Commitment order pinagkakakitaan?

October 16, 2018

HINDI lang pala “visiting fee” at VIP treatment sa mga inmate ang pinagkakakitaan ng kapulisan sa iba’t-ibang detention facilities kundi pati na rin ang pagtatago ng commitment order na isa sa sanhi ng pagsisikip ng mga detention cell ng kapulisan.

Mismong si Northern Police District (NPD) Deputy Director for Administration Sr. Supt. Ariel Arcinas ang nakabuko sa pagtatago ng commitment order ng mga pulis sa District Special Operation Unit (DSOU) na dahilan kaya’t siksikan ang mga inmate.

Bigla nga raw lumuwag ang detention cell ng DSOU nang iutos ni Col. Arcinas na dalhin na sa city jail ang lahat ng may commitment order.

Pero hindi lang pala sa pagtatago ng commitment order kumikita ang mga hepe at tauhan sa jail facilities dahil batid ni Col. Arcinas na may pondong nakalaan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa detention facilities ng bawa’t police stations para sa pagkain at aminado ang mga station commander na natatanggap naman nila ang pondo na nakabatay sa dami ng bilang ng mga inmate.

Mas maraming inmates, mas malaki ang natatanggap na pondo bagama’t naaantala talaga ang pamamahagi  ng regional office ng mula isa hanggang tatlong buwan. Pero kahit na huli, natatanggap pa rin nila at tiyak na hindi naman sa pagkain ng inmates napupunta ang pondo.

Dito nga lang sa Jail Management Section ng Caloocan police, maraming dalaw ang nagrereklamo dahil sinisingil umano sila ng mula P200 hanggang P400 para raw may pondo ang mga bilanggo, bukod pa sa higit na malaking bayad umano para sa VIP treatment ng piling detenido.

Siksikan din ang mga inmate sa naturang pasilidad pero ang karamihan ay mas ninanais na manatili rito sa halip na madala sila sa Caloocan City Jail kaya’t bumabayad ng malaking halaga para maantala ang paglilipat kahit may commitment order na mula sa korte. Bukod siyempre ito sa pondong natatanggap mula sa NCRPO na nakabatay sa dami ng inmates.

Kailangan siguro na ang Caloocan Jail Management Section naman ang sorpresang bisitahin ni Col. Arcinas at tiyak na mas marami siyang matutuklasang raket ng mga pulis dito.

Dan Israel Ang

Magiging kapanapanabik ang darating na halalan sa Navotas City dahil sa pagtakbo bilang alkalde ng 28-anyos na si Konsehal Dan Israel “D.I.” Ang, ang anak ng shipyard owner at pilantropong si Danilo Ang na naghain na ng kanyang kandidatura, kasama ang buong coalition ticket na tinaguriang Dream Team.

Lalabanan ni Ang, kilala sa bansag na D.I., si Congressman Toby Tiangco na papalit sa kanyang nakababatang kapatid na si Mayor John Rey na tatakbo naman bilang kinatawan sa Kongreso nang magtapos ang kani-kanilang termino.

Magiging running mate ni D.I si Raymund Cruz habang ang dating broadcaster na si Konsehal Marielle Del Rosario na anak ni dating Mayor Peping Del Rosario ang kanilang kinatawan sa Kongreso.

Kabilang din sa tiket ni D.I. sina Essay Abella, Lito Sulit, Anne Margarette Gaa, Kyle Gonzales, Gian So at Levy Ayuda bilang konsehal sa unang distrito habang sina Amos Hechanova, Michael Bautista, Aljon Gruta, Gina Navarro, Waldy Punong Bayan at Philip Del Rosario naman sa ikalawang distrito.

Ayon kina D.I. at Del Rosario, batid nila na marami ring nagawa sa lungsod ang magkapatid na Tiangco bagama’t naniniwala sila na mayroon pang kakulangan na kanilang mapupunuan upang magkaroon ng tunay na pagbabago sa lungsod.

“Holistic” approach o panlahatang pananaw ang gagawin ng Dream Team ni D.I. sa oras na maupo bilang punong ehekutibo upang matiyak na maipagkakaloob ang lahat ng kinakailangang serbisyo sa mga mamamayan.

Si D.I., na lehitimong taga-Navotas, ay unang sumabak sa pulitika noong taong 2016 at sa kabila ng kawalan ng makinaryang pampulitika, naluklok bilang konsehal at nag-iisang miyembro ng minorya ng Sangguniang Panlungsod.

Rep. Erice

Ngiti lang ang naging tugon ni Caloocan  City 2nd District Rep. Egay Erice nang tanungin kung may tsansang masilat siya ni dating Rep. Mitch Cajayon-Uy kung sakali at silang dalawa ang maglalaban sa darating na mid-term election bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng lungsod.

Si Erice ay tatakbong muli para sa kanyang huling termino bilang kongresista ng 2nd District at kumpiyansang susuportahan siyang muli ng mga taga-Caloocan lalo na’t suportado rin niya ang lahat ng programa at proyekto ni Mayor Oca Malapitan kahit magkaiba ang kanilang partidong kinaaaniban.

Nakatulong din ng malaki si Rep. Erice kay Mayor Oca sa mga isinulong na proyekto ng alkalde kaya’t bumilis ang pag-unlad ng lungsod, patunay ang pagkakaloob ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ika-apat na pagkakataon ng Seal of Good Local Governance (SGLG) sa lokal na pamahalaan.

Sa puna at reaksiyon, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.