6,126 guests

Dick 'crazy'

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 189

'Uncovered'

PAUMANHIN sa titulo pero gusto lang po natin bigyang-daan ang komento’t puna ng ilang netizens tungkol sa istilo ng paghawak ni Senador Richard ‘Dick’ Gordon sa  Senate Blue Ribbon Committee.

Aminin o hindi ng tanggapan ni Gordon, batbat sila ng batikos ngayon dahil mistulang sinolo ng senador ang nakalipas na ‘Senate inquiry in aid of legislation’ tungkol sa nakatatakot na pagbili sa P3.5 billion bakuna ng Dengvaxia.

Maaaring tama ang sinabi ni Gordon na may ilang netizens din ang nagtatanggol sa kanya, ngunit hindi po ito labanan kung sino ang may mas maraming puna, batikos o simpatya.

Dapat isaalang-alang ng senador kung saan ba nanggagaling ang hugot ng mga bumabatikos sa kanya. Lalo na ang mga puntong tinagurian nang ‘The Gordon Show’ ang nakalipas na pagdinig dahil hindi binigyan ng pagkakataong makapagsalita’t makapagtanong nang mahaba ang mga mambabatas na dumating sa naturang inquiry.

Kung dati ay may tig-limang minutong inilalaan sa bawat senador upang magtanong sa isang pagdinig ay hindi ito nangyari sa Blue Gordon Committee dahil wala tayong matandaan na umabot nang kahit isang minute man lang ang nakapagtanong pa na isang mambabatas maliban kay Gordon na mahigit anim na oras nagsalita at naglitanya.

May isa’t kalahating dekada na rin tayong nagkukober sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso. Iba-ibang senaryo’t kaganapan na rin ang ating naisulat para sa pahayagang ito.
    
Kaya kung ako ang inyong tatanungin, balido po ang reklamo’t puna laban kay Gordon -- hindi lamang ng mga netizen, kundi pati na rin sa hanay ng oposisyon.
    
Gusto kong linawin na wala tayong intensiyon para siraan ang matalinong senador dahil isa tayo sa naniniwala na ‘magaling’ naman talaga si Gordon.
    
Pero sana dapat ay tanggapin nito ang katotohanan na hindi porke’t alam  ng isang nilalang na siya’y magaling at matalino ay hindi na siya handang makinig at tumanggap ng anumang uri ng puna at batikos -- lalo na kung iyon ay tungkol sa kanyang pagkatao.
    
Walang duda na malawak na rin ang karanasan ni Dick sa pulitika.
    
Pero bilang isang politiko na nagsasabing ‘para sa bayan’ ang kanyang ginagawa ay nakahanda rin dapat siyang pakinggan ang sinasabi ng mga netizen na bahagi rin naman ng lipunan.
    
Oo’t magkahiwalay ang kulay nila sa pulitika ni Senadora Riza Hontiveros ngunit sana naman, pakinggan kahit ‘kaunti’ ni Gordon ang reklamo ng oposisyon sa Senado.
    
Hindi porke’t mga Dilawan sila o Liberal Party ay wala na silang karapatang magbigay ng kanilang puna at hinaing dahil tulad ni Gordon, hinalal din sila ng taumbayan bilang mambabatas ng bansa.
    
Hindi tayo abogado, ngunit sa pagkakaalam ko, kaya tinawag na komite ang pinamumunuan ni Gordon dahil may mga miyembro rin siyang senador at hindi niya dapat solohin ang Blue Ribbon Committee.
    
Bukod dito, hindi lang Blue Ribbon Committee ang may hawak ng pagdinig sa Dengvaxia controversy dahil ‘joint hearing’ po iyon ng Health Committee na hawak naman ni Senador JV Ejercito bilang co-chair.
    
Ang problema, pati si Senador JV ay hindi na rin nakapagsalita.
    
Magtatanong pa lang ng isang beses ay sisingit na agad si Gordon kaya sapaw na sapaw ang magaling na senador mula sa San Juan.
    
Sa pagkakaalam ko rin, ang isang chairman ng komite ang nagta-trapik ng mga papasok na tanong, sagot at proseso sa pagdinig.
    
Ibig kong sabihin, ang chairman ng isang komite ang maggagabay sa mga kapwa senador na gustong magtanong sa kanilang mga ‘resource person.’
    
Dapat -- alam kong alam din ito ni Gordon -- na tulad niya, may karapatan ang mga kapwa senador sa pagtatanong sa lahat ng uri ng pagdinig, lalo na ang mga miyembro ng komite.
    
May tinatawag na ‘parliamentary courtesy.’ Ibinibigay ito ng isang mambabatas sa kapwa mambabatas.
    
Hindi na dapat pakialaman o turuan pa ni Gordon ang sinumang senador kung ano ang gusto nilang itanong sa resource person dahil karapatan iyon, hindi lamang ng mga LP senator kundi ng mga administration senator din.
    
Wag kalimutan ni Gordon na ang ‘maling’ paghawak din niya sa Blue Ribbon Committee ang ugat ng pinag-awayan nila Senador Antonio Trillanes kaya kamuntik pa silang magsapakan sa loob ng plenaryo.
    
Sa nangyayari ngayon, sa halip na mabawasan ang kakampi ni Trillanes ay nakakakuha pa ito ng simpatya mula sa taong bayan.
    
Ang hindi pa maganda sa nakalipas na pagdinig, pati ba naman ang bulungan nina Senador Joel Villanueva ay sinita pa ni Gordon.
    
Nagmukhang engot tuloy si Villanueva na walang nagawa sa ginawang pamamahiya ni Dick.
    
Uulitin ko. Wala tayong intensiyon para siraan si Gordon.
    
Siguro panahon na para magmuni-muni si Dick upang baliktawin kung bakit ba tinawag na Gordon show ang mga nakalipas na pagdinig dahil totoo naman talagang nag-monologue na ito nang bonggang-bongga.
    
Ayaw kong sabihing hibang pero baka nao-overwhelmed na si Gordon sa hawak niyang kapangyarihan bilang chairman ng Blue Ribbon Committee. Puwede nitong panoorin uli ang video ng mga nagdaang hearing baka sakaling ‘magising’ si Gordon.
    
Suwerte ni Dick dahil naghaharing uri ang mga ‘Duterte senators’ ngayon kaya hindi siya basta masibak sa puwesto bilang Blue Ribbon Committee chair.
    
Bilang miyembro ng Senate media, ako na po ang nagsasabi sa inyo, Mr. Senator na marami na kayong mga kasamahang mambabatas ang naiinis talaga nang sobra-sobra dahil talagang hindi sila makasingit kapag ikaw na ang chairman ng komite.
    
Hindi lang nila makuhang magalit nang harapan dahil nirerespeto ka nila bilang isa sa mga ‘senior senator’ ng 17th Congress.
    
Kaya sana, respetohin mo rin ang iyong mga kasamahan — bagitong senador o opposition senators man sila!