hanggang lima ang super typhoon na karaniwang dumarating mula September hanggang December. Sa tindi ng practice natin sa kalamidad, dapat ay eksperto na tayo sa paghahanda, lalo na iyong nasa shorelines, mountain areas, riverbanks at sa  forested areas.

Maging ang mga nasa metropolis ay hindi rin nagiging ligtas sa trahedya sa tuwing may kalamidad dahil nga mas maraming structures ang urban areas gaya ng billboards,  signal towers, mga yero at mas marami ang slum areas.

Puwede naman sanang naiwasan ang trahedya sa Itogon kung nakinig lamang ang lahat sa malawak na babala ng parating na panganib. Bagama’t masasabing maganda at agresibo ang preparasyon ng local at national government, hindi pa rin tayo nagtagumpay na wala sanang nasawi si Ompong.

Umaasa tayong hindi masasayang ang nangyaring trahedya sa Itogon. Nakikiramay po kami sa pamilya ng mga biktima at sana lang ay magamit ito ng ating mga kababayan bilang aral sa mga kalamidad pang darating sa atin.

allanpunglo@gmail.com