Drug lords, pulitiko, pulis, nasa likod ng ambush sa PDEA agents?

DALAWANG nakakadismaya at nakapanlulumong balita ang lumabas nitong mga nakalipas na araw tungkol sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.

Una, nitong nakaraang linggo, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na ang mga sangkot sa smuggling ng P6.8 billion shabu sa Bureau of Customs (BoC) nitong July 2018 ay mga opisyal ng PDEA, PNP at BoC.

Ang di-umano’y sangkot sa smuggling ng nasabing halaga ng shabu ay sina dismissed PNP Senior Superintendent Eduardo Acierte, PDEA-National Capital Region (NCR) Deputy Director-General for administration, Ismael Fajardo at resigned BoC intelligence officer Jimmy Guban.

Sinabi ni Aquino na may apat pang pulis na kakutsaba ng tatlo sa pagpuslit ng shabu sa bansa.

Ikalawa, kahapon ay sinabi ni Aquino, na mga drug lord, pulitiko at pulis ang nasa likod ng ambush at pagpatay sa limang ahente ng PDEA nitong Oktubre 5, 2018 sa Kapai, Lanao del Sur.

Ang limang ahente ng PDEA, na mga bayani sa giyera ng gobyerno laban sa droga ay sina Kenneth Tabulo, Kristine May Torlao, Joy Amar,  Binzo Dipolla and Diobel Pacinio. Sila’y namatay on the spot dahil sa maraming tama ng matataas na kalibre ng baril.

Ayon kay Aquino, ang lima ay galing sa pakikipag-pulong sa mga dating drug addict sa bayan ng Tagoloan nang sila’y ambusin sa kahabaan ng highway sa Barangay Malna, Kapai.

Ang Tagoloan at Kapai ay mga liblib na bayan sa Lanao del Sur, kung saan na-neutralized ng PDEA at PNP-Region 12 ang mahigit isang dosenang sindikato ng droga rito.

Sinabi ni Aquino na ang ambush ay posibleng ganti ng mga drug lord sa mainit na kampanya ng PDEA sa kalakalan ng droga sa dalawang bayan.

Aniya, maaaring may kinalaman sa ambush ang mga pulis ng nasabing bayan dahil nagboluntaryo silang eskortan ang PDEA agents pabalik sa Marawi, subali’t pagdating sa liblib na lugar ng highway ay umarangkada ang una at iniwan ang ini-eskortang van ng PDEA.

Sinabi ng mga escort na pulis na hindi nila binalikan ang sasakyan ng PDEA nang magkaputukan, dahil “short firearms” lang ang dala nila.

Ayon naman sa dalawang nakaligtas, iniwan sila ng kanilang police escort nang walang  koordinasyon.

Sinabi ni Aquino na  kilala na nila ang dalawang drug rings na nasa likod ng ambush at mayroon silang “persons of interest” na mga pulitiko.

Kaugnay nito, inutos ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra  sa NBI na imbestigahan ang insidente na aniya ay isang “act of cowardice.”

“I have instructed Director Gierran to investigate the killing of five PDEA agents in Lanao del Sur and identify the people responsible for this act of cowardice against our anti-narcotics agents,” sabi ng kalihim.

Nakalulungkot at nakababahala ang nangyayari sa bansa tungkol sa talamak na problema natin sa droga.

May pag-asa pa bang malutas ito, kung mismong opisyal ng PDEA, PNP at BoC ang nagmamando sa pagpasok ng bilyun-bilyong shabu sa BoC? Kung ang pumapatay sa mga bayani ng PDEA ay mga drug lord, mga pulitiko at tulisang pulis?

Ginagawa ni Pangulong Duterte ang lahat para masugpo ang salot na droga sa bansa.

Ako’y naniniwala sa kanyang liderato at katapatan ng mga opisyal na tumutulong sa kanya sa pangunguna ni DoJ Secretary Menardo Guevarra, PNP Director-General Oscar Albayalde at PDEA Director-General Aaron Aquino, para masiguro ang kaligtasan ng ating kabataan sa nakamamatay na droga.

Subali’t ano mang gawin nila para wasakin ang mga sindikato ng droga na kinabibilangan ng mga pulitiko sa bansa ay mabibigo, kung tayong mamamayan ay mananatiling tagapagmasid lang sa kampanya ng Pangulo laban sa droga.

Kailangan nating makiisa sa kampanya ng pamahalaan kontra droga sa pamamagitan ng pagbibigay alam sa mga taong nangangalakal ng droga sa ating barangay,  na magagawa sa mga paraang hindi natin ikapapahamak.

Makipagtulungan tayo sa pamahalaan para sa kaligtasan ng ating mga anak at kabataan.