5,787 guests

Disposable lang ba ang mga batang mahihirap para sa Sanofi at Aquino gov’t?

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 151

SAAN humugot ng kapal ng mukha ang Sanofi para sabihin sa mukha natin na walang dapat ipag-alala ang
mga nanay sa side effect ng Dengvaxia na kanilang isinuplay sa Aquino government sa mga huling buwan
ng kanilang administrasyon?

At sinasabi nilang wala pang recorded na namatay sa bakunang ito kahit mismong si Dr. Tony
Leachon at ang congressman ng Bataan ang nagkukumpirma na apat na bata na ang nabiktima nito.
    
Sa kanilang press conference, pilit na pinagagaan ng Sanofi ang negatibong epekto ng kanilang
bakuna. Lalagnatin lamang daw ng ilang araw, mamumula ang buong katawan at magkakapasa kapag nabunggo.
    
Bakit, hindi ba alam ng Sanofi na nakamamatay din ang sobrang taas ng lagnat ng bata? Alam ba
nilang kombulsiyon at tumitirik ang mata ng mga bata kapag sumobra ang taas ng lagnat ng pasyente,
lalo na ang mga nasa edad ng limang taon pababa?
    
Huwag na kayong magpalusot tulad ng mga opisyal ng nakaraang administrasyon! Ang bottom line
issue rito, ginawa ng Sanofi at ng Aquino administration na eksperimento ang 700,000 batang Pilipino
ilang buwan bago matapos ang kanilang termino noong 2016.
    
Maraming dapat sagutin ang riding in tandem ng Sanofi at Aquino government dahil lumilitaw na
minadali ang pagkakabili ng isang milyong vials ng Dengvaxia kahit hindi pa natatapos ang clinical
trials nito.
    
Una, wala ito sa expenditure program ng DoH sa 2016 General Appropriations Act, so saan sila
kumuha ng pondo? DAP na naman ba ito? Pangalawa, karaniwan, umaabot sa isang taon ang proseso ng
publication, pre-qualifications, bidding at post qualifications ng mga kompanyang sasali. Idagdag mo
pa ang freight/delivery time para makarating dito ang supply.
    
Pero sa pagkakataong ito, sobrang bilis, December 2, 2015 nasa France si Noynoy kamiting ang
mga taga-Sanofi, December 23, approved na ang kontrata, February 2016 completed na delivery at March
2016, tinurok na sa mga Grade 4 pupils sa buong bansa. Kidlat sa bilis!
    
Ang tanong, itinurok n’yo ba ang bakuna kay Bimby? Nakapasok ba ang bakunang ’yan sa mga
subdivision tulad ng Dasma, Forbes sa Makati? Tinurok n’yo rin ba ’yan sa mga estudyante ng La Salle
at Ateneo?
    
Wala kayong kayang biktimahin kung hindi ang mga kababayan nating dukha at ang mga batang
nag-aaral sa public schools. Ano ba ang akala n’yo sa mga mamamayang mahihirap, disposable na kahit
anong oras ay puwedeng gawing eksperimento?
    
Ang masakit na katotohanan dito, tinanggihan nga ng Singapore at iba pang bansa sa Asya ang
bakuna na ito dahil sa kawalan ng clearance mula sa World Health Organization pero tayo, sa tulong ng
tambalang Aquino at Garin ay pumayag na maging guinea pigs ang ating mga kababayan.
    
Hindi dapat palagpasin ng Duterte administration ang kabulastugang ito, kailangan silang
managot sa kalapastanganan sa bayan na paulit-ulit ginawa ng Aquino government.
    
Sa pagkakataong ito, higit pa sa plunder ang kaso dahil attempted genocide ang kanilang ginawa
na pinakamatinding kasalanan ng isang gobyerno sa kanyang mamamayan.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.