5,215 guests

‘Dedma’ sa protesta si Comm. Sid?

  • Written by Paul M. Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 232

“NAGPAKITANG” gilas na naman ang Bureau of Customs (BoC) sa ilalim ni Comm. Sid Lapeña, mga kabayan.

Ayon kasi sa ‘press release’ ng kanyang tanggapan, muling kumolekta ng higit P3 bilyon sa loob
ng isang araw ang Aduana, noong Nobyembre 3 (P3.045 bilyon) at Nobyembre 10 (P3.839 bilyon).

Sapul nang maupong kapalit ni Comm. Nicanor ‘Mang Kanor’ Faeldon si Comm. Sid noong huling
araw ng Agosto, ang higit P3 bilyon na koleksyon ngayong buwan ang ikalawang pagkakataon na “nagposte”
ng ganitong halaga sa kanyang ‘daily collection’ ang BoC.
    
Unang “nagyabang” sa magandang pangyayaring ito si Comm. Sid noong Setyembre nang “kumolekta”
rin ng lampas P3 bilyon isang araw ang Aduana, P3.32 bilyon noong Setyembre 28 at P3.2 bilyon sumunod
na araw, Setyembre 29.
    
Kamakailan naman, kahit si Sen. JV Ejercito ay nagsabing dapat nang isantabi ang bagong
panukalang batas ng administrasyon sa buwis (TRAIN -- Tax Reform for Acceleration and Inclusion) na
aniya’y “anti-poor” dahil noong Oktubre at ‘for the first time in its history,’ wika nga, kumolekta ng
lampas P42 bilyon ang Aduana habang “umakyat” naman sa higit P138 bilyon ang koleksyon ng BIR.
     
Aniya, kung “aayusin” lang ng BoC at BIR ang pangungolekta ng buwis, “hindi na kailangan” pa
ang karagdagang buwis na gustong mangyari ng ‘TRAIN.’
    
’Yun nga lang, mga kabayan, kung may mga “natutuwa,” may mga “nayayamot” o “umaangal” din sa
mga isinusulong na “reporma” at mga “pagbabago” sa Aduana ni Comm. Sid.
    
Sa katunayan, kahapon ng umaga, nalaman natin kay kasamang Rey Soliman, pangulo ng
‘Professional Customs Brokers Association of the Philippines, Inc. (PCBAPI), na natuloy pala ang
kanilang “kilos-protesta” sa ‘Port of Manila’ (POM) na siya ring punong tanggapan ni Comm. Sid.
     
“Dinala” ng kanyang grupo ang isyu ng “paglusaw” ni Comm. Sid sa ‘sectioning’ sa Assessment
(Formal Entry) Division sa POM at MICP at itong “sindikato” ng “TABS” (Terminal Appointment Booking
System) na sa administrasyong Noynoy ay tinawag din nilang, ‘The Aquino Business Syndicate.’
    
Una sa reklamo ng ‘stakeholders’ ng Aduana sa “paglusaw” ni Comm. Sid sa ‘sectioning’ sa POM
at MICP ay ang katotohanan na naging mabagal, as, in, usad-pagong, DOF Sec. Sonny Dominguez, ang
‘document processing’ sa dalawang ‘major ports’ ng bansa.
     
Sa ‘old system’ bago ito “ginalaw” at “binago” ni Comm. Sid, marami na nga ang umaangal na
inaabot ng kalahating araw bago “makalabas” sa Assessment Division ang kanilang mga papeles eh ngayon
pa kaya na “mabilis” na ang dalawang araw, aber?
     
At alam kaya ni Comm. Sid na batay sa ‘monitoring’ ng ‘Asian Terminal, Inc., ang ‘arrastre
operator’ sa POM, nagsisimula na namang “magtambakan” ang ‘container vans?’ Translation? May ‘port
congestion’ na naman, mga kabayan!
     
Ayon pa kay kasamang Rey, ‘fake news’ din ang sinasabing ‘5-days maximum’ ni Comm. Sid hinggil
naman sa serbisyo ng “AMO” (Account Management Office) na aniya’y inaabot din ng higit 2-buwan bago
mailabas ang kanilang ‘permit’ upang makapagparating ng mga kargamento.
     
At siyempre, sa halip na bumilis ang biyahe ng mga cargo truck’ palabas at papasok ng
pantalan, hindi rin talaga solusyon itong TABS ng rehimen ni Noynoy upang tuldukan ang problema ng
‘port congestion.’
     
Kung may “natutuwa” sa sistemang ito, eh, siyempre, ’yun lang mga bosing ng sindikato, err,
sistemang ito na milyones ang komisyon, agh, koleksyon, bawat araw mula sa isang ‘private bank
account’ kung saan pumapasok ang bayad ng ‘truckers.’
     
Ang masakit pa nito, mga kabayan, dahil nga “nararamdaman” na naman ang “pagsibol” ng ‘port
congestion’ sa mga “yarda” ng POM at MICP, aba’y siguradong “fiesta” na naman ang mga ‘shipping lines’
at ang kanilang buong sindikato.
 
Dangan kasi, sa paulit-ulit na problemang ito, sila-sila lang ang “tumatabo” ng kuwarta dahil
kung ano-ano namang dagdag-gastos ang kanilang sisingilin sa mga kargamento katulad nitong ‘port
congestion fee.’
     
Oh yes, Comm. Sid, alam mo bang may iba pang mga grupo dyan sa pantalan na nagkakamal ng
kuwarta sa bawat araw na mabagal ang “proseso” ng mga kargamento sa BoC?
 
At hindi lang ’yung mga ‘corrupt employees’ sa Aduana, hane Comm. Sid?
     
Translation? Hindi lang naman sa hanay ng BoC may mga ‘corrupt.’ Andami rin sa hanay ng mga
arrastre, shipping lines, etc., etc.
    
Sa nalaman pa natin, “kasama” rin pala sa mga “nakisimpatiya” sa “Araw ng Panawagan” ng mga
‘customs brokers’ kahapon ang unyon sa BoC, ang BoC Employees Association o “BOCEA.”
     
‘Andami rin kasing “hugot” ng unyon sa ‘management style’ ngayon ni Comm. Sid partikular sa
isyu ng ‘promotion, ‘overtime pay’ at ‘lack of consultation’ sa kanila ng ‘BoC management.’
     
’Yun nga lang, sa kanya palang ‘press conference’ kahapon kasabay ng naturang kilos-protesta
ng PCBAPI at BOCEA, “pahapyaw” lang umano ang naging pagbanggit dito ni Comm. Sid, ayon sa ilang
miron.
     
Kumbaga, “dedma” lang sila kay Comm. Sid, ganun ba ’yun? Baka kasi “naliliitan” sa kanila,
ahahay!
     
Harinawang maayos ni Comm. Sid ang mga reklamong ito at huwag “maliitin” ang mga reklamong
natatanggap niya.  May kasabihan na ang “maliit” ang “nakakapuwing,” hindi ba, mga kabayan?
     
Kapag “malaki” na kasi, hindi ka na “mapupuwing” dahil kapag tumama, sigurado, “black eye,”
hahaha!
 
At hahantayin pa ba ni Comm. Sid na lumaki ang problema na kapag nagawan nang solusyon, alam
nating makatutulong din naman sa kanyang administrasyon.
     
Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata.