Diskusyon sa rebisyon ng Lupang Hinirang

September 23, 2018

TAMA ang linya ng mga broadcaster na sina Arnold Clavio, Ali Sotto at Joel Reyes Zobel ng GMA 7-DZBB.

Walang dapat pag-awayan sa planong pagbabago sa huling istansa ng ating pambansang awit na Lupang Hinirang, base na rin sa panukala ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto.

Tumpak ang kanilang argumento na dapat pataasin ang kamalayan sa ‘debate’ hinggil sa nasabing panukala.

Hindi dapat tayo magsiraan, mag-away at mag-insultuhan dahil walang dahilan upang magkasakitan tayo ng damdamin sa isa’t isa.

‘Ika ‘nga, gawin nating matalino ang diskusyon!

Kinakatigan ko ang sinabi ni Ms. Ali Sotto na totoong marami pang mabibigat na problema ang bansa na dapat nating pagtuunang pansin.

Pero, ayon kay Ms. Ali, makabuluhan ding pag-usapan ito lalo’t may saysay ang nais ni Tito Sen na palitan na ang huling istansa sa ating pambansang awit.

Sa halip na ang nakalagay na titik ay: “Ang mamamatay nang dahil sa’yo,’ ang gusto ng ‘ex-bayaw’ ni Ms. Ali ay palitan ito ng istansa na: “Ang ipaglaban ang kalayaan mo!”

Ikinanta pa ito ni Tito Sen sa harap ng Senate media upang marinig ang nais niyang bersiyon na mangyari sa ating pambansang awit.

Sa talakayan ng tatlong respetadong broadcasters, kanila ring ipino-promote ang rendisyon ng makabayang mang-aawit na si Joey Ayala.

Sa pamamagitan ng ‘Youtube’ sa social media, ipinaliwanag ng multi-awarded singer/composer na gusto niyang ibahagi ang sarili niyang bersiyon sa Lupang Hinirang upang maitama ang mga maling nakita niya mula sa pronounciation o pagbigkas sa bawat letra at pati na rin ang paggamit sa salitang “Ang mamamatay ng dahil sa’yo” na parehong-pareho sa nais mangyari ng ating Senate President.

Dahil si Tito Sen ang sangkot, umani na naman ito ng kabi-kabilang reaksiyon sa ating  netizens na para sa kanila, wala nang ginawang tama ang tinatawag nilang ‘jurassic senator.’

Eto ‘yung netizens na hindi nagbigay ng magandang komento kay Tito Sen noong “perfect attendance” ito sa Senado; nang magpa-drug test sila nina Senador Gregorio ‘’Gringo’’ Honasan.

Basta ang sa kanila, hindi nila gusto si Sotto kaya kahit anong gawin nito, mega-nega na ang agad ang kanilang reaksiyon at tugon.

Kung ako ang tatanungin, kung may mga tao mang masasabi nating ‘awtoridad’ sa mundo ng pagkanta, pag-awit at musika, higit na dapat pakinggan dito ang pananaw na katulad nina Joey Ayala, Tito Sen at Ali Sotto na isa ring mang-aawit.  

Gayundin si Igan Arnold Clavio na hindi man maituturing na ‘professional’ na kompositor, kahanga-hanga ang ipinapakita nitong angking talino at galing sa paglapat ng mga letra’t titik sa kanilang Balintatawit program kung saan idinadaan sa saliw ng musika ang kanilang komento’t reaksiyon sa isang pambansang isyu.

Sa mga hindi nakakaalam, hindi lang po sa komedya mula sa sumikat na Iskul Bukol at Eat Bulaga na ‘longest noontime show’ sa kasaysayan ng Pilipinas (hanggang ngayon!) nagmula si Tito Sen dahil bago pa ang showbiz, isa na ang mambabatas sa nagtaguyod at haligi ng Philippine music industry.

Kasama ang utol na si Bossing Vic Sotto at Comedy Henyo Joey de Leon, si Tito Sen ang isa sa dahilan kung napaindak, naihele, nabighani at nalibang ang mamamayang Filipino sa mga awiting pinasikat na ‘Awitin Mo, Isasayaw Ko,’ ‘Bakit Labis Kitang Mahal,’ ‘Bongga Ka Day,’ ‘ Dahil Mahal Kita,’ Disco Fever’ ‘Ikaw ang Aking Mahal Mahal,’ ‘Para Sayo,’ ‘Rock Baby Rock,’ ‘Sumayaw,’ ‘Sumunod,’ ‘’Swing,’ ‘Ipagpatawad Mo,’ at marami pang iba.

Ang VST & Co. ng Tito, Vic and Joey ang isa sa nagtaguyod ng mga awiting masasabi nating Original Pilipino Music mula dekada 70 hanggang sa mga Karaoke, Zumba at Ballroom dance ng ating senior citizens sa kasalukuyan.

Dating Vice-President ng Vicor Music si Tito Sen kaya lingid sa kaalaman ng nakararami, ang pinipintasan ninyong mula sa Wanbol University ang nagbigay ng ‘break’ kaya pumaimbilog ang ‘singing career’ nina Showtime Tawag ng Tanghalan Punong Hurado Rey Valera, Freddie Aguilar at Sharon Cuneta.

Mismong sila ang nagpatunay nito sa mga nakalipas nilang pahayag kung paano nakatulong sa kanilang ‘singing career’ si Tito Sen.

Kaya bago sana manghusga, mamintas at manlait ang mga nagpapanggap na matatalinong bashers sa social media, dapat ay alamin muna nila ang pinagmulan ni Sotto sa industriya ng komposisyon at pagkanta.

Medyo kailangan din siguro ng ilang naggagaling-galingan na ‘millenials’ ngayon na mag-research din naman kahit kaunti para naman kahit papaano ay may sustansya ang kanilang komento sa isyu ng pagbabago sa ‘lyrics’ ng ating pambansang awit.

Nang matapos ang Edsa People Power 1 taong 1986, si Tito Sen ang nag-composed ng awiting ‘Magkaisa’ na kinanta ni Virna Lisa.