5,771

‘Designated Survivor’ swak kay Mocha

  • Written by Mario Fetalino Jr.
  • Published in Opinion
  • Read: 261

IMBES na kastiguhin, dapat pa ngang parangalan itong si Philippine Ambassador to Kuwait na si Renato Villa dahil sa ginawang pagligtas ng kanyang tanggapan sa mga inabusong OFW sa naturang Arabong bansa.

Sa totoo lang, sinakripisyo ni Villa at ng kanyang mga tauhan ang kanilang kaligtasan dahil sa kanilang ginawang paglabag sa soberinidad ng Kuwait.

Pero sa kabila nito, mas pinili ng embahada natin sa Kuwait ang kapakanan ng ating mga kababayan na nanganganib ang buhay sa kamay ng mga abusadong foreign employer.

At bakit naman hindi? Unang-una, Pilipino ang nangangailangan ng tulong. Hindi ba dapat natin isalba ang kapwa natin Pilipino na nangangailangan ng tulong lalo pa’t may paraan?

Pangalawa, pangunahing tungkulin ng mga embahada na iligtas ang mga Pilipino sa bansa na kanilang kinasasadlakan sa oras ng pangangailangan. Para saan pa ang mga embahada kung hindi nila ito gagawin sa ating OFWs?

Sa aking pagkakaalam, ang tanggapan ni Villa ang kauna-unahang embahada ng Pilipinas na nagpamalas ng katapangan at kagitingan alang-alang sa ating modern day heroes.

Dapat itong tularan ng mga iba pa nating embahada sa ibang bansa na pinapatakbo ng mga opisyal na walang ginawa kundi magpasarap sa buhay kaya pinuputakte ang kanilang mga tanggapan ng reklamo mula sa mga dismayadong OFW.

Samantala, mainam din naman ang ginawa ni Pangulong Duterte sa paghingi nito ng paumanhin sa pamunuan ng Kuwait dahil sa naganap na pag-rescue.

Ano pa nga ba ang gagawin ni Duterte kundi magpakumbaba na lamang dahil hawak na naman ng gobyerno natin ang naisalbang OFWs. Isa na itong malaking tagumpay na hindi na nangangailangan ng paghahamon ng away.

Isa pa, nalagay na nga sa alanganin ang Kuwait dahil naisahan sila ng Department of Foreign Affairs kaya hindi na kailangan pang paypayan ang apoy.

Kumbaga, huwag na tayong humirit para iwas pusoy. Dahil diyan, muli na naman tayong sasaludo kay Pangulong Duterte. Isama na natin si DFA chief Alan Peter Cayetano na nagpakita ng galing upang malutas ang krisis.

Ang pupunahin natin kahit pa siya sexy at kaakit-akit ay si Usec. Mocha Uson mula sa communication group ng Malacañang dahil sa napapabalitang siya raw ang unang nag-post sa social media ng video patungkol sa rescue operation.

Marahil ay dakila ang hangarin ni Madam Uson sa kanyang pag-post ng video at hindi niya batid ang masamang epekto nito sa relasyon ng Kuwait at Pilipinas.

Kaya naman pinapayuhan natin ang butihing undersecretary na mag-relax naman ’pag may time at manood sa Netflix ng
‘Designated Survivor’ nang maintindihan niya ang kahulugan ng mga bagay na may kahalagahan sa national interest at kinakailangan
ang matulis na kakayahan upang matanto kung kailangan itong isapubliko o ilihim.

* * *

For comments, please call or text 09055080126 or email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.