Dayaan sa Mayo 13, 2019

October 20, 2018

NAKASULAT na sa pader na magkakaroon ng dayaan sa nakatakdang subasta, este, halalan sa Mayo 13, 2019 kung saan pipili ang taong bayan ng 12 senador at mga kongresista ng bawat distrito at partylist, mga punong lalawigan, punong lungsod at punong bayan, mga bise, bokal at konsehal.

Una, sa kabila ng mga mungkahi at panawagan ng Automated Election System Watch at iba pang mga nagmamalasakit para makapagdaos ang Pilipinas ng isang malinis, parehas at kapani-paniwalang halalan, tuloy pa rin ang yakapan ng COMELEC at Smarmatic sa paggamit ng  PCOS machines na ginamit sa 2010, 2013 at 2016 halalan. Ayon kay Tatad (Manila Times, September 18, 2018) isang hapunan lang ng Pangulo Rodrigo Duterte at Smartmatic International Chairman Lord Mark Malloch Brown ang kinailangan para balewalain ng Pangulo ang mga mungkahi na huwag ipaubaya sa Smartmatic ang pagpapatakbo ng halalan sa 2019. Kaya nga’t kahit lampas na sa isang taon mula Mayo 2016,  nagawa pa rin ng COMELEC na aprubahan ang Option To Purhase o OTP ng PCOS machines nitong Enero 12, 2018 lamang. Isa itong tahasang paglabag sa RA 9184 o Government Procurement Reform Act o GPRA. At tulad ng ano mang electronic appliance, kailangan ayusin,  paandarin at kumpunihin ang  PCOS machines na ito na naimbak ng mahigit 2 taon sa isang bodega sa Laguna. Siyempre, kikita na naman ang Smartmatic sa pagpapaayos ng mga makinang ito.

Magpasa hanggang ngayon, hindi pa rin nilalabas ng COMELEC ang  IRR o Implementing Rules and Regulations ng  RA  9369 na nag-amyenda sa RA  8436 (Automated Election System Law). Dahil dito, ang COMELEC mismo ay hindi makasunod sa inuutos ng RA 9369 na magkaroon ng source code review, digital signatures, voter verified paper audit trail at marami pang ibang usaping teknikal. Hindi ito nasunod nuong 2010, 2013 at 2016. Malabo rin itong masunod sa 2019.

Balewala sa COMELEC na sa Court of Chancery sa Delaware, inamin na ng Smartmatic na depektibo ang PCOS machines nila (Celis, Manila Times, Oct 3, 2018)  na gawa pala  ng Dominion Voting Systems na mula sa Toronto, Canada. Sales agent lang pala ng Dominion ang Smartmatic. Kung papaano nagawa ng isang sales agent na makuha ang P13 Bilyon kontrata sa COMELEC nuong 2010 ay isang malaking kababalaghan. (Dulay, Manila Times, Oct 9, 2018). Ito ay nakakalungkot na balita. Ito kaya ang dahilan bakit ang lalakas ng loob ng mga kakampi ng Administrasyon na tumakbo sa 2019?

Ang mga paratang at habla ng asawa ni dating COMELEC Chairman Andy Bautista ay hindi gumagalaw. Walang maliwanag na hakbang ang pamahalaan para puwersahan mapauwi sa Pilipinas si Bautista na nasa ibang bansa para sagutin ang mga reklamo laban sa kanya.

Pangalawa, kung kaya ng konsensya ng mga titser at principal  na  dayain ang National Achievement Test, kaya din nilang mandaya  sa halalan kapalit ang pera mula sa mga kandidato. Ang pandaraya sa National Achievement Test ay  natuklasan kamakailan lamang pagkaraan baguhin ang pagbibigay ng NAT sa umpisa ng Grade 7 imbes na sa pagtatapos ng Grade 6 (Cheating in National Test bared by DepEd, Manila Times, Sept 9, 2018). May rankings ang  DepEd schools batay sa NAT scores ng kanilang estudyante. Isang malaking karangalan na malista sa taas kesa sa hulihan ng listahan. Dahil dito, itinuturo ng titser ang sagot sa mga batang kumukuha ng NAT. Dahil Grade 7 na ang mga bata sa Junior High School, wala ng kontrol ang mga titser sa elementarya. Kung dati rati matataas ang mean percentage scores ng Grade 6 sa dating schedule, ngayon lumalabas ang tunay;  may mga non-reader at may pang Grade 4 o mas mababa pa ang kakayanan ng utak ng estudyante na nasa Grade 7 na (Private School standard tests data tell a grim story, Manila Times, Oct 4, 2018).

Pangatlo, kahit alisin natin ang Smartmatic, marami pa rin bulok na election registrars ang nakahandang guluhin ang halalan para paboran ang magbibigay sa kanila ng malaking pera. Simple lang ang gagawin nila, guluhin ang voters list.  Iwawaglit nila ang tunay na precinct map na tinatakda ang mga lugar na saklaw ng bawat presinto at paghahaluin ang mga botante mula sa iba’t ibang lugar sa isang presinto. Halimbawa na ang aming kasambahay. Parehas lang kami ng address subalit magkaiba kami ng voting Center. Kaming mag-asawa ay sa Marulas Central School bumoboto samantalang sa San Miguel Heights Elementary School bumoboto ang kasambahay namin. Nililito nila ang botante para hindi makaboto. Bagamat may biometrics na ang mga botante na itinatakda ng RA 9369, ang walanghiyang election registrar ay ipapagamit ang lumang book of voters na walang mga litrato ng botante sa araw ng halalan. Kahit sinong flying voter ay puwedeng magpanggap na siya si Juan o Juana dela Cruz at kung aanga-anga ang watcher at duduruin pa ito  ng kasakapakat na titser ng BEI, makakaboto ang hindi dapat bumoto sa halalan.

Tayo po ay nananalangin na huwag ipahintulot ng Diyos na maganap ang walang katapusang dayaan sa halalan sa Pilipinas. Pagod na ang mga Pilipino sa mga bigong pangako ng mga pulitikong nananalo dahil sa pandaraya sa halalan. Nawa ay kibuin ng Diyos ang Pangulo na huwag pagharian ng pansariling interes bagkus kilalanin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinis na halalan at agarang utusan , habang may oras pa, ang COMELEC na sibakin na ang Smartmatic at mga tiwaling opisyales ng COMELEC. Ito ang tunay na pagbabago.